Kabanata 18

60 30 12
                                    

-Argo-

     "Ano na? Meron ba talagang ganoong halaman dito? Buong araw at gabi na tayong naghahanap. Pinatulog na yata natin lahat ng mga hayop dito, inakyat ang mga matatayog na puno at ginalugad ang pinaka-sulok ngunit wala pa ring lumilitaw na halaman na hinahanap natin!" Patuloy na reklamo ni Lurkas. Napasalampak siya sa lupa at mukhang hapung-hapo. Sino ba naman ang hindi kung kahapon pa nga kami nagpapaikot sa gubat upang maghanap. Hindi na rin kami natulog kinagabihan.

     At ngayon nga ay ikalawang araw na namin sa loob ng gubat na ito.

     "Baka kailangan pa nating pumunta sa pinakailaliman ng gubat? Sa palagay ko ay hindi pa natin nararating ang pinakagitna ng gubat" sagot naman ni Nisha. Mukhang pagod na rin siya.

     "Hindi pa?!" Di makapaniwalang sabi ni Lurkas. Napahinga na lang ako ng malalim. Napakaingay ng batang ito at masyadong mareklamo.

     "Sige. Ngunit magpahinga muna tayo ng kaunti." Sagot ko na lang habang pinapakiramdaman pa rin ang paligid. Akala ko ay aangal na naman si Kreyd sa aking sinabi subalit nanatili siyang walang imik habang nakasandal sa isang malaking puno. Ramdam na rin niya siguro ang pagod.

     "Dito muna kayo. Maghahanap muna ako ng prutas na maaaring makain." Dugtong ko. Wala man lang kasing nakaisip sa amin na magdala ng makakain. Halos puro kagamitan sa pakikipaglaban ang mga dala nila. Ang totoo, sinadya ko talagang hindi magdala ng mga pagkain dahil sanay naman ako kahit pa hindi ako kumain ng ilang araw. Ngunit itong mga kasama ko, halata na ang pananamlay. Nakikigaya sa akin na hindi kumain ng ilang araw, hindi naman kaya.

     "Wag kayong aalis dito. Mahirap kung magkahiwa-hiwalay tayo." Pahabol ko pa bago tuluyang umalis.

     Naglakad-lakad ako habang nagpapalinga-linga sa paligid. Napatigil ako sa paglalakad nang may maramdaman akong presensya sa paligid. Mukhang papalapit siya sa kinaroroonan ko.

     Nanatili ako sa kinatatayuan upang maghintay kung ano ang mangyayari. Subalit naramdaman ko ang paglayo bigla ng nilalang mula sa kinaroroonan ko. Nalaman kaya niyang alam ko na papalapit siya kaya bigla siyang umalis?

     Susundan ko na ang papalayong nilalang na ito nang biglang may humawak sa balikat ko mula sa likod. Napalingon ako bigla rito at aamba sana ng suntok.

     "Anong ginagawa mo rito?" Tanong ko kay Nisha. Mabuti at nakapagpigil ako dahil kung hindi ay tiyak na natamaan siya ng aking kamao.

     "Ah... ka-kasi... sinundan kita upang tulungan sana sa paghahanap ng pagkain. Ano bang nangyayari sa'yo?" Bakas ang gulat sa kanyang mukha habang nagsasalita.

     Masyadong natuon ang aking pansin sa nilalang na iyon sa paligid kaya hindi ko naramdaman ang paglapit niya. Sino kaya ang nagkukubling nilalang na yun? Imposibleng isa itong mabangis na hayop. May iba pang Elesian na nasa gubat na ito bukod sa amin.

     "Patawad. Akala ko isang mabangis na hayop ang lumapit sa akin" sagot ko na lang sa kanya.

     "Hindi ka na dapat nag-abala pa. Kaya ko namang mag-isa" sabi ko sa kanya habang nakatingala sa isang puno ng manggang hitik sa mga hinog na bunga. Nasa di kalayuan ito.

     "Mas maigi na ito. At isa pa, si Kreyd sana ang talagang may nais na samahan ka." Napakunot ako ng noo sa narinig.

     Naglakad ako papalapit sa puno. Nakasunod naman siya sa akin. "Tssk. Imposible. Huwag ka ngang gumawa ng kwento." Sabi ko sa kanya.

     "Hindi ako magaling mag-imbento ng kwento Argo. Totoo. Sinabi niya na mas mabuti kung may kasama ka."

     Pagkalapit namin sa puno ay agad ko itong inakyat. Ano ba dapat ang tamang isagot ko sa mga sinabi niya. Na natutuwa ako sa narinig? Babae lang ang nagsasabi ng ganun.

WILDAMATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon