Kabanata 11

843 34 13
                                    

Veronica

Kulang na lang ay pumasok na ako sa salamin sa katitingin ng repleksiyon ko. Hindi ko maawat ang sarili dahil conscious na conscious ako sa hitsura ko ngayon. Haharap ako sa pamilya ni Gabriel, at ayokong magmukhang maasim na basagulerang babaita sa kanto.

Marahan kong sinuklay ang itim na itim at tuwid na buhok na umabot na sa balakang. Suot ko ang bigay na bestida ni Gabriel na kulay puti na hanggang tuhod ang haba. Hapit iyon sa katawan at simple lang pero nagmukha akong pormal na babae. Pinaresan ko iyon ng itim na flat sandals na kasama ng dress na ibinigay ng aking sugar daddy.

“Hay, Gabriel. Spoiled na spoiled na ako palagi sa iyo,” kausap ko sa sarili nang madama ang malambot na tela ng bestida.

Kauuwi ko lang galing sa palengke para magtinda. Naligo agad ako kanina at excited na isinuot ang dress na ito dahil kahapon pa ako gandang-ganda rito.

Napangiti pa ako sa huling pagkakataon sa harap ng salamin bago lumabas ng kuwarto. Sa sala ay nakatambay ang mga kapatid ko na abala sa pagse-cellphone.

Tinaasan ako ng kilay ni Kuya Damien at napabangon pa mula sa pagkakahilata sa mahabang kawayang upuan.

“Ganda ng porma natin, a. Saan punta?”

“Saan pa ba? Edi sa birthday ng lalaki niya,” sabat ni Kuya Damian na ikinairap ko.

“Ah, ’yong mayamang tisoy?”

“Oo.”

“Aba! Bakit doon pa, Maria? Kung mayaman lang din ang type mo, dapat si Boss na!”

Agad na nangasim ang mukha ko at muntik pang maduwal sa sinabi ni Kuya Damien. “Iw! Bakit hindi ikaw ang pumatos doon?”

“May matres ba ako?” pagtataray nito na ikinaismid ko.

“Aalis na nga ako. Ang cha-chaka ninyo!” Sabay hair flip.

Pagdating ko sa tapat ng bahay ni Kimmy ay saktong kalalabas lang din nito. Kahit madilim na ang paligid dahil alas seis na ay kitang-kita ko pa rin ang suot nitong pulang t-shirt at pantalon.

Parang namaga ata ang mga ugat ko sa ulo at pinanlakihan ito ng mga mata.

“Hoy! Akala ko ba all white tayo?” asar kong tanong at pinamaywangan ito.

Hindi nakaligtas sa akin ang pagiging ilap ng mga mata nito. Bagamat nakataas ang mga kilay, alam kong may itinatago ito.

“Luh! ’Di ba, sabi ko kanina, hindi na ako magpuputi kasi nasa labahan pala ang white shirt ko?”

“At talagang nagdadahilan ka pa ng ganiyan? Wala ka namang sinabi kanina, a! Sinungaling!” kontra ko rito at inirapan ang babae.

Hindi ako nito pinansin at nanguna lang. Talaga naman!

“Hoy! Magpalit na lang din kaya ako ng pantalon? Baka ako lang ang mukhang expensive roon dahil sa suot kong mamahaling bestida. Baka isipin ng pamilya niya, ritskid ako!”

Sinamaan ako nito ng tingin sabay hila sa braso ko. “Huwag na! Okay na ’yan! Ganda-ganda mo nga tingnan, e! Naku! Baka kapag nakita ka na ni Gabriel, anakan ka na n’yon bigla!”

“Gaga!” Sinakal ko ito gamit ang braso at pinanggigilan. “Baka magdilang-anghel ka! ’Yoko pa makatay ni Papa!”

Tawang-tawa naman itong lumayo sa akin.

Hanggang sa bigla na lang may nag-text sa akin. Narito na raw ang susundo sa amin ni Kimmy.

Impit akong tumili nang may matanaw na puting kotse na papalapit. Iba ito sa naunang kotse na dinala ni Gabriel nang sunduin niya kami sa palengke.

Caught By LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon