Kabanata 14

100 37 13
                                    

-Prinsesa Yana-

     "Hindi ka ba natatakot sa maaaring kaparusahan dahil sa iyong paglabag sa patakaran?" tanong ko sa lalaki. Kahit gabi, bahagya kong natatanaw ang kanyang kabuuan dahil sa liwanag na nanggagaling sa buwan.

     "Wala na akong pakialam ngayon kung hindi man ako makuha sa palasyong ito" diretsahang wika niya. Tila matigas ang ulo ng isang ito.

     "Hindi lang naman iyon ang magiging kaparusahan mo, maaari kang makulong ng ilang araw dahil sa iyong paglabag sa patakaran ng iyong kinaroroonan ngayon. Gaya ng sinabi ko dati, kailangang marunong sumunod ang isang nilalang sa mas nakatataas sa kanya at maging sa mga batas na pinatutupad basta ito'y nasa tama."

     "Kung ganun, bakit hindi niyo ako hinuli nang tumakas ako noong isang araw? Alam kong may mga nakasunod sa akin ng mga oras na yun. Ngunit hinayaan lang nila ako hanggang sa makabalik akong muli dito" sagot niya na siyang nagpangisi sa akin.

     "Sa palagay mo? Bakit kaya?" balik na tanong ko sa kanya.

     "Dahil sa nais niyo lang naman na manmanan ang mga kilos ko at ng lahat ng kalahok upang makumpirma kung sino ang may masamang balak sa pagpasok dito? At nang malaman niyo kung sinu-sino ang mga ito, pinaghandaan ninyo ang paghuli sa mga ito. At sa kasamaang-palad, wala kayong sapat na ebidensya na isa ako sa mga masasamang-loob na tinutukoy ko kaya't hinayaan niyo lang akong makabalik dito nang minsang tumakas ako.

     Ang lalaki kanina, isa sa kasama namin sa silid. Nang marahil sa palagay niya ay tulog na kaming lahat, lumabas siya ng silid. Sinundan ko siya ng di niya nalalaman. At dahil dito, nakumpirma ko ang ilang mga bagay na gumugulo sa aking isipan  matapos ng mga nasaksihan kanina" mahabang salaysay niya.

     "Oo. Tama ka sa iyong mga sinabi. Kinailangang gawin ang dobleng pagbabantay sa inyo upang makasiguro na walang masamang-loob ang makakapasok sa palasyo. Ang palasyong ito ang sentro ng Wildama... Ang nagsasaayos, namamahala at nagpapanatili ng kaayusan kaya dapat lang na walang sinuman ang makapasok na kaaway dito na siyang maaaring magdulot ng kapahamakan sa lahat. At tungkol naman sa iyong kaso. Nasa pagsisiyasat ka pa rin katulad ng mga ibang kalahok. Pangalawang beses ka ng sumusuway sa batas. Alam mo bang may kapangyarihan akong patawan ka ng kaparusahan ngayon din?" Nakita ko ang diretsong pagtitig niya sa akin. Wala akong maramdamang takot o pagkabahala mula sa kanya.

     "Tignan natin kung kaya mo akong hulihin o ipahuli" matapang niyang sagot. Tahasan niyang sinabi na hinahamon niya ako. Pwes humanda ka sa akin. Tignan natin.

     Kumawala sa akin ang ngiting kanina ko pa pinipigilan.

     "Alam mo pinapahanga mo talaga ako! Malakas, matalino at mapagmasid sa paligid. At higit sa lahat, sa kabila ng magkasalungat nating katayuan, nagawa mo akong kausapin ng ganito... iyong para bang magkapantay lang tayo. At dahil ikaw lang ang nakagawa nito, patatawarin kita. Ang galing! Matutuwa akong makita ka pa sa mga susunod na araw! Sana nga isa ka sa makapasok sa palasyo" masayang wika ko habang papalapit sa kinatatayuan niya. Tila hindi na maipinta ang reaksyon ng mukha niya. Nang tuluyang makalapit, tinapik-tapik ko pa ang kanyang kanang balikat.

     "Kahit isa ka pang maharlika, mahihirapan kang makaalis dito. Nakita mo naman na naririto ang iba pang mga heneral. Hindi mo sila kakayanin kasama pa ako at ng mga kawal. Kaya't bumalik ka na lang sa iyong silid at maghintay sa paglabas ng resulta kung sinu-sino ang mga makukuhang bagong mga mandirigma. Sige paalam Argo at marami pa akong gagawin. Sa susunod na lang ulit!" dagdag ko pa sa tonong parang bata. Kumindat pa ako bago siya tinalikuran. At mas lalong lumapad ang ngiti sa aking labi. Humanda ka talaga dahil kapag nakapasok ka dito, kukulitin at iinisin talaga kita. Ahehe. Ngayon pa lang halata na sa mukha ang iyong  pagkapikon paano pa kaya sa susunod? Matagalan mo kaya ako?

WILDAMATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon