Capitulum 20
You Can't
Naiwan kaming apat sa loob ng condo ni Ian nang lumisan na si Sean. Nakatulala ang mag-asawang De Castro samantalang si Ian naman ay panay ang luha.
"I'm sorry, Kuya. Ipakulong mo ako o kahit ano, tatanggapin ko, mapatawad mo lang ako." Lumuhod siya sa harapan ng mag-asawang De Castro.
Naluluhang tumingin sa kanya si Mr. De Castro. Iniiling niya ang kanyang ulo. "Hindi iyon ang gusto ni Sean. Oo, galit na galit ako sa nagawa mo pero hindi ko rin kayang gawin 'yon sa kapatid ko." Binigyan niya ng maliit na ngiti si Ian. "Kasalanan ko rin na hindi kita kinausap. Hindi ko naisip kung ano'ng nararamdaman mo. Alam kong pakiramdam mo na hindi ka belong sa pamilya dahil anak ka sa labas ni Dad pero wala akong ginawa para maiparamdam sa 'yo na pamilya ang turing namin sa 'yo."
"Pero Kuya, kahit ano'ng gawin kong kasalanan sa 'yo, nagagawa mo pa ring ngumiti sa 'kin. Kahit kailan ay hindi ka nagtanim ng galit sa 'kin o gumawa man lang ng bagay para makaganti. Tapos ito lamang ang ibibigay ko sa 'yo, puro pasakit."
Tumayo si Mr. De Castro at ginulo-gulo ang buhok ni Ian na kasalukuyang nakaluhod pa rin. May ngiti sa kanyang labi na puno ng pagmamahal. Kitang-kita ko sa kanyang mga mata ang mga mata ng isang mapagmahal na "Kuya".
"Tumayo ka na, Ian." ani Mrs. De Castro na ngayon na lamang ulit nagsalita simula nang umalis si Sean. May maliit na ngiti sa kanyang labi. "Dahil sa kagustuhan ni Sean, patatawarin ka namin sa nagawa mo at bilang kapalit, sana ay 'wag ka nang mamuhay na puno ng inggit. Hindi mo kailangang makuha ang kung ano'ng meron si Sedric. Ang kailangan mong gawin ay hanapin ang mga gusto mong gawin na walang tinatapakang tao. Maging masaya ka Ian. Alam naming iyon din ang gusto ni Sean para sa 'yo."
Tumayo si Ian at niyakap ang mag-asawa. Muli siyang napaiyak.
Hindi ko maiwasang mapangiti habang pinapanood sila. Nakakataba ng puso na nagawa ko silang tulungan.
Humahanga rin ako sa mag-asawang De Castro. Napakabuti nilang tao. Minsan na lang ang mga taong katulad nila na handa kang patawarin kahit ano pa ang kasalanan mo. Sana mas humaba pa ang kanilang buhay para mas madami pa silang matulungan at mapakitaan kung gaano sila kabuti.
"Ms. Alaizabel?"
Ngumiti ako kay Mrs. De Castro. "Po?"
"Ikaw ang tumulong sa anak ko?"
"Opo."
Lumapit siya sa 'kin. Nagulat ako nang bigla niya akong yakapin. "Maraming maraming salamat. Kundi dahil sa 'yo hindi namin siya makikita sa huling pagkakataon. Maraming salamat."
Hinagod ko ang kanyang likuran upang pakalmahin siya. Humihikbi siya at mukhang iiyak na naman. "Misyon ko po ang tulungan ang mga kaluluwang kailangan ng tulong ko."
Bahagya siyang humiwalay sa 'kin. "Ano'ng maaari naming maibigay o maitulong man lang sa 'yo bilang kapalit ng pagtulong mo sa 'min?"
Umiling ako. "'Wag na po kayong mag-abala. Ok na po sa 'kin 'yung nakatulong ako sa inyo."
"Maraming salamat talaga, Ms. Alaizabel." ani Mr. De Castro.
Ngumiti ako sa kanya.
"I'm sorry, Alaizabel, dahil nagawa kitang pagbantaan kanina lang."
"Wala na po 'yun." sagot ko kay Ian. "Ang mahalaga, nasa magandang lugar na si Sean."
Naiwan ang tatlo sa apartment ni Ian samantalang ako naman ay nagpaalam na sa kanila. Nang matapos ang lahat ay ngayon ko lang naramdaman ang pagod. Kailangan ko nang magpahinga.
BINABASA MO ANG
Into Your Soul
FantasiaThe world has three dimensions: one is for the humans, two is for the souls and three is for the demons. Si Alaizabel Gray ay isang dalagang may abilidad na makita ang mga demons at kung ano-anong klaseng halimaw na hindi kayang makita ng isang tao...