Chapter 22

58 2 2
                                    

"SORRY? Ano'ng mararating ng sorry mo? Ano'ng akala mo, kapag nasabi mo ang salitang 'yon ay tapos na? Akala mo okay na ang lahat? Ganoon ba, ha!" asik kay Lauri ni Jillian pagkatapos niyang humingi rito ng tawad.

"Hindi ko hinihiling na mapatawad mo ako kung hindi mo makakayang ibigay 'yon, Jillian, pero sinsero ang paghingi ko ng tawad. Pinagsisisihan ko kung ano man ang mga nagawa kong mali."

"Ni hindi mo nga alam ang kasalanan mo, Lauri! Wala kang naalala sa pagkakamaling nagawa mo sa akin! Wala kang alam!"

Napatungo siya. Hindi niya iyon maitanggi. Dahil kahit anong pag-iisip niya ay wala siyang maalala sa sinasabi nito. Pero iyon pa ang mas nagpapabigat ng damdamin niya. "I'm really sorry," tanging nasabi niya. Nanlalabo ang mga mata niya dahil sa pamamasa niyon.

Itinukod ng kaharap ang mga kamay sa tuhod nito kaya naman nagkapantay ang kanilang mukha. Hindi niya magawang dapuan ng tingin. Nakararamdam siya ng hiya para rito.

"But why did you do that, ha, Lauri? Masaya ka bang nasasaktan mo ang ibang tao? Masaya ka ba, ha?"

"N-No." Paulit-ulit na umiling siya. "Hindi kailanman, Jillian. Maniwala ka sa akin."

Humalakhak ito ngunit mas bumakas ang bagsik sa mukha nito. Mabilis itong tumayo at dinakot muli ang kanyang mukha. Nasasaktan siya pero hindi niya iyon nagawang indahin pa. Dahil lamang ang pagsisisi kaysa sa sakit na nararamdaman niya roon.

"Hindi kailanman? Sinungaling ka, Lauri! Sinungaling ka! Ang sabihin mo nag-e-enjoy ka sa ginagawa mo! Nag-e-enjoy ka na nakakasakit ka ng iba!"

Pabalang nitong binitawan ang kanyang mukha. Malakas itong sumigaw nang sumigaw habang sapo nito ang sarili nitong mukha. Habang siya ay tahimik na humihikbi.

Paano niya sasabihin dito na katulad niya ay nasaktan lamang din siya sa mga pangyayari sa buhay niya? Pero tama nga bang sabihin niya pa iyon? Maraming nasasaktan pero mas pinipili pa rin ng mga ito na maging mabuti. Hindi katulad niya na piniling manakit dahil lang sa nasasaktan siya. Baka nga hindi lang si Jillian ang nasaktan niya nang hindi niya nalalaman. At ang isipin pa lang iyon ay mas lalong dumadagdag sa galit na nararamdaman niya para sa sarili.

"Alam mo, wala naman talaga sa isip ko na gawin ang mga bagay na ito, Lauri. Nagawa ko ng iisang tabi ang nagawa mo pero alam mo ba kung bakit tayo humantong sa ganito? Dahil pagkatapos ng nangyari noong birthday ni Hera, hindi ko na kinaya. Paano mo nagagawang lapitan ako na para bang wala kang ginawang mali sa akin, ha? Na parang magkaibigan tayo at wala kang kasalanan sa akin? Galit na galit ako, Lauri! Kaya nga noong malaman ni Lucas ang ginawa mo, ang nararamdaman ko at nang sabihin niya sa akin na tutulungan niya akong maghiganti sa 'yo ay hindi na ako nagdalawang isip pa na tanggapin ang alok niyang iyon! Gusto lang naman kitang takutin, Lauri. Pero anong ginawa mo? Sa halip na matakot ka, nakuha mo pang magsaya sa piling ng boyfriend mo!"

Bumigat ang hininga niya sa mga huling narinig dito. Bukod sa pagkakaayos nila ng mga magulang, ang mayroon sila ni Isaak ang isa pang masasabi niyang tanging naging kaligayahan niya. Niyon niya lang masasabing naging masaya siya nang lubusan. Pero bakit para bang sa sinasabi ni Jillian ay kapalit ng pagiging masaya niya sa piling ng nobyo ang sakit na nararamdaman nito.

Lumapit muli sa kanya si Jillian. Ramdam na ramdam niya ang galit nito sa kanya mula sa talim ng tingin nito.

"Kaya ngayon iba na ang gusto ko, Lauri. Ang malaman niya ang pagkakamali mo, ang totong ugali mo at ang magsisisi siya na minahal ka niya. Na minahal niya ang isang katulad mo!"

Keep Me CloseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon