-Nisha-
Patuloy ko pa ring sinusundan ang mga bubuyog. Parang alam na alam nila kung saan pupunta. Saan kaya nila ako dadalhin? Kahit na may kaba akong nararamdaman, ewan ko ba kung bakit patuloy lang ako sa pagsunod.
Ngayon lang ako nakakita ng ganitong mga bubuyog na tila may mga sariling isip. Karaniwan na sa mga bubuyog ang atakihin ang kahit na sinong gumambala sa kanila. Ngunit hindi ang kilos na gaya nito. Napansin kong ni hindi sila nangangagat.
"Kuya Kreyd!, nandyan ka pa ba? Sumagot ka naman!"
Boses iyon ni Lurkas. Ibig sabihin, nasa malapit lang siya. Tumakbo ako papunta sa pinanggalingan ng boses.
"Uy Lurkas! Nasaan ka?!" sigaw ko habang tumatakbo.
"Ate Nisha? Dito! Nandito ako!" balik na sigaw niya.
Sinundan ko ang pinagmumulan ng kanyang boses.
"Nasaan yung dalawa?" agad kong tanong matapos ko siyang matunton. Bigla niyang tinuro ang isang tila bangin sa tabi niya.
"Hindi napansin ni Kuya Kreyd ang bangin na ito kanina kaya aksidente siyang nahulog" sagot niya. Ano ba naman 'yan.
"Kreyd! Nandiyan ka ba?" Sigaw ko.
"Oo! Dito! Mabuti na lang at di ako dumiretso sa pinakababa kung hindi patay ako!" Sigaw niya sa amin. Napahinga ako ng malalim nang makita namin siya sa ibaba. Mabuti na lang at may natutuntungan pa siyang lupa.
"Kaya mong umakyat?" tanong ko sa kanya.
"Oo. Kaya pa naman" sagot niya.
Nakayuko sa kinaroroonan kami at hinihintay kung ano ang gagawin niya. Humawak sa mga halamang-baging at hinila-hila ito. Saka nagsimulang gamitin ito upang makaakyat.
Pero hindi pa siya tuluyang nakakaangat nang mapigtas na agad ang baging. Napahawak ako sa aking ulo sa sobrang dismaya.
"Gamitin mo na lang ang kamay at paa mo paakyat. May mga mahahawakan ka naman sigurong umbok na bato diyan kaysa iyang mapurol na baging." Utos ko sa kanya. Hay. Nasasayang ang oras namin dito.
"Oo. Sinubukan ko lang itong mga baging." At sumagot pa talaga. Dapat binibilisan na lang niya ang pagkilos.
Sasabihin ko na sana na iwanan na lang muna siya dito upang makapaghanap na kami ng halamang totoong pakay namin dito. Ngunit bigla siyang sumigaw.
"Sandali! Bumaba kayo dito! Bilis!" Natataranta niyang sigaw.
"Ha? Bakit naman?" tanong ni Lurkas.
"Bilis na! Tignan niyo 'to!"
"Maiwan ka rito. Ako na lang ang bababa." Utos ko kay Lurkas. Tinanguan naman niya ako.
"Nandiyan na! Siguraduhin mo lang na may maganda kang dahilan sa pagpapababa sa akin diyan."
Dahan-dahan akong kumilos pababa. Mabuti na lang at sanay na ako sa mga ganito.
Pagbaba ko ay agad na bumungad sa akin ang nakangiting mukha ni Kreyd.
"Anong problema mo? Nabaliw ka na ba?" tanong ko sa kaniya. Napaismid siya sa akin. E sa mukha siyang nahihibang na.
"Tssk. Tignan mo na lang ito. Sigurado mapapangiti ka rin." Hinawi niya ang mga baging na nasa gilid. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang mga halaman sa likod ng mga baging na ito.
BINABASA MO ANG
WILDAMA
FantasyIsang kaharian sa isang mundo na tinatawag na Elesia, kaharian kung saan makakakita ng mga nilalang na may pambihirang lakas at abilidad. Ito ang WILDAMA kung saan may isang prinsesang walang ibang hangad kung hindi ang kabutihan ng iba at isang lal...