𝐱𝐱𝐯𝐢𝐢𝐢.

323 11 21
                                    

[ Kabanata 28 — Pamamaalam ]

Isandaan at limampu't-apat na taon ang pumapagitan sa panahon kung saan ngayon pilit na pinaglalaban ni Miriam ang kasukdulan ng tadhana na kanyang ninanais na palitan. Noong una ay wala siyang sinumang kakilala na maaari niyang lapitan at makasama upang mapagdaanan ang lahat ng kanyang masasaksihan. Sa kaunting panahon na nailagay siya sa panahong wala siyang posisyon sa lipunan ay nakahanap siya ng mga taong nagsilbi niyang gabay at sandigan. Mga taong nagpatunay na hindi isa lamangna panaginip kung ituring ang pagnanasa na magkaroon ng kalayaan, kundi ay isang hangarin na hahamakin ang lahat ito lamang ay malasap. Dalawang buwan at labimpitong araw ang tinagal upang maramdaman niya ang lahat ng nagkulang sa kanyang pagkatao ngunit isa na lamang na araw ang lilipas at matatapos na rin ang lahat....

Pighati.
Galit.
Takot.
Kawalan ng pag-asa.

Ano nga ba ang nararapat na maramdaman ko sa mga oras na ito? Ano ang mas patas, ano ang mas sapat? Halos ibigay ko na ang lahat ng lakas ko sa pagbawi ng aking hininga habang umaagos pa rin ang mga mapapait na luha mula sa aking mata.

"José..... bumalik ka na, parang awa...." Tila nagdurugo ang puso ko habang binubulong ang mga salitang iyon.

Lulan ng sakit na nararamdaman ko sa aking damdamin ay ang galit na naiipon sa aking puso. Bakit ba kailangan nilang magsakripisyo ng kanilang buhay? Bakit kinakailangan ng karahasan manaig lamang ang kalayaan? Bakit sila.... bakit siya?

Kinuha ko ang mga bulaklak ng kalendula na ibinigay sa akin ni José bago kami mawalay kanina at sa mga talulot nito ay ako'y nanangis at pilit na inaalala ang lahat ng pagkakataon na hindi ko naranasan ang kanyang pagmamahal sa kaunting panahon na ibinigay sa akin dito sa panahong ito. Sana ay sinabi ko na lamang ang katotohanan sa kanila nang unang magtama ang aming mga landas para napigilan pa na mangyari ang lahat nang ito!

Paulit-ulit kong sinasambit ang ngalan niya habang patuloy na bumibigat ang aking pakiramdam habang sinasabi ko iyon. Mapapahiga na sana ako sa aking kinaroroonan nang may isang kamay ang tumulong sa akin upang ako ay makatayo. Nang maaninag ko ang kanyang mukha ay kaagad kong isinandal ang aking ulo sa kanyang dibdib at doon nagpatuloy na umiyak.

"Alam ko Miriam.... alam ko ang nararamdaman mo." Pagpapatahan sa akin ni Dolce habang yinayapos ang aking ulo. Alam kong umiiyak rin siya ngunit tila hindi niya ito gustong ipahalata. "Halika na ha.... mabuti na't pumaroon na tayo pabalik sa kumbento upang mapakalma mo ang iyong sarili." Sabi niya at inalalayan akong makatayo habang hawak-hawak ang mga ngayo'y basa nang mga kalendula.

Tahimik kaming pumasok ng kumbento para walang magising na madre at tanungin kung saan kami nagtungo. Sinuportahan ako ni Dolce sa paglalakad hanggang makarating kami sa kwarto ko at doon ay namalagi muna siya. Umupo siya sa kama ko at doon na niya binuhos ang mga luha na kanina ay kinikimkim pa niya.

Lumuhod ako sa harapan niya at ako naman ang sumubok na patahanin siya. Hinawakan ko ang kanyang mukha na ngayon ay basa na rin dahil sa mga bumababang luha sa kanyang mata. Ganito na lamang ba talaga kasaklap ang lahat? Na pati ang mga walang sala at mga mahal nila sa buhay ay naaapektuhan dahil sa pagkaganid ng mga nakatataas?

"Dinakip nila si Jacinto, Miriam. Dinakip nila ang mahal ko." Sinabi ni Dolce sa pagitan ng kanyang mga paghikbi. "Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin kanina. Bigla na lamang akong napatigil sa kinaroroonan ko nang makita ang mga guardia civil na papunta sa amin. Nakita ko kung gaano napagsakluban si Jacinto ng takot nang siya'y dakpin ng mga guardia civil. Hindi ko siya nailigtas, Miriam. Hindi ko nailigtas ang mahal ko..." Napuno na ng hikbi si Dolce kaya hindi ko na maintindihan ang mga sunod niyang sinabi.

𝗽𝗮𝗱𝗿𝗲 || 𝗮 𝗵𝗶𝘀𝘁𝗼𝗿𝗶𝗰𝗮𝗹 𝗳𝗶𝗰𝘁𝗶𝗼𝗻Where stories live. Discover now