Chapter 7

42 3 4
                                    

"ANG tagal na nating hindi gumigimik. Parang nakakalimutan ko na tuloy ang lasa ng alak," malungkot ang boses na ani Alicia.

Nasa restroom si Lauri at ang mga kaibigan niya. Katatapos lang ng huling klase nila sa araw na iyon. Nakaharap ang mga ito sa salamin at nag-aayos habang siya ay nakasandal sa sink at naghihintay. 

"Parang nauuhaw nga ako sa beer, eh," si Paulene. 

"Huwag naman kayong mandemonyo! Parang awa ninyo na!" naiiyak na hiyaw ni Hera.

Pare-pareho silang abala sa kanya-kanyang research paper kaya naman wala silang oras na gumimik. Graduating na sila kaya hindi sila pwedeng magpa-chill chill na lang. At naging maganda pa nga iyon. Dahil kahit ang pag gimik ay ipinagbawal muna sa kanya ni Isaak bago ito umalis. Baka hindi niya ito magawang sundin kung sakali. 

"Ikaw, Lau, hindi mo namimiss gumimik?"

Alam na niya ang ganoong tanong ni Alicia. Kung sa ibang pagkakataon ay baka sakyan niya ito at sabihing namimiss niya at sa huli ay mauuwi nga sila sa gimikan. 

Tutok ang tingin sa kanya ng tatlo. Nakangiti pa na parang alam na ng mga ito na good news ang maririnig sa kanya.

Tinitigan niya pa ang mga kaibigan, pinatatagal ang tensyon, saka siya madramang sumimangot at umiling na ikinabagsak ng balikat ng mga ito. Sabay-sabay na nagmaktol ang mga ito na mahina niyang ikinatawa.

"Bumili na lang kayo ng alak at sa bahay ninyo kayo uminom," aniya pa habang patuloy sa pagmamaktol ang mga kaibigan.

Lumabas sila ng restroom. Nasa gilid si Daniel, nakasadal sa dingding, at naghihintay sa kanila. 

"Ang tagal ninyo!" reklamo nito.

Agad na hinambaan ito ng kamao ni Hera. "Huwag kang magreklamo! Tuktukan kita riyan!" 

Natatawang umilag dito si Daniel at sa kanya lumapit. Sinamaan niya naman ito ng tingin nang akbayan siya nito. Natatawa nitong inalis iyon. 

"Saan tayo?" tanong ni Alicia. 

"Tara kina Kino," si Hera.

"Kino na naman!" nananawang ani Daniel. 

"Oh, sabing huwag kang magreklamo!" singhal ni Hera.

"Ano, Lau, tara?" baling sa kanya ni Paulene

Walang gana siyang tumango. 

Sinabihan siya ni Isaak na huwag magpapagabi sa labas dahil baka doon humanap ng tiyempo ang taong iyon. Hindi naman niya mapipigilan iyon dahil minsan ay alas-siyete na natatapos ang ibang klase niya. Pero ngayon naman ay maaga pa. Five-fifteen pa lang. Maliwanag pa naman kaya sumama muna siya sa mga kaibigan niya.

Maingay nang dumating sila sa cafe nila Kino dahil halos mapuno iyon ng mga estudyante. Mabuti na lamang at nakakita pa sila ng bakanteng table sa likurang bahagi.

"Wala naman pala si Kino. Dito ka pa nagyakag," nagrereklamong ani Daniel.

"Si Kino ba ang ipinunta ko rito, ha!" ani Hera na nakataas na muli ang kamao.

"Eh, sino pala kung hindi?"

"Ano bang ipinupunta sa cafe, ha, Lorenzo?" Umirap si Hera.

Tahimik siyang umiinom ng iced latte habang pinapanood ang pagbabangayan ng dalawa. Hanggang walang pahintulot na pumasok sa isip niya si Isaak. Tatlong araw na pero hindi pa ito bumabalik mula sa Batangas. Ayaw man niyang aminin pero naninibago siya na walang sasakyan na nakabuntot sa kanya sa tuwing papasok at uuwi siya. Pero hindi naman nito nakakaligtaang magpadala ng text messages at minsan pa'y tumatawag. Kapag sumasaktong mainit ang ulo niya dahil sa pagod sa school o kapag may hindi magandang nangyari ay hindi niya pa rin naiiwasang sungitan ito.

Keep Me CloseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon