𝐢𝐯.

796 34 1
                                    

[ Kabanata 4 — Usapan sa Balkonahe ]

Sa isang kagaya ni Miriam, isa na yata ang paghahanap ng pag-ibig sa kanyang tanging pinaka-aasam na makuha sa kanyang buhay. Ngunit ano nga ba ang kanyang tipo sa isang lalaki? Simpleng lalaki lamang, na mabait, mapang-alaga, mapagpasensiya ngunit hindi magdadalawang-isip na ipagtanggol siya, may hitsura, may pangarap at adhikain sa buhay, at higit sa lahat, ay may magandang imahe at moral sa ngalan ng pag-ibig, na hindi siya kailanman nito sasaktan o iiwanan. Alam ni Miriam sa kanyang sarili na bibihira na lamang ang makahanap ng ganoong lalaki sa modernong mundo, na kung saan puro pang-aakit at panloloko na lamang ang alam gawin ng mga kalalakihan. Para sa kanya, ang ganoong mga lalaki ay maituturing na lamang na suntok sa buwan kung magkagayon, at ang posibilidad na makahanap siya ng ganoong klaseng lalaki ay tila isang panaginip na lamang....

Hindi pa rin nawawaglit ang aking titig sa pari, at tila tumigil ang takbo ng oras nang kanya rin akong nginitian. Maamo ang kanyang mukha at mapupula ang kanyang labi, may kinang na makikinita sa kanyang mga bilog na mata, at nababalutan ang kanyang presensya ng isang damdaming hindi ko lubos na maipaliwanag.

"Buenos días, buena señorita." (Magandang araw, butihing binibini) Bati niya sa akin sa ganoong tono na naman ng kanyang boses sabay ang marahan na pagyuko. Hindi ko man lubos na maintindihan ang kanyang tinuran gayong wala akong kaalaman sa pagsasalita ng Espanyol ay akin pa rin siyang binati. "Magandang araw rin po sa inyo, mga padre." Aking tugon. "Hija, halika rito upang mas makita pa ng mga butihing padre ang 'yong mukha." Sabi ni mongha Veronica na akin naman ding sinunod.

Naglakad ako papunta sa kanila at tumabi kay mongha Veronica, ang aking ngiti ay hindi pa rin nawawala. Nasuklian naman ito ng mga ngiti ng dalawang pari. May binulong sa akin ang madre. "Hija, anupa't hindi mo pa nahahalikan ang mga palad ng mga butihing padre?" Biglang nanlaki ang aking mga mata. "Halikan po, madre?" Tugon ko na nasundan lang ng pagtango ng mongha.

Bago man sa aking kaalaman ay tumalima ako sa sambit ng madre at unang hinalikan ang palad ni Padre Zamora at ang huli ay kay Padre Burgos. "Ah eh, lubos akong nagpapasalamat sa inyo, mga padre, dahil kayo'y napadalaw sa aming kumbento." Saad ni mongha Veronica. "Kami'y nagagalak rin, madre dahil hindi na namin maalala pa kung kailan kami ulit bumisita dito sa inyong butihing kumbento." Tugon ni Padre Zamora. Narinig ko ang mahinang hagikgik ng madre.

"Hija, alam mo ba na sila ang dalawang padre na nakahanap at nagligtas sa iyong buhay nang mawalan ka ng malay doon sa abandonadong kwarto sa simbahan?" Baling naman sa akin ng madre. "T-talaga po?" Pagtatanong ko.

"Siyang tunay, binibini. Sa katunayan nga ay ako'y nagulat dahil bukod sa ang kwarto na iyon ay ilang buwan na ring hindi nagagamit, ay siyang pagdating mo naman na di namin inaasahan." Paglalahad ni Padre Burgos. "Mabuti na lamang at aking naulinigan ang iyong boses matapos akong maglibot sa simbahan nang mga oras na iyon kaya't akin kitang nakita at naipadala dito sa kumbento nang ikaw ay nawalan ng malay." Dagdag pa nito.

"Maraming salamat po, padre sa inyong pagtulong sa akin." Sambit ko. "Walang anuman, binibini. Ngunit matanong lamang kita, ano ang iyong ginagawa't nakarating ka sa kwartong iyon gayong ito'y nakakandado na?" Tanong niya.

Eh paano ko nga ba malalaman eh bigla na lang naman akong napunta dito sa panahong 'to. Sabi ko sa aking sarili.

"Ah-eh.... isa po kasi ako sa mga tagalinis ng simbahan at nakatulog po 'yata ako doon nang mapagod po ako." Pangangatuwiran ko na nakapagpalito sa dalawang pari. "Asombroso (nakapagtataka), gayong parang ngayon ko lamang nakita ang 'yong mukha, at bibihira lamang ang mga naninilbihan sa simbahan liban na lamang kung araw ng Linggo." Ani Padre Zamora. Nagawa na lamang ni Padre Burgos na bumuntong-hininga.

𝗽𝗮𝗱𝗿𝗲 || 𝗮 𝗵𝗶𝘀𝘁𝗼𝗿𝗶𝗰𝗮𝗹 𝗳𝗶𝗰𝘁𝗶𝗼𝗻Where stories live. Discover now