MATAGAL na hindi nakahuma si Lauri dahil sa sinabing iyon ni Isaak. Nakagat niya ang loob ng pisngi. Parang may kung anong nagsasayaw sa katawan niya at nabubunggo niyon ang mga happy cells niya. Kaya naman hindi niya napigilan ang ngiti na pilit kumakawala sa kanyang bibig.
Hanggang sa mga oras na iyon, hindi siya masanay-sanay na ganoon ang nagiging reaksyon niya kay Isaak. Oo nga't naging kwestiyonable ang nararamdaman niya para sa binata. Para bang biglang nagkaroon ng tag-init sa bansang puro lamig. Biglaan at hindi niya inaasahan. Pero siya ang tipo ng tao na kapag naramdaman niyang gusto niya talaga, yayakapin niya nang buong puso.
"Magpapaalam lang ako sa mga kaibigan ko."
"Okay, Lauri."
Nang maibaba ang tawag ay bumalik siya sa loob ng Greenhouse. Napakamot siya sa batok nang makita ang mga pagkain sa lamesang inoukupa nila. Kung bakit kasi inuna pa nila ang pagku-kwentuhan kanina bago um-order. Sumabay pa tuloy iyon ngayon sa pag-alis niya.
"Baka hindi ko na kayo masabayan," aniya nang makalapit sa lamesa.
"Ha? Bakit? Paano 'tong in-order mo?" si Hera.
Kinuha niya sa upuan ang bag niya. "Kaya mo na 'yan. Waffles lang naman 'yan."
"Nakatanggap ka lang ng tawag, aalis ka na bigla? May date ka, 'no?" nakangising tanong ni Paulene.
Inirapan niya ito. "Wala akong date. Mauna na ako."
Tatalikod na sana siya nang matigilan siya sa kapit sa braso niya. Si Hera iyon.
"Tandaan mo 'yong sinabi ko kanina, ha? 'Wag mong pigilan ang nararamdaman mo, Lauri. Kapag pinigilan mo, lalo lang kakawala."
Walang ganang tumango na lamang siya. Saka lang nito pinakawalan ang braso niya habang malapad ang ngiti.
"Enjoy, Lauri!" ani Alicia na may nanunukso pang ngiti.
"Balitaan mo kami, ha?" sabi ni Paulene. Hagikgikan ng mga ito ang sumunod.
Napabuga siya ng hangin nang makalampas sa mga kaibigan. Naglakad siya patungo sa university. Mabuti na lang at mababa na ang araw. Hindi sila nagdadala ng sasakyan kapag kakain sa Greenhouse dahil wala namang malawak na parking lot doon. Kasya lang doon ang isang kotse. Minsan pa'y okupado dahil sa mga nakaparadang motor.
Hinihingal nang makarating siya sa parking lot sa loob ng university. Agad niyang binuhay ang kotse para sa aircon. Nagawa niya pang silipin ang mukha sa salamin at nagretouch ng makeup bagay na hindi na niya ginagawa kapag uuwi naman.
Bago umalis doon ay ti-ne-xt niya muna si Isaak kung saan sila magdi-dinner. Sa halip na magreply at tumawag pa ito.
"Ako na ang magde-decide kung saan?"
"Oo. At kung ano 'yong gusto mo."
Pansin niya na may alam ang binata tungkol sa mga gusto niyang pagkain. Dinala siya nito sa Inari's na paborito niyang restaurant. At noong um-order ito sa Cooleats na hilig niya ring dayuhin, ang in-order din nito roon ay mga hilig niya ring kainin doon. At hindi lang sa pagkain. Naalala niya rin noong kaarawan ng kanyang ninong. Niyakag din siya nito na umalis dahil alam nitong hindi maganda ang mood niya, ipag-da-drive pa nga siya nito kahit kasalukuyang may party sa mga ito. Hindi iyon nagkataon lang. At aalamin niya mamaya kung paano nito nalaman ang mga gusto at ginagawa niya. Hindi pwedeng mangangapa lang siya palagi sa mga kilos nito.
BINABASA MO ANG
Keep Me Close
RomanceKung magkakaroon lamang ng pangalan ang salitang hate, that would be Lauri Jade Santillan. She hates everything about Isaak Villavor, ang saksakan sa kagwapuhan na pulis. Ngunit pagkatapos ng isang gabi ng kapahamakan na hindi siya nito iniwan, keep...