Kabanata 20

79 13 7
                                    

-Argo-

     "Ano?!" Malakas kong tanong matapos marinig mula kay Heneral Rayun ang bago naming misyon.

     "Mukhang may hindi nakikinig dito ha. Sige. Uulitin ko. Bukas na bukas din ay aalis si Prinsesa Yana patungong siyudad ng Palo upang paunlakan ang imbitasyon ng isa sa dating kapitan ng Wildama na ngayo'y isa na sa nagpapatakbo ng siyudad na yun. Malapit sa pamilya ng hari ang kapitan kaya agad na pinaunlakan ng prinsesa ito. At isa pa, magandang pagkakataon ito upang lalo pang mapagtibay ang samahan ng Palo at Wildama. At bilang bago ninyong misyong apat, kasama ng iba pang mga kawal, kailangan ninyong bantayan ang prinsesa sa lahat ng oras hanggang sa makabalik siya sa palasyo. May tanong pa ba?" Salaysay ng heneral habang sa akin nakatingin. Walanghiyang buhay 'to. Ang isip-batang yun pa ang babantayan namin?

     "Pero bakit sa amin ibinigay ang misyong ito? Bago pa lang kami. Kung iyong pangunguha ng halaman sa isang masukal na gubat ay maiintindihan ko pa lalo na at sinabi niyo sa amin nang makabalik kami rito na parte rin 'yun ng pagsasanay namin. Ngunit ang isang ito?" Tanong ni Kreyd. Matapos ng pag-uusap namin noong nasa bangin kami, hindi na kami ulit nag-usap hanggang sa makabalik kami ng palasyo kahapon. Subalit simula 'nun, hindi na rin siya nagpaparinig ng kung anu-ano.

     "Wala pa rin kayong tiwala sa sarili niyo. Samantalang ang ating hari mismo ang nag-utos na kayo ang isama sa pag-alis ni Prinsesa Yana."

     "Talaga po? Ibig sabihin ba pinagkakatiwalaan kami ng hari? Nakakataba naman ng puso!" Masaya namang sagot ni Lurkas. Haist. Ano pa bang magagawa ko? Nais ko sanang pumuslit patungong kulungan upang makita ang mga may tatak na ahas sa katawan pero wala akong sapat na oras para gawin iyon ngayon. Pahamak na prinsesa 'to.

     Natapos ang aming pulong at hinayaan kaming maghanda para sa pag-alis bukas. Dinala ako ng aking mga paa sa isang hardin. May ganito palang lugar dito. Humahalimuyak sa buong lugar ang samu't saring bango galing sa iba't ibang uri ng bulaklak na maayos na nakatanim sa buong paligid. Pati ang mga paru-paro ay malayang lumilipad at dumadapo sa mga bulaklak. May.mga puno ring nakatanim dito.

     Napakunot-noo ako nang makita ang nasa pinakagitna ng hardin. Seryoso siyang nakaupo sa damuhan habang pinagmamasdan ang dilaw na paru-parong nakadapo sa palad nito.

     "Ang payapa rito, hindi ba?" Aalis na sana ako nang bigla siyang nagsalita. Lumipad papunta sa direksyon ko ang paru-parong kanina  ay nasa palad niya. Nakita ko pa sa gilid ng aking mata ang pagdaan ng paru-parong ito sa gilid ng pisngi ko bago tuluyang lagpasan ako. Napangiti naman ang prinsesa. Pero iba ang ngiti nito ngayon. Hindi ang pilyang ngiti kundi isang ngiting may kasamang kapaitan.

     "Madalas kami rito ng aking ina at ama noon. Lalo na kung nais magpahinga ni ama, dito kami pumupunta. Tumayo siya at lumapit sa pinakamalapit na bulaklak. Inaamoy-amoy niya ito.

     "Nakakaabala yata ako. Aalis na lang ako." Sabi ko sa kaniya. Umiling-iling naman siya.

     "Ang gaganda hindi ba? Ako ang isa sa mga nagtanim ng mga ito." May pagmamalaking wika niya. Ibang-iba siya ngayon. Parang marami siyang nais sabihin ngunit hindi niya maisatinig. Tumalikod ako upang umalis na sana. Biglang dumapo ang isang dilaw na paru-paro sa balikat ko kaya't medyo napahinto ako. Pinagmasdan ko ang paru-paro ng ilang segundo. Napailing ako matapos nito.

     "Ang ganda nga." Wala akong narinig mula sa kaniya matapos kong magsalita.

     "Sabi ko maganda ang lugar na ito pati ang mga bulaklak. Nakaka...nakakagaan ng pakiramdam." Halos di ko maituloy ang aking huling pangungusap ko.

     "HA? TALAGA? Syempre naman. Ang galing ko talagang magtanim hindi ba? Mana kasi ako sa aking ina! Hahahaha." Masigla na niyang tugon. Bumalik na ang Prinsesang Yana na kilala ko. Tssk. Napuri lang ng kaunti. Baliw na yata siya. 

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Aug 09, 2015 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

WILDAMATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon