"SINUNGALING! Bodyguard ng ninong si Eman! Iyon ang sinabi mo sa akin noong ipinakilala mo siya sa akin!" asik ni Lauri kay Isaak.
"Sinabi ko lang iyon dahil ayaw ipaalam ni Eman ang totoo, Lauri."
Natigilan siya sa narinig. Humakbang si Isaak palapit sa kanya. Hindi siya nakakilos at nasundan niya lang ito ng tingin dahil hindi niya alam kung maniniwala ba siya rito. Pero sa isang bahagi ng puso niya, gustong gusto na niyang paniwalaan ang mga sinasabi nito.
"Maniwala ka sa akin, Lauri. Please!"
Halos magmakaawa ang boses ng binata. Kaya naman ramdam niyang lumalambot ang puso niya.
"Kung gano'n, ano'ng ginagawa mo sa bahay nang araw na 'yon? Kung hindi ikaw ang nagsabi niyon kina mommy, bakit naroon ka, ha?" Hinahaluan niya ng talim ang pananalita. Hindi niya gustong malaman nito na nadadala siya sa boses nito at sa malungkot nitong mukha.
"Nag-aaral din si Eman sa unibersidad noong panahong iyon, Lauri. Marahil ay nakita niyang nasaksihan ko ang ginawa mong iyon kaya naman ipinatawag ako ng mga magulang mo. Pinapunta nila ako roon para mkumpirmahin kung totoo iyon. Pagtatakpan kita, desidido na ako roon kahit hindi mo hiniling na huwag kong sabihin sa kanila, pero bago pa ako makasagot no'n ay dumating ka na."
Marahas siyang napahinga sa mga naririnig.
"At hindi ikaw ang nagsasabi ng mga ginagawa ko kina mommy?"
"Hindi ba't sinabi ko sa 'yo na hindi ko kailangang gawin iyon? At bakit ko naman gagawin ko 'yon, Lauri?"
"Malay ko ba kung inutusan ka nila mommy na bantayan ako!" pagtataray niya.
Napanganga ito at parang hindi makapaniwalang tumitig sa kanya. "Siguradong hindi nila magagawang utusan ako nang ganoon, Lauri."
Oo nga naman. Bakit nga ba niya naisip na magagawang utusan ng mga magulang niya ang binata. Ito pa talaga na anak ng ninong at ninang niya? At bakit naman ito pa sa lahat ang uutusan ng mga magulang niya kung sakali? Pulis ito at may maayos na trabaho, pero uutusan lang na bantayan siya? Stupid Lauri! Pero ano ba kasing magagawa niya kung ganoon ang mga naiisip niya gayong maya't maya siyang tinatanong nito ng bawat kilos niya. And speaking of... iyon na ang magandang pagkakataon para malaman niya ang tungkol doon.
"At kahit iutos nila, palagay ko ay hindi ko magagawang sundin iyon," sabi pa nito na ikinatigil niya.
Nairapan niya ito nang wala siyang maisagot sa itinuran nitong iyon. Taas-noo niya itong tiningnan muli at inilabas na sa bibig ang isa pang gumugulo sa isip niya, "Kung gano'n, bakit mo inaalam ang bawat lakad ko noon? Ano 'yon, trip mo lang?" Napangiwi siya sa huling tanong.
Natulala ito sa kanya. "Kaya ba naisip mong ako ang nagsasabi sa mga magulang mo ng lahat ng kilos mo?"
Hindi niya ito sinagot. Mariin niya lang itong tinitigan. Napanganga ito, sinuklay ng kamay ang buhok. Mukha pa itong problemado pero agad na nag-iwas ito ng tingin.
"Sagutin mo ako, Isaak!" mariing aniya.
Muli siya nitong hinarap. Pinakatitigan siya nito. Mukhang ayaw pang sagutin iyon. Napanganga ito pero bumuga lang ng hangin.
"Ano, Isaak? Iisipin ko na lang bang baliw ka?" panunuya niya. "O mag-uumpisa na akong matakot? Baka mamaya niyan pinagbabalakan mo na akong ipa-kidnap for ransom?"
Naitikom niya ang bibig. Muntik na siyang matawa sa huli niyang sinabi. Kung anu-ano na lang ang naiisip niya. Dahil nga wala na ang unang naisip niyang dahilan kung bakit ginagawa iyon ng binata kaya kahit anong pag-iisip niya ay wala siyang maapuhap na sagot doon.
BINABASA MO ANG
Keep Me Close
RomanceKung magkakaroon lamang ng pangalan ang salitang hate, that would be Lauri Jade Santillan. She hates everything about Isaak Villavor, ang saksakan sa kagwapuhan na pulis. Ngunit pagkatapos ng isang gabi ng kapahamakan na hindi siya nito iniwan, keep...