Chapter 9

45 2 1
                                    

NAKAUPO si Lauri sa kanyang kama at nababalutan ng kumot. Nakatitig siya sa pinto ng kanyang kwarto. Nahigit niya ang hininga nang bumukas iyon at pumasok doon si Isaak bitbit ang isang tray. Sinundan niya ito ng tingin hanggang makalapit ito sa kanya. Noon niya lamang napansin ang suot nito. Naka-T-shirt na puti at naka-tuck in sa asul na slacks.

Nakaramdam siya ng hiya. Papasok yata ang binata sa trabaho kanina pero siya pa ang inintindi nito. Pero hindi niya itatanggi sa sarili ang kakaibang naramdaman. She was touched by what he did. Pakiramdam niya ay napaka-importante niya para rito.

"Kumain ka muna, Lauri." 

Inilapag ni Isaak sa night table ang tray na may lamang isang baso ng tubig at pagkain. May apple pa roon na nabalatan na at hati-hati na.

Umiling siya. "Hindi ako gutom."

"Kailangan mong kumain, Lauri."

"Hindi ako nagugutom... At paano ako makakakain p-pagkatapos ng nangyari kanina."

Napayuko siya. Bumabalik sa isipan niya ang nangyari kanina at ang nakasulat sa bato. Hindi niya alam kung sino ang may pakana ng lahat ng iyon. Mula sa tangkang pagsagasa sa kanya at ang katotohanang nagawa ng taong iyon ang ganoong klase ng pagbabanta kanina ay sigurado siyang higit pa roon ang kaya nitong gawin. Nagsisisi siya. Sana pala ay pumayag na siya nang sabihin ni Isaak na ire-report nito ang pangyayari noong birthday ng kanyang ninong. Disin sana ay hindi na umabot sa ganito ang nangyayari sa kanya.

Rinig niya ang malalim na buntong-hininga ni Isaak. Umupo ito sa tabi niya. Umangat ang kamay nito sa gilid ng kanyang sugat na kanina ay ito rin ang gumamot. Marahan nitong hinaplos iyon.

"Alam kong natakot ka sa nangyari kanina. I'm so sorry, Lauri."

Nag-init ang mga mata niya nang mabasa ang lungkot sa mga mata nito. Hindi man sabihin ng binata pero alam niyang sinisisi nito ang sarili. 

"Hindi mo kasalanan 'yon, Isaak."

Paulit-ulit itong umiling. Malungkot itong tumitig sa kanya. "Nangako akong po-protektahan kita pero nahuli ako. Nangyari pa rin sa 'yo ang bagay na 'yon."

"Hindi mo naman obligasyon ang protektahan ako," mariing giit niya.

"Pero gusto kong protektahan ka, Lauri," mariing giit nito. "At nabigo ko maski ang sarili ko." 

Hindi na niya napigilan ang muling pagpatak ng kanyang mga luha. Mabilis niya itong niyakap. Pagkatapos ng ginawa nito nang unang gabi na may nagtangka sa kanya, sa lahat ng ginawa nito para mabantayan at maprotektahan siya at sa pagdating nito kanina ay hindi niya kayang nakikitang sinisisi nito ang sarili dahil sa nangyari sa kanya. 

"Hindi mo kasalanan, Isaak. Wala kang kasalanan. You did everything to make me safe. Ang taong iyon ang may kasalanan at dapat humingi ng kapatawaran. Hindi ikaw! Huwag mong sisihin ang sarili mo, please!" Dahil nasasaktan ako.

Naramdaman niya ang pag ganti nito sa kanyang yakap. Napapikit siya at isinubsob ang mukha sa dibdib nito habang patuloy sa pagpatak ang mga luha.

Kanina sa kotse ay matagal bago siya natigil sa pag-iyak. Hindi siya nito binitawan at iniwan. Sa bawat hikbi niya ay mas humihigpit ang yakap nito sa kanya. At ni hindi niya inakala na ang yakap ng binata ang magiging kapanatagan niya nang mga oras na iyon at nang tumahan siya ay saka lamang ito humilay sa kanya. Pinunasan nito ang basang basa niyang mukha at saka iyon marahang hinaplos.

"Iuuwi na kita, Lauri."

Pinangko siya nito at inilipat sa kotse nito. Noon niya napansin ang itsura ng kanyang kotse. Nasa gitna iyon at nakatagilid. Kahit sa sahig ng kalsada ay may mga nakakalat na bubog.

Keep Me CloseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon