Chapter 5

58 3 11
                                    

PABALANG na inalis ni Lauri ang pagkakahawak ni Isaak sa kanyang kamay nang makarating sila sa labas ng gate ng mga ito. Nakatingala siyang napahilamos sa kanyang mukha. Malalim na humugot siya ng hangin at marahas na ibinuga iyon. Hindi maalis sa isip niya ang napag-usapan nila ng mga pinsan nito. Pakiramdam niya nang mga sandaling iyon ay nasa gitna pa siya ng mga ito at pinalilibutan.

Ayaw na ayaw niyang napag-uusapan ang tungkol sa pag-aaral niya ng business. Maski sa mga kaibigan niyang sina Paulene ay hindi niya tuluyang nai-ku-kwento ang tungkol doon at kung bakit hindi niya tinuloy ang fashion. Pakiramdam niya isa 'yong patalim na sa bawat pagbabanggit o pagtatanong sa kanya ng tungkol doon ay mas lumalalim ang sugat niya. 

Hinarap niya si Isaak. Mataman ang pagkakatitig nito sa kanya. Nakikita niya ang pakikisimpatya sa mga mata nito pero para bang mas dumadagdag lang iyon sa inis niya. Hindi niya kailangan ang awa nito!

"Thanks," walang ganang aniya. 

Bubukas pa lang ang bibig ng binata ay tinalikuran na niya ito. Walang lingon niyang tinahak ang kanilang bahay. Papasok na sana siya sa kanilang gate nang mapansin ang nakapatong sa kanyang balikat. 

Inalis niya sa pagkakayakap sa kanyang balikat ang jacket. Nang lingunin niya ang kabilang kalsada ay nakatayo pa rin doon si Isaak. Nakasuksok ang mga kamay sa suot nitong slacks at nasa kanya ang paningin. Nakita niya ang pagtuwid ng tayo nito nang maglakad siyang muli.

"Thanks," muling aniya. Inabot niya rito ang jacket pero nanatili ang mga kamay nito sa bulsa nito at hindi inaalis ang tingin sa kanya na para bang binabasa kung ano mang iniisip niya. Balak pa yata nitong hintayin na mangalay ang braso niya. Nayayamot na pabagsak niyang ipinatong sa balikat nito ang jacket. Sinalo naman nito iyon nang dumaus-os pababa.

Hinawakan siya ni Isaak sa braso nang tatalikuran na sana niya ito. Walang ganang tiningnan niya ito at naghintay ng kung ano mang sasabihin nito sa kanya. Naiinis siya pero wala siyang ganang makipagbatuhan dito ng inis.

"Are you okay?" 

"Mukha ba akong okay?"

Nagpakawala ito ng hangin. "Saan mong gustong pumunta?"

Nangunot ang noo niya sa tanong nito. 

"Sasamahan kita. Mananahimik lang ako at magda-drive. Pwede mong isipin na wala kang kasama."

Parang saglit na lumambot ang puso niya at naging malamlam ang tingin sa kaharap. Naalala niya na noong nasa sekundarya siya ay nakaugalian niya ang sumakay sa jeep kapag inaabot siya ng labis na lungkot sa kanilang bahay dahil sa pag-iisa. Nakakarating siya sa kung saan-saan. Sa ganoong paraan ay nakakapaglibot siya, nawawala ang mga naiisip niyang hindi maganda.

Pero saglit lang ang paglambot ng puso niya, dahil bumalik din agad ang inis niya.

"Ayoko!" mariing tanggi niya sa alok nito saka ito tinalikuran. Mas gugustuhin niya pang mapag-isa sa kwarto niya kaysa makasama ang lalaking iyon. 

Muli na niya itong iniwan. Nasa gitna siya ng kalsada nang matigilan siya sa paglalakad matapos niyang makarinig ng ingay. Nang lingunin niya ang kanan ay nakita niya ang humaharurot na motor bike. Papalapit iyon sa kanya. Ramdam niya ang malakas na tibok ng kanyang puso at nanlaki ang mga mata niya nang tumama ang ilaw niyon sa kanyang mukha. Alam niya ang paparating na panganib pero nablangko ang isipan niya sa kung ano ba ang dapat gawin at hindi niya nagawang kumilos.

"Lauri!"

Rinig niya ang malakas na sigaw ni Isaak kasabay ng paghila nito bago pa man tuluyang makalapit sa kanya ang motor bike. Pareho silang natumba. Rinig niya ang malutong na pagmumura ni Isaak. Mabilis itong tumayo at mabilis na tumakbo. Balak pa yatang habulin ang sasakyan pero nakalayo na iyon. Nakita niya ang pagsabunot nito sa sarili nitong buhok.

Keep Me CloseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon