Kabanata 2

163 55 5
                                    

-Argo-

    

     Ilang araw na akong gumagala sa hilagang bahagi ng lungsod na ito subalit ni anino o bakas man lamang ng Asul na iyon ay wala akong mahanap. Ayoko pa sanang bumalik dito sa paupahang bahay na aking tinutuluyan subalit kailangan ko ding magpahinga. Hindi na din ako nakakakain ng maayos.

     Susubukan ko bukas puntahan ang hilagang-kanluran. Sa ngayon, matutulog muna ako. Ilang gabi na din pala akong walang tulog.

(Kinaumagahan)

     Pagka-ayos ng mga bagay na dadalhin ko patungong hilagang-kanluran, agad na kong lumabas ng paupahang-bahay. Nasa likod ko ang supot (bag) na pinaglagyan ng aking gamit habang nakasabit sa kanang balikat ko. Iniwan ko ang ibang mga gamit ko dito dahil babalik pa naman ako sa mga susunod na araw. Gayunpaman, mga hindi masyadong mahalaga ang mga iniwan ko, sakaling may magtangkang looban ang bahay, mga di gaanong mahalaga ang makukuha.

     Dumaan muna ako sa isang tindahan ng tinapay at mga prutas na katabi lamang ng paupahang-bahay na tinutuluyan ko. Habang pumipili ng bibilhing prutas, nagtanong ang tindero sa akin.

     "Aalis ka na ba ng lugar na ito bata?"

     "Hindi. May pupuntahan lamang ako" sagot ko dito ng hindi siya nililingon. Kumuha ako ng dalawang mansanas sa lalagyan. Halata sa tinig nito ang katandaan magkaganun pa man, wala akong balak na gumamit ng magalang na pananalita. Isa ito sa mga natutunan ko sa aking paglalakbay, kailangan mong magpakita ng kabagsikan maging sa simpleng pananalita lamang upang hindi ka maisahan o gawan ng masama.

     Halos isang taon na akong naglalakbay at narating ko na ang maraming lugar. At hindi ako aabot dito kung naging mahina ang loob ko't hindi nagpakita ng kabangisan sa iba. Lalo na at marami ang Elesian na maitim ang budhi sa kasalukuyan. Gaya na lamang ng mga salarin sa nangyari sa aming nayon. Tuwing naaalala ko iyon ay nabubuhay ang galit sa dibdib ko.

     "Ganoon ba. Hindi ka isang ordinaryong binata lamang hindi ba iho?" Napatingin ako sa matanda na nakatingin lang din sa akin.

     "Anong alam mo tungkol sa akin?" tanong ko rito. Matalim ang ipinukol kong titig sa kanya.

     "Wala naman masyado. Naobserbahan ko lamang ang kilos mo simula ng dumating ka" kalmado niyang sabi.

     Huminto muna siya sandali sa pagsasalita. Mukhang iniisip kung itutuloy pa ang iba niyang sasabihin. Nagpalinga-linga muna siya sa paligid.

     "Kung gusto mo, maaari nating ituloy ang pag-uusap sa loob. Hindi magandang ideya kung dito tayo sa labas. Iyon ay kung papayag ka lang naman."

     "Sige" tipid kong tugon. Mukhang wala naman siyang balak na masama at kung meron man, handa naman ako laban sa kaniya. Ilang beses na din akong nalagay sa alanganing sitwasyon subalit buhay pa naman ako hanggang ngayon. At hindi ko naman hahayaang mamatay na lang ako ng hindi nakukuha ang hustisyang matagal ko ng hinahanap.

     "Sumunod ka" aniya matapos niyang isara ang kanyang tindahan.

     Ibinalik ko sa lalagyanan ang hawak kong mga prutas at sumunod sa matanda. Nadaanan pa namin ang isang kwartong nakabukas. May batang babae sa loob na tila nagsusulat sa isang parihabang papel gamit ang isang panulat. Marahil ay nasa limang-taong gulang pa lamang ito at nagsisimula ng matutong magsulat. Ito kasi ang panahon kung kailan ang isang batang Elesian ay natututo ng magbasa at magsulat kahit walang nagtuturo dito. Basta na lamang nila namamalayang marunong na pala sila ng mga ito. May kumirot sa aking puso pagkakita ko pa lang sa bata.

     "Kung buhay pa sana siya ngayon, maaring ginagawa na din niya ang tulad sa ginagawa ng batang iyan" bulong ng utak ko.

     Pumasok kami sa isang silid katabi ng silid nung bata. Mukhang ito ang silid ng matandang tindero. Maliit lamang ito at mukhang hawig sa paupahang tinitirhan ko. May maliit na higaan na pandalawahan at sa gilid ay isang maliit na mesa na may tatlong silya, may lagayan ng damit at iba pang gamit.

WILDAMATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon