Kabanata 3

160 52 3
                                    

-Argo-

     Gumagabi na subalit hindi ko pa rin nararating ang mapunong bahagi ng hilagang-silangan na isa sa pinupuntahan lagi ni Asul.

     Nang makarating sa isang pamilihan, ipinasya ko munang manatili dito panandalian upang magpahinga. Nagkalat sa buong paligid ang mga Elesian, may kani-kanyang pinagkakaabalahan. Maraming dikit-dikit na tindahan ng kung anu-ano, ang iba ay nasa gilid mismo ng kalye at nakalatag sa sahig na may tela ang mga paninda, may mga kainan din at malalaki ang mga kabahayan. Pati ang mga kawal ay nagkalat din sa paligid upang magbantay.

     Napagpasyahan kong mamalagi dito sandali upang magmasid. Sabi pa kasi nung matanda, madalas din niyang makitang pagala-gala si Asul sa buong Wildama at baka pati sa ibang panig ng Elesia. Baka sakaling dito niya maisipang magtungo ngayon. Sana nga.

     Matapos kong itali ang dala kong kabayo sa isang puno sa di kalayuan, nagtungo ako sa hilera ng mga upuan at mesa. Marahil sinadya ang mga ito para may pagpahingahan ang mga Elesian o di kaya'y pagkainan o kung gusto mong magpalipas lamang ng oras. Iyon ay ayon sa obserbasyon ko base sa ginagawa ng mga nandito -- may kumakain, nag-uusap, tinderong nagbibilang ng kanyang pinagbentahan, simpleng nakaupo lamang, natutulog ba sa may mesa, at iba pa.

     Ngunit naagaw ng atensyon ko ang grupo ng mga lalaking nakaupo sa bandang kanan. Tila malalim ang pinag-uusapan nila at patingin-tingin pa sa paligid. Parang nagmamatyag at kakaiba ang kilos. Marahil gumagawa ng senyas na sila lamang ang nakakaalam. Pasimple ang mga galaw na kung hindi tututukan ay parang normal lamang.

     "MAGBIGAY-DAAN PARA SA PINUNO!" Sigaw ng isang kawal. Nagpunta sa gilid ang mga nasa mismong daan kaya lumuwang ang daanan. Nagtipon ang mga kawal at sa iisang direksyon lang nakatingin at tila may inaabangan. Napansin ko ding nawala na ang mga lalaki kaninang may kahina-hinalang kilos.

     "Nakabalik na pala ang ating pinuno at pamilya niya mula sa palasyo."

     "Oo nga, sana naipahatid niya ang ating mga hinaing sa hari."

     "Maghintay na lang tayo ng anunsiyo mula sa kanila. Siguradong bukas ibabalita agad nila ang mga napag-usapan nila ng hari." Naririnig kong usapan sa paligid habang pinapakiramdaman ang buong paligid. Unti-unti nang nababawasan ang mga Elesian dahil tuluyan ng gumabi. Ang iba nama'y nagsasara na ng kanilang paninda samantalang ang karamihan ay bukas pa din. Maliwanag pa din sa paligid dahil sa may mga nagsindi ng sulo sa paligid.

     Naglakad-lakad ako at nagpalinga-linga, parang may hindi tama. Ilang sandali pa ay may mga yabag ng kabayo at papalapit na ng papalapit ang tunog. Dumating ang mga kabayo na may mga lulang kawal. Sa pinakagitna ay isang may katandaan nang lalaki. Base sa kasuotan nito at tindig ay mukhang siya ang pinuno. Ang medalyon nito sa leeg na isang araw na may anim na sinag ang higit na magpapatunay na may mataas siyang katungkulan. Katabi nito sa kaliwa ang isang lalaking parang matanda lamang ng konti sa akin at sa kanan nama'y isang babaeng kasingtanda ng pinuno at batay sa magarang kasuotan ng dalawa, malamang sila ang pamilya ng pinuno.

     Nakita ko ang ilan sa mga kahina-hinalang lalaki sa iba't ibang direksyon. May mali nga talaga. Mukhang may binabalak na masama ang mga lalaki. Ngunit wala akong balak na mangialam sa nangyayari. Bahala silang ayusin kung anuman ang problema o magiging problema nila.

     "Ama, gusto ko pong maglibot-libot po muna."

     "Ngunit gabi na. Magpahinga ka na lamang sa ating tahanan."

     "Sige na po. Uuwi din ako maya-maya lang."

     Hindi ko na pinansin ang usapan ng pinuno at ng kanyang anak. Nakita ko na lang na humiwalay na ng direksyon ang anak ng pinuno kasama ng ilang kawal. Pupuntahan ko na sana ang pinahiram sa aking kabayo nang may mahagip ang aking mga mata. Iyong isa sa mga lalaki na nagtatago sa isang tindahang ng mga palamuti sa buhok... ang kanyang braso nakalantad dahil nakatupi hanggang balikat ang kanyang manggas...bakit?...

WILDAMATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon