Capitulum 13

2.7K 156 12
                                        

Capitulum 13

Our Happy Ending

Hindi ko alam kung matutuwa ako o maiiyak dahil sa aking nasasaksihan. Patuloy sa pag-iyak si Claudia habang nakahawak sa pisngi ni Agusto. Napansin ko din ang pagkislap ng mga ni Agusto at unti-unting tumulo ang luha sa kanyang mga mata. Hindi ko alam kung para saan ang mga luhang iyon. Dahil ba guilty siya sa nangyari? Dahil ba mahal pa niya si Claudia? Pero kung para saan man 'yon, malalaman ko din mamaya. Ang mahalaga ngayon ay nagkita na silang dalawa. Malilinawan na si Claudia sa mga nangyari sa kanilang dalawa. Dito na magtatapos ang pasakit sa kanya.

"Is it really you, Claudia?" Hinawakan niya ang pisngi ni Claudia na punong-puno ng luha. Dumako ang kanyang tingin sa kwintas na nakalagay sa leeg nito. "God, you're Claudia. My Claudia."

Hinawakan ni Claudia ang mga kamay ni Agusto na nakahawak sa kanyang pisngi. "Agusto, hindi na rin ako magtatagal," Tiningnan niya ng mariin sa mga mata si Agusto. "Madami akong gustong itanong sa 'yo. Bakit mo ako sinaktan ng ganoon? Bakit mo ako iniwan? Minahal mo ba talaga ako?"

Muling umagos ang luha sa mga mata ni Agusto. Sa puntong ito, alam kong nasasaktan siya. Kitang-kita ko sa mga mata niya ang sakit at panghihinayang. Ano ba talaga ang nangyari? Ako ang naaawa para sa kanilang dalawa.

Niyakap niya nang mahigpit si Claudia. "Claudia, alam ng Diyos kung gaano kita kamahal. Alam niya lahat ng mga bagay na isinakripisyo ko para sa 'yo. Mahal na mahal kita, Claudia."

Itinulak ni Claudia palayo sa kanya si Agusto. "Kung mahal mo nga ako, bakit tumakbo ka sa kasal natin?! Bakit ka nakipagtanan kay Wenna?! Bakit?!" Humagulhol siya. Napaluhod siya sa lupa habang nakatakip ang dalawang kamay sa kanyang mukha. "Sana kung hindi mo na ako mahal, sinabi mo ng mas maaga. Hindi mo na sana ako ginawang tanga."

Inihilamos ni Agusto ang kanyang kamay sa kanyang mukha. "Claudia, natakot ako," Lumuhod siya sa harapan ni Claudia. "Hindi karapat-dapat ang isang katulad ko sa 'yo dahil nagkasala ako,"

Tinanggal ni Claudia ang kanyang mga kamay sa kanyang mukha. "Anong ibig mong sabihin?"

Mariing ipinikit ni Agusto ang kanyang mga mata. "Nabuntis ko si Wenna. Noong mga panahong nagkakaaway tayo, nagpakalasing ako. Siya ang nakasama ko at hindi ko sinasadyang may nangyari sa aming dalawa," Inikuyom niya ang kanyang mga kamao. "Nagpropose ako sa 'yo. Handa kong iwan ang responsibilidad ko sa kanya, makasama ka lang pero kinain ako ng konsensya ko. Masakit para sa 'kin ang iwan ka doon, Claudia. Pero naisip kong tama lang iyong ginawa ko dahil hindi ako karapat-dapat sa katulad mo. Naisip kong mas mabuti kung maghanap ka na lang ng ibang lalakeng tunay na makakapagpasaya sa 'yo,"

Nakita ko ang gulat sa mukha ni Claudia. Tumayo siya at nanlalaki ang kanyang mga mata dahil sa hindi siya makapaniwala.

"Dinala ko siya sa ibang bansa. Ipinatigil ko na din ang pagpapatayo ng hotel. Pero lumipas ang ilang buwan nang sabihin niya sa akin ang totoo," May tumulo na namang luha sa kanyang mga mata. "Hindi sa 'kin ang batang dinadala niya. Nagalit ako. Nagsisi. Mabilis akong umuwi nang malaman ko 'yon pero huli na ang lahat. Nabalitaan ko na lang na nagpakamatay ka."

Humagulhol siya. Hinawakan niya ng mahigpit ang mga kamay ni Claudia.

"Patawarin mo ako, Claudia. Kasalanan ko ang lahat. Mahal na mahal kita. Alam ng Diyos kung gaano kita kamahal. Halos patayin ko ang sarili ko nang malaman kong wala ka na," Niyakap niya ang mga binti ni Claudia. "Dahil sa katangahan ko, nangyari sa 'ting dalawa 'to. Hindi mangyayari ang lahat ng 'to kundi dahil sa 'kin. Pinairal ko ang katangahan ko. Wala akong kwenta. Hindi kita nagawang iligtas. I'm sorry, Claudia. I...I'm r-really...s-sorry." Muli siyang napahagulhol. Yakap pa din niya ang mga binti ni Claudia habang nakaluhod sa kanyang harapan.

Into Your SoulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon