[ Kabanata 10 — Kwintas ]
Habang tumatagal ang pamamalagi ni Miriam sa panahon ng tatlong paring martir ay mas lalo siyang namumulat sa mga kaganapan na nag-udyok sa mga Pilipino upang ipaglaban ang nararapat na para sa kanila. Kung mababalik lamang ni Miriam ang mga panahong nalihis ang kanyang landas at nawalan ng interes sa pag-aaral ng kasaysayan ay sana ay mas naintindihan pa niya at naunawaan ang mga pangyayari na siyang karapat-dapat na pagbigyan ng halaga at hindi lamang balewalahin at tanggalan ng karangalan....
Sumapit ang mga linggo at hindi pa rin ako nabibigyan ng kasiguraduhan kung paano at kailan ako makakabalik sa amin. Talaga bang kailangan kong masaksihan ang kahihinatnan ng tatlong pari, ang makita ang kalupitan at kasakiman ng mga Espanyol sa mga kaawa-awang Pilipino, ang makaramdam ng takot at hinayang sa sarili kong bansa, o ang pigilan ang aking nararamdaman sa isang taong napamahal na sa akin nang tuluyan sa panahong ito?
Ngayo'y panibagong linggo na naman at malapit na ang kapaskuhan kaya naghahanda ang kumbento para sa isang espesyal na selebrasyon. Sa paulit-ulit na pangungulit ni Dolce ay napapayag niya akong tumugtog ng piyano para sa selebrasyon dahil mayroon din naman akong kaalaman sa musika. Nagbalak rin ang mga madre na magkaroon ng maliit na picnic sa tabi ng Ilog Pasig na dadaluhan naman ng ibang kabanalan, kasama na ang tatlong pari.
Habang ako'y abala sa paglilinis ng kumbento ay tinawag ako ni Dolce dahil mayroon daw isang tao na gusto akong makita. Sa una ay nagtaka ako kung sino iyon pero noong nakita ko na ang tao ay si Padre Zamora ay napanatag ang loob ko. Ilang beses na rin siyang napapabisita sa kumbento at kung hindi ang mga madre ang gusto niyang makita ay ako naman. Naudlot muna ang aking paglilinis upang siya'y paunlakan. Palihim na ngumingisi si Dolce habang nasa tabi ng pintuan. Nang aking pagbuksan ang pinto ay bumungad sa akin ang magiliw na mukha ng padre.
"Magandang umaga, Padre Zamora." Sambit ko at hinalikan ang kanyang palad. "Bakit ka po napabisita dito sa kumbento?" Pagtatanong ko. "Ah... um..." Utal niyang tugon. "Nais ko lamang na ibigay ito sa iyo." Sambit niya at sabay na pinakita ang isang nakabalot na kahon. Nagtaka ako kung ano iyon at binuksan ko ito sa kanyang harapan. Nanlaki ang aking mga mata nang nakita ko ang isang kumikinang na kwintas na may metal na krus sa gitna. Tumingin ako sa kanya at nakita ko ang kislap ng kanyang titig sa akin. Nagbigay ako ng pasasalamat sa kanya at aking isinuot ang kwintas.
"Mabuti at nagustuhan mo ang aking regalo sa iyo, binibining Miriam. Ako'y hindi na makapaghintay sa ating munting salo-salo sa ilog mamayang hapon." Sambit niya. "Ako rin, Padre Zamora. Maraming salamat sa napakagandang kwintas na ito." Aking tugon at akin siyang pinatuloy sa loob ng kumbento upang kanyang makausap si mongha Veronica.
•••
Napakalaki talagang pagbabago ang nangyari sa mga tanawin ng bayan ng Maynila sa loob lamang ng isandaang taon. Kung ngayon ay puno na ng kalsada at gusali at tila normal na ang usok at mga basura sa paligid ay isang malawak lamang na luntian na lupain ang natatanaw papuntang Ilog Pasig. Wala pang gaanong mga gusali at wala pang nakasusulasok na usok ang nalalanghap at nakikita pa na napakalinis at walang kalat ang sumasakal sa ilog. Nasa harapan ko lamang si Dolce nang aming makatagpo ang tatlong pari sa kabilang daan na waring may mahalaga na namang pinag-uusapan. Nang magkrus ang mga mata namin ni Padre Zamora ay bigla siyang napangiti at tinakpan ang kanyang mukha sa likod ni Padre Gomez.
Naghanap kami ng malawak na pwesto sa tabi ng Ilog Pasig at doon inilapag ang lahat ng aming kagamitan. Tumabi ako kay Dolce habang nasa tapat ko naman si Padre Burgos. Ngumiti siya sa akin na akin namang sinuklian ng isang pagtango at pagkukubli ng aking mukha gamit ang aking pamaypay.
Maya-maya lamang ay nagsimula na ang picnic at napuno ang usapan ng mga madre at mga pari ukol sa paghahanda ng Maynila sa nalalapit na kapaskuhan. Naibukas ni Padre Burgos ang kanyang ideya na magdaos ng misa na para sa lahat ng mga residente ng bayan habang mungkahi naman nina Padre Zamora at Padre Gomez ang pagsusulong na mabigyan ng insentibo ang lahat ng mamamayan upang magsilbing regalo para sa kanila. Nasiyahan ang mga madre sa ideya ng tatlong pari at ngayon ko lang nakita ang halaga na binibigay ng lahat sa araw ng kapaskuhan.
Pagkatapos ng salo-salo ay dumaan naman kami sa ilog upang magpahangin at upang makapagtampisaw ang iba. Dahil hindi naman ako pinagpala pagdating sa paglangoy ay hindi muna ako naligo sa ilog at bagkus ay umupo na lamang sa damuhan at nilibang ang aking sarili sa pagtanaw ng kapaligiran ng ilog habang gumagawa ng pulseras na gawa sa santan.
Nasa kalagitnaan ako ng paggawa nang may tinig na bigla na lamang kumiliti sa likuran ko. "Ano ang iyong ginagawa at tila hindi ka nakikisabay sa mga kasama mo, binibini?" Tumalikod ako at muntik nang magkadikit ang mukha namin ni Padre Burgos.
Napakaamo ng mukha niya at yung ngiti niya, jusko di ko kinakaya. Lord, bakit pa kasi siya pa. Ang dami namang iba riyan na pwede sa'kin bakit pa sa isa na alam ko na bawal at mas matanda pa sa akin!
Tumagal nang ilang segundo na hindi ko mabilang ang pagtititigan namin hangga't napagpasyahan ko na umiwas na lamang at bumalik sa paggawa ko ng pulseras. "Ito? Isang pulseras na gawa sa santan. Naaalala ko noon madalas kaming gumawa neto kapag bored kami. Ako pa nga yata ang unang nakakagawa ng ganito eh." Sambit ko. Umupo siya sa tabi ko at pinagmasdan ang kumpas ng aking mga kamay.
"Bored? Tila yata ang iba sa iyong mga tinuturan ay wika na iba ang pinagmulan?" Pagtataka ni Padre Burgos. "Ah.... bored.... ang ibig sabihin ay walang magawa. Kadalasan noong kami'y bata pa lamang ay wala kaming halos ginagawa kaya madalas din kaming gumawa ng pulseras na gawa sa santan kagaya nito." Sambit ko at ipinakita sa kanya ang natapos na na pulseras.
"Tunay ngang napakaganda ang pulseras na iyan, binibining Miriam. Hindi ko akalain na pwede palang gumawa ng pulseras gamit ang mga halaman na nasa tabi-tabi lang." Sabi niya na may pagkasabik sa kanyang boses. Aking isinuot ang pulseras sa kanya at nakita ko ang kinang sa kanyang mga mata nang sakto ang pagkakalagay ng pulseras sa kanyang kamay. "Oh bumagay, hindi ba? Sa iyo na 'yan, Padre Burgos. Sana ay iyong nagustuhan." Sabi ko.
"Lubos kong naibigan ang pulseras na ito, binibining Miriam. Maraming salamat." Nasundan ng katahimikan ang pagitan namin nang siya'y nagsalita ulit. "Binibining Miriam, kung iyong mamarapatin ang isang katanungan na tila noon pa sa akin ay nagdudulot ng bagabag...." Pagsisimula niya.
".... hindi ko maalis sa aking isipan ang tanungin ka kung saan ka nga ba nagmula at kung bakit bigla na lamang kita natagpuan sa simbahan?" Sabi ko na nga ba hindi ko matatakasan ang ganitong mga tanong eh.
"Alam ko sa sarili ko na hindi ka isang tagapagsilbi sa simbahan dahil noong nakita ko ang iyong mukha ay hindi ko mapagtanto ang iyong wangis. Sinalo ko lamang ang iyong pangangatuwiran nang ika'y muntikan nang kinompronta ng aking kasama na si Padre Zamora upang hindi ka niya na kailanman mabagabag at baka ay mas mapagod ka pa sa kanyang walang katapusang katanungan." Kanyang pagtutuloy.
"Batid ko po ang inyong pag-aalala tungkol po sa aking pinagmulan ngunit kung akin pong sasabihin ang katotohanan ay baka ako po'y ituring niyong baliw lamang o kaya'y nahihibang sa ulo." Pagsasabi ko at mas lumambot pa ang ekspresyon niya.
"Sa isang babaeng katulad mo na hindi natatakot na magsabi ng katotohanan at palaging nasa katuwiran ay alam ko na hindi ka isang nahihibang bagkus ay alam kong isa kang mapagkakatiwalang tao." Tugon niya. Napalunok na lamang ako at hindi ko na alam kung ano ang susunod kong sasabihin. "Ang hirap mo namang mahalin, hindi tuloy ako makapagpigil sa iyo." Bulong ko sa aking sarili. "Ano ang iyong sinasabi, binibini?" Lumapit nang bahagya si Padre Burgos at ngayo'y kapansin-pansin na ang maliit na distansiya sa pagitan ng aming mga mukha.
Bubuksan ko na sana ang aking bibig upang makapagpalusot ulit nang narinig ko ang sigaw ni Dolce na sa panahong iyon ay kakapatuyo lamang pagkatapos na maligo sa ilog. "Binibining Miriam at Padre Burgos, uuwi na raw tayo!" Dagli akong tumayo at pinagpag ang aking saya at binaling ang tingin sa padre. "Mabuti na't tayo'y umuwi na Padre. Baka kung ano pa ang mangyari sa atin kung tayo'y magpapagabi." Sambit ko at sinimulan nang maglakad habang si Padre Burgos naman ay sumusunod sa aking likuran.
Isang mababaw na bulong ang biglaang nagpatigil sa akin sa paglalakad. Nang ako'y napalingon ay nakita ko ang mga mapaglarong mata ni Padre Burgos. "Kung ito'y magbibigay sa iyo ng kasiguraduhan binibining Miriam.... malinaw kong narinig ang iyong sinambit kanina."
---
YOU ARE READING
𝗽𝗮𝗱𝗿𝗲 || 𝗮 𝗵𝗶𝘀𝘁𝗼𝗿𝗶𝗰𝗮𝗹 𝗳𝗶𝗰𝘁𝗶𝗼𝗻
Historical FictionA college student finds herself struggling to pass her history class because of a certain lesson, the life of the GomBurZa. Despite her efforts to achieve full understanding about the three priests, she still doesn't know why it is relevant to her c...