Kabanata 11

91 33 8
                                    

-Argo-

     "Nisha, dalawampu't dalawang taong gulang. Nanggaling po ako sa isang angkan na naninirahan sa gitna ng isang kagubatan ng Olabi. Sumali ako rito upang ipakilala ang galing at talento ng aming angkan. At upang maging bahagi sa pagtatanggol ng Wildama bilang pasasalamat sa mga nagawa nito sa aming maliit na nayon. Alam kong isa ang lugar namin sa mga nakikinabang sa Wildama" pagpapakilala ng babae. May maikli itong kasuotan na angkop sa pakikipaglaban. Maikli ang buhok at may mabangis na mukha na tila nagsasabing bihasa siya sa pakikipaglaban.

     Nagsimula siyang ipakita ang galing sa paggamit ng pana at ang lahat ay namangha nang tumama ang limang palasong pinakawalan nito sa sentro ng pinatatamaan niyang isang maliit na bilog.

     "Ang galing niya. Bihasa na siguro siya sa paggamit ng pana dahil sa kagubatan siya naninirahan" wika ni Kreyd. Mahilig itong kausapin ako kahit pa hindi ko siya pinapansin.

     "Sino ang nais mong makalaban?" tanong sa babae. Hindi siya kaagad sumagot sa tanong. Tila iniisip niya pang mabuti ang isasagot.

     "Maaaring pinag-iisipan niya na piliin ang isa sa mga heneral. Sa hitsura pa lamang niya, halata mong palaban kaya hindi ako magugulat kung isa sa mga heneral ang kakalabanin niya" bulong ni Kreyd.

     "Nais ko po sanang piliin... prinsesa bilang kalaban" wika ni Nisha na siyang nagpalakas ng bulungan sa buong paligid. Hindi inaasahan ng lahat ang ginawa niya. Maging ako man ay nagulat din.

     "Grabe! Hindi ko ito inaasahan. Tila hinahamon niya ang prinsesa?" gulat ding sabi ni Kreyd.

     "May mga narinig akong usapan sa loob ng palasyo na nagsasabi na may pambihira kayong lakas at nararamdaman ko rin po iyon. Isang malaking karangalan na makaharap ang isang tulad niyo kung pahihintulutan niyo po ako. Isang bagay na maaari kong maikwento at ipagmalaki kahit na hindi ako makapasa ngayon" paliwanag niya. Nakatanggap naman siya ng paghanga mula sa manonood.

     Tumayo ang prinsesa at ngumiti kay Nisha. Tumahimik ang lahat upang hintayin ang susunod na sasabihin niya.

     "Ikinararangal kong kalabanin ang isang matapang na mandirigmang katulad mo" wika nito.

-Prinsesa Ley-

     "Hindi ko inaasahan ito. Nagiging kapana-panabik na ang mga nangyayari" wika ni Kuya Luki.

     "Hmmp. Pumayag siya na labanan ang mayabang na 'yan. Kakaiba nga ang mga nangyayari" sagot ko.

     "Sa kauna-unahang pagkakataon, maipapakita na niya sa lahat ang mga natutunan niya sa mga pagsasanay na pinagdaanan niya." -kuya Luki.

     "Tama. Wag lang niyang ipapahiya ang palasyo kung hindi katakot-takot na pag-uyam ang matatamo niya mula sa mga kritiko ng palasyo lalo pa at sinasabi ng hari na may malakas na kakayahan at kapangyarihan ang prinsesa Yana na siyang magmamana na kanyang trono."

     "Tiyak mananalo siya. Si kuya Diyon, heneral Minard at ang hari ba naman ang nagsanay sa kanya."

     "Tssk. Tignan natin kung may ibubuga nga siya" sabi ko na lang. Mas matanda si Kuya Luki sa aking isang taon subalit nasanay na akong kausapin siya na parang magkaedad lang kami. E sa yun ang gusto ko kaya wala akong pakialam sa sasabihin ng iba.

-Prinsesa Yana-

     Nakakatuwa naman ang lakas ng loob ni Nisha upang kalabanin ako. Marahil panahon na rin siguro upang ipamalas ko ang mga natutunan ko mula sa mga mahihirap na pagsasanay na sinapit ko. Kahit isa akong prinsesa, pinahirapan kaya ako ng husto noon.

     "Prinsesa, sa tingin mo, panahon na nga ba?" nag-aalangang tanong ni heneral Minard.

     "Oo naman. Nagpasya na nga akong makialam sa mga nangyayari sa palasyo. Kaya't nararapat lang na ipakita ko na kaya kong mamuno at maging ang lumaban para sa Wildama" tugon ko.

WILDAMATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon