Kabanata 15

90 35 12
                                    

-Prinsesa Yana-

     "Kamahalan!" Papasok na sana ako sa aking silid nang may tumawag sa aking isang kawal.Hinihingal siya marahil dahil sa pagmamadaling pumunta rito.

     "May mga nagrereklamo po sa labas. Kinukwestyon ang desisyon ng palasyo kung bakit hindi sila napabilang sa mga nakapasa" aniya.

     "Inaasahan ko na ang bagay na iyan. Kay heneral Niro ka magtungo. Alam na niya ang kanyang gagawin" sagot ko sa kawal. Napag-usapan na namin ang mga posibilidad na mangyari pagkatapos lumabas ang opisyal na resulta.

     Kung hindi lang ako kulang sa pahinga, sasamahan ko siyang ipaliwanag ang lahat. Subalit kailangan ko ring umidlip kahit ilang sandali lamang. Kailangan ko ring puntahan ang hari mamaya hindi bilang anak niya ngunit bilang punong tagapamahala na mag-uulat sa kanya.

     Mamaya-maya lamang ay darating na siya galing sa pagbisita sa Timog hanggang Silangan. Tuluyan na akong pumasok sa loob ng aking silid. Mag-isa lamang ako dahil sa pinagbigyan na ang kahilingan kong limitahan na ang pagbuntot sa akin ng mga tagasilbi. Ipapatawag ko na lamang sila kung kailangan. Nandyan lang naman sa paligid.

     Ibinagsak ko ang katawan sa malambot kong higaan matapos alisin ang aking sapin sa paa. Ilang araw na ba akong walang maayos na tulog? Tama. Halos gabi-gabi pala. Dapat ko ring bigyan ng pahinga ang aking sarili. Hinihila na ako ng antok nang may biglang pumasok sa aking isipan.

     Ang lalaking yun...

     Si Argo...

     Napadilat ako ng mga mata. Napadpad sa kisame ang aking paningin.

     Ano kaya ang magiging desisyon niya? Kagabi, kitang-kita kong desidido na siyang lisanin ang lugar na ito. Kung tutuusin kayang-kaya kong pabantayan at pigilan siyang umalis lalo pa at isa na siyang opisyal na mandirigma ng Wildama. Napangiti ako nang maalala ang pagkapikon sa buong mukha niya. Iyon ang mukhang napakasarap asarin. Subalit nais kong siya ang bahalang pumili. Mahirap pumasok sa isang bagay na hindi mo naman ninais sa umpisa pa lang.

     Pumikit akong muli hanggang sa unti-unti na pala akong nakatulog.

***

     "Binabati kita Prinsesa para sa matagumpay ninyong pangangalap ng daan-daang bagong mandirigma" iyan kaagad ang aking narinig mula sa aking amang hari.

     "Maraming salamat mahal na Hari. Ang aming tagumpay ay bunga ng pagtutulungan namin ng aking mga nakasama" magalang kong sagot.

     "Hindi mo ba ako babatiin na gaya ng iyong palaging ginagawa, anak" sabi ni ama sa nagtatampong tono.

     "Patawad po, ngunit narito po ako bilang isang punong-tagapamahala at upang mag-ulat" pormal kong sagot sa kanya.

     "Subalit, nagawa ng iulat ni Heneral Minard ang lahat ng nangyari. Kung kaya't hindi mo na kailangang ulitin pa. Alam ko na ang mga mahahalagang detalye." Napasimangot ako matapos madinig ang mga iyon sa kanya.

     "Nakakainis naman e. Naghanda ako para dito! Ang Heneral Minard na yun!" pagmamaktol ko. Nakakadismaya naman kasi.

     "Hahaha. Huwag mo siyang sisihin dito anak. Ako ang nag-utos sa kanyang gawin iyon." Nanatili akong tahimik dahil sa narinig.

     "Oh. Naiinis ka rin sa akin? Akala ko pa naman-" Hindi ko na siya pinatapos pa sa kanyang sasabihin. Agad akong lumapit upang siya ay yakapin.

     "Maligayang pagbabalik sa palasyo ama! Opo naiinis ako. Di man lang kayo nagkunwaring wala pang alam at pinakinggan ang ulat ko." Kumawala ako sa pagkakayakap kay ama ng nakalabi.

WILDAMATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon