[ Kabanata 2 — Sa Likod ng Lampara ]
Matapos ang klase ni Sir Romualdez ay tila napipi si Miriam at hindi nakaimik sa buong umaga hangga't sumapit ang tanghali....
Dahil sa sobrang pagkapahiya kanina sa klase ni Sir Romualdez ay dali-dali ngunit tahimik akong pumunta sa plaza mayor ng unibersidad at umupo sa isang tabi habang hinintay ang aking kaibigan. Maya-maya lamang ay mayroong sumigaw ng aking pangalan. "Miriam!"
Tumingin ako bigla sa pinanggalingan ng boses at nakita ang aking kaibigan na tumatakbo patungo sa akin habang kumakaway. "Liezel!" Sigaw ko. "Hoy, kamusta naman?" Tanong niya sakin at umupo sa tabi ko. "Okay lang naman." Saad ko. Tumaas ang kanyang kilay at sinabayan ng "hmm...." Ako'y napatawa na lamang. "Sure ka ba dyan? Mukhang namumutla ka oh." Sambit niya.
"Oy, hindi ah." Tanggi ko. "Wag ako teh, hindi ka pa naman magaling magsinungaling." Abot langit na ang kataasan ng kanyang kilay habang nakapalibot ang kanyang mga braso malapit sa kanyang sikmura. "Hays, sige na nga. Oo, hindi talaga ako okay." Pagsasabi ko ng katotohanan. Napairap siya nang maibulalas ko na ang nais niyang marinig. "Ano bang nangyari? Biyernes na nga nagawa mo pang sumimangot?"
"Eh paano ba naman? Napagdiskitahan ako ng Sir Romualdez na 'yan. Hindi lang ako nakasagot sa tanong niya kanina sa recitation eh pinagawan ba naman ako ng essay at pati reflection paper. Alam niya naman siguro na hindi lang subject niya ang inaalala ko tapos siya 'tong feeling major yung sa kanya?" Paglalabas ko ng aking damdamin.
Kunot na noo ang binigay sa akin na tugon ni Liezel. "Naging guro ko rin si Sir Romualdez last school year girl, at hindi siya ganoon basta-basta nagpapagawa ng mga bagay-bagay, liban na lang kung nagalit o nainis siya sa'yo?"
"Ah- eh...." Bigla akong napaisip sa kung ano ba ang inasta ko kanina sa kanya. Napatango na lamang si Liezel. "May nasabi ka nga kaya ganoon na lang kabilis na nagpataw si Sir Romualdez sa'yo ng gagawin mo." Sabi niya. "Pero hindi pa din yun fair diba? Stressed na nga ako sa acads, sa work, sa paghahanap ng lovelife, pati ba naman 'yan papasanin ko pa?" Angal ko.
"Alam mo girl, para madalian ka diyan sa pinapagawa niya, kumapit ka na lang sa AI. For sure, marami kang makukuha doon na makakatulong pa sa pinagawa niya sa'yo." Suhestiyon niya. Ako naman ang napakunot ng noo.
"Huh, eh diba considered stealing yung pagkuha ng mga answers sa AI?" Pag-aalinlangan ako. "Sus, mas pinapahirapan mo lang buhay mo eh." Saad ni Liezel. "What if maghanap ka na lang kaya sa library, total marami namang mga libro ang UST... for sure marami kang mahahanap." Dagdag na suhestiyon niya. "Oh 'yan, mas mabuti pa nga 'yan kesa sa unang sinabi mo." Sambit ko at bigla na lang kaming napatawa.
"Oh siya, 'lika at kumain na tayo. Ako pa tuloy sumalo ng mga solusyon sa problema mo eh." Ani niya.
•••
Pagkatapos ng kanyang klase ay napadaan nga si Miriam sa Benavides Library ng unibersidad upang maghanap ng mga libro at iba pang mapagkukunan ng impormasyon na kanyang kakailanganin para sa gawain....
Alas-kwatro na ng hapon nang dumaan ako sa library. Wala namang masyadong tao sa library kaya't malaya akong makahanap ng mga libro nang walang sagabal o ingay sa paligid. Dumaan ako sa history section at mabusising naghanap ng anumang libro hinggil sa mga kinikilalang bayani ng bansa hangga't nakita ko ang isang kopya ng Historia General de Filipinas (General History of the Philippines) ng historyador na si Jose Montero y Vidal. Napasinghap ako nang malalim at kinuha ang kopya at naghanap ng mainam na pag-upuan sa library.
Binasa ko nang maigsi ang introduksyon ng kopya bago ko ito hiniram sa librarian. Pagkatapos ay sinimulan ko na ang daan pauwi sa amin. Abala si Liezel dahil dumalo siya sa isang party samantalang ako ay kinakailangan na tapusin ang gawain na nakaugat sa pagkadismaya ni Sir Romualdez sa akin. Nang makababa na ako ng jeep ay dali-dali akong pumasok sa loob ng dorm at isinara ang pinto. Mabuti at hindi pa nakakauwi ang isa pa naming kasama ni Liezel na si Patrice at makakapagbasa ako nang tahimik ang kapaligiran.
Inayos ko muna ang aking sarili at nagbihis nang komportable bago umupo sa tanging lamesa ng masikip na dorm namin at sinimulang basahin ang nahiram kong kopya.
Tunay ngang mali ang aking nasabi kanina dahil ngayon ko lang napagtanto na ang naisambit ko kaninang araw ay ang araw pala ng kamatayan ni Jose Rizal at hindi ang GomBurZa na napatawan ng kamatayan noong Pebrero 17, 1872. Napagtanto kong bukas na rin pala ang araw na iyon. Natawa na lang ako sa aking kamalian at isang bahagi sa akin ang nagsasabing deserve ko rin pala ang essay at reflection paper na ipinagawa sa akin.
Kasama sa mga nadagdag sa aking paghahanap ng impormasyon ay ang tala na ang tatlong pari ay napagbintangan na ulo umano ng pag-aaklas na nangyari sa Cavite noong Enero 20, 1872 ngunit ito'y napabulaanan na at ang tribunal na kung saan ay nasakdal at nahatulan nang parusa ang mga pari ay isang simpleng paraan lamang upang mawala sa imahe ang mga pari na siyang nanghahangad ng sekularisasyon ng mga paring seglar sa kanilang mga parokya na sinimulan ni Padre Pedro Pelaez bago pa man ang kanyang hindi inaasahan na kamatayan noong 1863.
Nadatnan ko rin ang isang pahina kung saan nakaimprenta ang tanging larawan na kung saan magkakasama ang tatlong pari. Hindi ko mawari kung sino sa kanila ang Gomez, Burgos, at Zamora ngunit nakatitiyak ako na hindi na iyon mahalaga pa.
Sa pagbuklat ko uli papunta sa kasunod na pahina ay bigla na lamang umikot ang aking paningin at hindi ako makakita nang husto. Mygash, ito na nga ba ang sinasabi ko kung bakit hindi ako dapat nalilipasan ng tulog.
Sa sobrang pagkahilo at sakit ng aking ulo ay hindi ko na napigilan pa na ipahinga ang aking ulo sa ibabaw ng aking mga braso sa lamesa katabi ng kopya. Sa ilang segundong kasunod ng aking pagkahimbing ay tila may naamoy ako na isang bagay na sa tingin ko ay wala kami ni isa sa tinutuluyan naming dorm.
Kandila.
•••
Nababalot ng dilim at ni isang kusing ng ingay ng paligid ay hindi maulinigan. Sa bawat ihip ng hangin ay siya naman ding paglaganap ng mga alikabok na nagmula sa mga santo na nakalagay malapit sa altar. Ang mumunting liwanag na nanggagaling sa isang nauupos na na kandila ang tanging nagbibigay-buhay sa kwartong iyon tuwing kailaliman na ng gabi. Walang kabuhay-buhay, kakulay-kulay, ngunit sa isang iglap lamang ay iyo'y napawi....
Napakasarap pala na magkaroon ng hindi inaasahang pagkaidlip pagkatapos ng mga araw na puro kape at pag-asa lamang na makapagtapos ang bumubuhay sa iyo. Akala ko lamang ay isang amoy ng panaginip ngunit bakit ay naaamoy ko pa rin ngayong ako'y nagising na?
Binuksan ko ang aking mga mata at tumambad sa akin ang saklaw ng kadiliman at ang amoy nga na akin pang napapansin ay nanggagaling sa isang malapit nang matunaw na kandila. Napasinghal ako sa labis na kadiliman ng kwarto at kinurap ang aking mga mata upang lubusan nang manumbalik ang aking ulirat. Ito talagang sina Liezel at Patrice, di man lang nagsasabi na meron na pala sila.
Sa aming tatlo ay sadyang ako ang mas antukin kaya't siguro ay hindi na nila ako inabala na magising at hinayaan na lamang ako na matulog sa lamesa ngunit nakapagtataka dahil bakit kailangan pa ng kandila kung pwede namang buksan na lamang ang ilaw? Tumayo ako nang dahan-dahan at inunat ang aking katawan bago maglakad.
Sa sobrang kadiliman ng paligid ay napagdesisyunan kong gamitin na lamang ang flashlight ng cellphone ko para buksan ang ilaw. Laking pagtataka ko nang hindi ko man lang mahagilap ang phone ko. "Hala, nasaan na yun?" Sambit ko. "Hoy, Liezel, Patrice, nangtri-trip nanaman kayo ano?" Aking bulalas ngunit ni isang tugon ay walang bumalik sa akin.
"Liezel, Patrice, nasaan yung cellphone ko?" Muling pagtatanong ko. Wala ulit bumalik na kahit anumang tugon. "Teka nga, nasaan ba yung ilaw?" Sambit ko ngunit pati switch ng ilaw hindi ko din mahagilap dala na nga ng sobrang kadiliman ng kwarto. Tumalikod ako at doon ko namang sinimulan na hanapin kung nasaan ba ang switch.
Kasabay ng ihip ng hangin ay ang isang tinig na sadyang nakapagdala ng gulat sa akin. "¿quién eres?" (Sino ka?). Bigla akong napaurong at hinarap ang pinanggalingan ng boses.
Kumulapol sa aking paningin ang matinding liwanag na nanggagaling sa hawak ng nagsalita na nagdulot sa akin na madulas. Humupa ang liwanag na tumatakip sa kanya at nasilayan ko ang kanyang mukha. Hindi na ako nakapagsalita pa at bago pa man ako mawalan ng malay ay muling narinig ko, sa isang malumanay na tono, ang kanyang tinig. "¡Ayuda, Padre Zamora! ¡Hay alguien aquí!" (Tulong, Padre Zamora! May tao rito!)
---
YOU ARE READING
𝗽𝗮𝗱𝗿𝗲 || 𝗮 𝗵𝗶𝘀𝘁𝗼𝗿𝗶𝗰𝗮𝗹 𝗳𝗶𝗰𝘁𝗶𝗼𝗻
Narrativa StoricaA college student finds herself struggling to pass her history class because of a certain lesson, the life of the GomBurZa. Despite her efforts to achieve full understanding about the three priests, she still doesn't know why it is relevant to her c...