Third Person POV
Marahang kumatok si Umi sa pinto ng kuwarto na may numerong 342. Sa kabilang banda, nagkatinginan naman ang mag-asawa sa loob na kapwa'y nagtataka dahil wala naman silang inaasahan na magiging bisita.
"Baka 'yung nurse lang siguro ulit," saad ng babae.
Nagkibit balikat naman ang lalaki at binuksan ng kaunti ang pinto, sapat na para makita niya si Umi na walang emosyong nakatayo sa tapat nito.
"Sino sila? At anong kailangan niyo?" Naguguluhan na tanong ng lalaki kay Umi.
Hindi sumagot Umi ngunit inabutan niya ito nang isang piraso ng papel na may guhit ng bata.
Nakaguhit sa papel ang isang larawan ng isang masayang pamilya kasama ang kanilang bagong silang na sanggol habang makikita naman sa 'di kalayuan ang larawan ng isang bata na masayang nakangiti at may hawak na hugis na puso.
"Nakakausap ko ang panganay na anak niyo na namayapa." diretsong saad ni Umi sa lalaki habang wala pa ring mababakas na emosyon sa mukha nito.
Hindi sumagot ang lalaki at itinago na lamang ang piraso ng papel sa bulsa ng suot nitong pantalon. Akmang isasara niya na muli ang pinto nang iharang ni Umi ang kaniyang paa rito.
Napansin naman sila ng babae kaya dahan dahan itong tumayo mula sa kama habang bitbit ang kapapanganak niya lamang na sanggol, "hayaan mo siyang pumasok, daddy. Siya 'yung ikinukuwento kong estudyante na nakasabay ko sa tren kanina." Bahagyang ngumiti kay Umi ang babae.
Wala nang nagawa ang asawa niya kung hindi papasukin si Umi sa loob ng kuwarto.
Lumapit naman sa kaniya ang lalaki at tinulungan siyang makabalik sa kama at mailapag ang sanggol sa tabi nito. Inilabas na rin ng lalaki ang piraso ng papel na kaninang inabot ni Umi sa kaniya at ibinigay ito sa babae. Dahil dito ay hindi na napigilan ng babae ang kaniyang emosyon at umiyak na ito dahilan para yakapin siya ng kaniyang asawa para pakalmahin.
"Pinapasabi ng anak niyo na hindi niyo kasalanan na nawala siya ng maaga sa inyo. Kaya 'wag niyo raw sisihin ang sarili niyo. Masaya na raw siya na makita kayong masaya lalo pa at nakita niya na rin 'yung bago niyang kapatid. Ang gusto niya lang ay sana raw ay huwag niyo kalimutan 'yung masasayang araw na kasama niyo siya." mahabang pahayag ni Umi.
"N-nandito ba siya ngayon kasama n-natin?" Humihikbing tanong ng babae.
Tumango si Umi, " nasa tabi niyo siya ngayon at umiiyak rin."
Dahil sa mga sinabi ni Umi ay lalong naiyak ang mag-asawa.
Sa totoo lang hindi na bago kay Umi ang makakita ng ganitong scenario dahil sa mga nakikita niya araw-araw parang walang bagay na hindi niya na nakasanayan makita. Magmula sa mga nakakasuka at nakakadiring bagay hanggang sa mga nakakaiyak at nakapanlulumong pangyayari. Kaya para bang naging parte na ng sistema niya na huwag magbigay ng masyadong emosyon sa lahat ng bagay.
Dahil kagaya ng mga 'entities' na tinutulungan niya, lahat tayo ay iisa lang ang patutunguhan. Ang tumawid sa puting liwanag.
Tumayo si Umi at may kinuha sa bag niya, inilapag niya ito sa tabi ng sanggol na mahimbing na natutulog.
"Pinabili ito ng anak niyo sa akin bago kami pumunta dito." pagkalapag na pagkalapag palang ni Umi ay kinuha agad ito ng batang multo na si Kai.
Bakas ang gulat sa mukha ng mag-asawa nang lumutang ito bigla at tumunog.
Cling! Cling!
"Puwede niyo siyang kausapin, dahil sinusundo na siya ng puting liwanag." Paalala ni Umi sa mag-asawa, tumango naman ang mga ito at nagsalita.
"Anak, Kai. Mahal na mahal ka ni daddy," saad ng lalaki
"Kai, anak maraming maraming salamat sa iyo. Hinding-hindi ka namin makakalimutan, palagi kitang ikukuwento sa bunso mong kapatid na si Kean. Malaya ka na anak, maging masaya ka kung nasaan ka man. Mahal na mahal ka namin." Umiiyak na sambit nang babae habang yakap-yakap nang kaniyang asawa.
Kahit na hindi nakikita si Kai ng kaniyang mga magulang masaya pa rin itong nagpaalam sa kanila at niyakap ang mga ito, kumaway rin siya at ngumiti kay Umi bago sumunod sa puting liwanag.
"Nakatawid na siya." saad ni Umi sa mag-asawa.
Tumayo na siya at tumalikod sa kanila, akmang pipihitin niya na ang doorknob nang magsalita ulit ang babae.
"Maraming, maraming salamat sa 'yo."
Hindi na nag-abala pang lumingon si Umi at tuluyan nang lumabas ng silid. Isinuot niya ang headphones niya at dumiretso sa direksyon ng elevator.
BINABASA MO ANG
His Name is Owen
Novela JuvenilAyumi is not a normal person since she can see things that a normal person don't, she called them 'entities'. She help them make their last wish happen so that they can cross the other side with the white light. But she realizes that it's not alway...