Kabanata 17

69 29 11
                                    

-Argo-

     "Pinatawag ko kayo rito sa ating sekretong silid upang ibigay ang unang misyon na inyong gagawin" ani Kapitan Rayun. Kahapon lang namin nalaman ang aming gagampanan, ngayon ay may misyon na agad? Ni hindi pa nga kami masyadong nakakapag-ensayo nang ipatawag niya kami ngayong umaga pabalik dito sa palasyo.

     "Ang galing! May misyon na tayo kaagad" ani Lurkas.

     "Ano pong gagawin namin?" tanong naman ni Kreyd. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya ako kinakausap. Samantalang halos hindi siya maubusan ng kwento sa ibang kasama namin. Tssk. Bakit ko ba iniisip iyon? Wala akong pakialam sa kanya.

     "Kakaunti na lamang ang reserba ng mga halamang-gamot sa palasyo. Ang mga halamang-gamot na tinutukoy ko ay hindi basta-basta matatagpuan sa pamilihan. Dahil sa mas epektibo ito kumpara sa mga nakikita natin sa labas. Ilang daang beses na mas mahal ang presyo nito kumpara sa karaniwang halamang-gamot.

     At higit sa lahat... Dahil sa sobrang napakahirap nitong makuha. Tanging mga eksperto at malalakas lamang ang nangunguha ng halamang ito dahil na rin sa ito'y tumutubo lamang sa matarik at mapanganib na kagubatan na matatagpuan sa labas ng Wildama. Dalawang bayan ang madadaanan kung magmumula ka sa Silangan bago marating ang kagubatang ito. Maraming karaniwang mamamayan ang sumusubok na manguha nito subalit halos lahat sila ay nabigo.

     "Ano ba ang hitsura ng mga halamang ito?" singit na tanong ni Lurkas. Habang kaming tatlo nila Kreyd at Nisha ay tahimik lamang na nakikinig.

     "Hintayin natin si Ulya dahil may dala siyang halimbawa ng mga halamang-gamot na tinutukoy ko.

***

     Matapos ipaliwanag ng kapitan kung ano ang aming gagawin, maging ang pagdating ni Ulya upang ipaliwanag ang tungkol sa halamang-gamot, agad kaming naghanda sa pag-alis. Lulan ng tig-iisang kabayo, nag-umpisa kaming maglakbay patungo ng kagubatang tinutukoy ng kapitan.

     "Madilim na! Siguro ay tumigil at magpahinga muna tayo sa unang bayan na madadaanan natin!" sigaw ni Kreyd. Binilisan ko ng kaunti ang pagpapatakbo sa kabayo nang makalapit sa kanya.

     "Hindi na kailangan. Kaya naman nating maglakbay ng diretso hindi ba. Malaking abala lamang ang pagpapahinga!" sigaw ko sa kanya.

     "Ano bang mali kung hihinto tayo sandali? Binigyan tayo ng sampung araw sa misyong ito. Kung tatantyahin, sobra na ang panahon na yun!" balik na sigaw niya. Pinahinto niya ang kanyang sinasakyang kabayo kaya't napahinto rin ako pati na ang dalawa pa naming kasama na nasa likod lang namin. Nakalabas na kami ng Wildama at puro mga matataas na damo na ang mga nasa paligid. Tanging liwanag mula sa buwan ang nagpapaliwanag sa paligid.

     "Gaya ng nasabi ko na, hindi sa lahat ng oras, kalkulado natin ang lahat ng mangyayari. Sa tingin mo, bakit tayo binigyan ng ganoon kahabang oras? Hindi natin alam kung ano ang dadatnan natin doon o kung gaano kahirap ang pagdadaanan bago makuha ang mga halamang-gamot. Kaya mas maigi kung makarating tayo ng mas maaga. Saka tayo magpahinga kapag matapos nating makuha ang kailangan natin" sagot ko sa kanya.

     "Ha? Sigurado bang iyan talaga ang rason mo?" Pinukulan niya ako ng naghihinalang titig. Tinumbasan ko ito ng nakakahiwang tingin.

     "Baka naman DAHIL sa una pa lang, ayaw mo na talagang sumama sa misyong ito. Hindi ko nga maintindihan kung bakit nandito ka ngayon e. Akala ko ba aalis ka na dapat? Pero tandaan mo na ngayon, nanumpa ka na ng katapatan sa palasyo at sa buong Wildama. Ibig sabihin kailangan mo ng gampanan ang iyong tungkulin sa ayaw o sa gusto mo. Kung hindi, maaari kang makulong o hatulan ng kamatayan kung aalis ka na lang ng walang paalam.

WILDAMATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon