Sa isang dako ng kalawakan, ay may isang mundo na tinatawag na Elesia. Ang lupain nito ay nahahati sa tatlong kaharian - ang Askata, Numbra at Wildama. Bawat kaharian ay pinamumunuan ng kani-kaniyang hari at reyna. Ang mga may dugong-bughaw lamang ang may karapatang maging hari o reyna at sila ang mga nabibilang sa mayayamang angkan. Sila ang tinatawag na mga maharlika.
Liban sa kayamanan, pinagkalooban din sila ng natatanging kakayahan mula nang isilang. Maaaring magkaroon ng isa o higit pang natatanging kakayahan ang isang maharlika. Pinalalakas ng bunga ng punong kasla ang natural na natatanging kakayahan ng bawat maharlika kapag tumuntong na sila sa edad na labing-walo. Kapag sumapit na sa edad na ito ang isang maharlika, kumakain siya ng bungang kasla para lumakas pa ang biyayang kakayahan nito. Ang punong ito'y sa bawat palasyo lang makikitang nakatanim.
Lahat ng mga mamamayan ng bawat kaharian, maging ng maharlika, ay may tatak sa kanilang katawan na nagsisilbing pagkakakilanlan kung saang kaharian ito nabibilang. Ang Askata ay kakikitaan ng hugis tatsulok at kalahating buwan sa loob nito at sa kanilang noo ito makikita. Kabilang naman sa Numbra ang mga may bituin na may tatlong tuldok sa ibaba nito at makikita sa gilid ng kanilang leeg. At panghuli, Wildama naman kung ang tatak ay nasa braso na isang araw na may anim na sinag.
Sa simula, maayos at mapayapa ang pamamalakad ng tatlong kaharian. May magandang ugnayan din ang tatlo. Hindi nakikialam ang isa't isa sa mga suliranin sa kani-kaniyang kaharian maliban na lamang kung humingi ito ng tulong. Ngunit isang pangyayari ang nagpabago ng lahat. Pitong kawal ng Askata ang sumubok na kumain ng bunga ng kasla na kanilang ninakaw sa kanilang palasyo. Dahil dito, nagkaroon sila ng pambihirang kakayahan. Hindi nagtagal, nalaman ng ibang mamamayan ng Askata ang nangyari kaya't ang halos lahat ay naghangad na makakuha nito upang kainin para magkaroon din ng natatanging lakas o kakayahan. Nagalit sila sa mga maharlika dahil inisip nilang naging madamot at makasarili ang mga ito para ipagkait ang kapangyarihang maaaring maibigay ng puno.Sinabi ng hari ng Askata na si haring Damo na wala silang alam na maari pala ang bagay na iyon. Na hindi nila alam na maaaring kainin ng ordinaryong mamamayan ang kasla at makapagbibigay din ito ng pambihirang kakayahan sa kanila. Sinusunod lamang nila ang tradisyon ng kaharian at ng buong Elesia. Iyon ang totoo ngunit hindi naniwala ang mga mamamayan dito. Nabulag sila sa kapangyarihang maaring maibigay ng pambihirang bunga.Sinubukan silang pigilan ng mga maharlikang Askata ngunit dahil sa dami ng mga mamamayan idagdag pa ang pagtulong ng pitong kawal na noo'y may pambihirang lakas na na tulad ng mga maharlika, nahirapan ang mga maharlika at tuluyang nakalapit ang ilang ordinaryong mamamayan sa puno at kumuha ang mga ito ng bunga na agad nilang kinain.
Magmula nun ay nagkaroon na ng pambihirang kakayahan ang mga kumain nito, depende sa nilalang na kumain dito. May mga lumakas ang paningin, pang-amoy, pandinig, pakiramdam, naging magaling sa pakikipaglaban at iba pang klaseng kakayahan.
May ilan pa na hindi nakontento sa kanilang nakuhang kapangyarihan kaya't naisip nilang kumain pa ng bunga upang madagdagan pa ito. Naging magulo sa buong Askata, naglaban-laban ang mga mamamayan sa isa't isa. Lahat gustong ipamalas ang lakas at gustong mahirang bilang pinakamalakas. Naging ganid sila sa kapangyarihan. Ang ilan namang nanatiling mabuti ay kumain din ng bunga upang protektahan ang sarili at ang kanilang mahal sa buhay kung sakaling matunton sila sa kanilang pinagtataguan.
Hanggang sa ang haring Damo, ang reyna at mga anak nito, at mga maharlika ay wala ng nagawa pa. Nagtago sila sa isang bahagi ng palasyo habang ang ilan ay nilisan na lamang ang kaharian. May mga inutusan na din ang hari upang ipaalam ang nangyayari sa ibang kaharian at makahingi na rin ng tulong. Pinayuhan na din niya ang mga mamamayang hindi nakisali sa gulo na lisanin na ang lupain dahil hindi na niya ito kontrolado.
Samantala, umabot na sa dalawa pang kaharian ang nangyari sa Askata. Nagpadala na din ng tulong ang mga ito upang matapos na ang kaguluhan. Ngunit hindi inaasahan ng mga taga-Numbra ang mga sumunod na nangyari. Nang malaman ng mga mamamayang Numbra ang tungkol sa bunga ng kasla, sumugod din ang ilan sa mga mamamayan nito sa palasyo kung nasaan ang puno. Dahil sa kalahati ng mga kawal at ilang maharlika ay ipinadala sa Askata, nahirapang pigilan ang mga ito ngunit sa huli, nakaya naman nilang mahuli ang lahat ng nagtangkang lumapit sa puno.
BINABASA MO ANG
WILDAMA
Viễn tưởngIsang kaharian sa isang mundo na tinatawag na Elesia, kaharian kung saan makakakita ng mga nilalang na may pambihirang lakas at abilidad. Ito ang WILDAMA kung saan may isang prinsesang walang ibang hangad kung hindi ang kabutihan ng iba at isang lal...