𝐱𝐱𝐢𝐢𝐢.

316 12 4
                                    

[ Kabanata 23 - Sa Pagitan ng Mga Rehas ]

[ Sa perspektibo ni Padre Burgos ]

Bayan bago ang sarili? O dangal bago ang bayan? Ano nga ba ang mas matimbang at nararapat? Ano nga ba ang mas mainam at ano ang kailangang iwasan? Iyan ang sumisirko ngayong tanong sa isipan ni Padre Burgos habang ang mga kadena sa kanyang kamay ang nagpapanatili sa kanya upang hindi makagalaw. Sa isang makipot na pasilyo ay ramdam ni Padre Burgos ang mabilis at malakas na pagkabog ng kanyang puso. Bukod sa mga tunog ng pagmamakaawa ni Padre Zamora ay narinig rin niya ang kalansing ng mga rehas na kanilang magiging hantungan ngayong araw. Napalunok at napabuntong-hininga na lamang siya habang iniisip pa rin kung tunay nga ba ang sinabi ni Miriam na itinakda nilang tadhana.

Madilim at puno ng alikabok ang bilangguan kung saan kami ngayon ay pinunta ng mga guardia civil. Mainit at nakasusulasok ang paligid at tanging ang ilaw lamang ng lampara sa labas ang nagsisilbing gabay namin sa loob. Matapos ang tila walang-kamatayang pagmamakaawa ni Padre Zamora ay nasundan naman ito ng kanyang pananahimik habang si Padre Gomez naman ay napaupo na lamang sa isang sulok.

Makalipas ang ilang minuto ay bumukas ang pintuan at tumambad ang apat na mga guardia civil. Inutusan ng nakatataas sa kanila na hubarin ang aming kasuotang pangsimbahan tanda na tinatanggalan na kami ng posisyon bilang mga kabanalan. "¡apresúrate! tú... (dalian niyo! ikaw...)" Pagmamataas ng pinuno nila at saka tinuro si Padre Gomez. Napatingala naman si Padre Gomez at bakas sa kanya ang labis na pagkatakot. "¡Ven aquí ahora mismo y quítate la ropa! (pumunta ka rito ngayon din at hubarin ang iyong suot!)" Utos niya at sinunggaban naman ng isa sa mga guardia civil ang ngayong nahihirapang tumayo na si Padre Gomez.

"¡Por favor! Soy el único que lo ayudará. no le hagas daño (pakiusap! ako na lamang ho ang tutulong sa kanya. huwag niyo po siyang sasaktan)" Ani ko at nilapitan si Padre Gomez at sinimulang tinanggal ang mga butones sa kanya. "¡Velocidad! ¡Porque es lento para actuar! (bilis! kay bagal naman kumilos!)" Sigaw ng guardia civil at marahas na winagwag ang kasuotan ni Padre Gomez na dahilan upang mapunit ang ilang parte nito.

"Sí! Sí!" Aking pagmamakaawa at tuluyan na ngang nahubaran ng kasuotang pangsimbahan si Padre Gomez. Sinimulan ko na ring ihubad ang aking kasuotan dahilan upang ang camisa de chino ko na lamang ang matira at ang itim kong pangibaba. Nakita ko rin si Padre Zamora na pilit pa ring nanglalaban sa mga guardia civil habang nagsisimula na ring tumangis. "Jacinto, pakiusap. Huwag ka nang manglaban sa kanila." Aking pakikiusap sa kanya at nakikita ko na kahit iyon ay labag pa rin sa kanyang kalooban.

Nang makuha na ng mga guardia civil ang kasuotan namin ay muli nilang isinara ang aming bilangguan at nabalot na naman kami ng kadiliman.

•••

[ Sa perspektibo ni Miriam ]

Hangos man at napupuno ng pawis ang aking mukha ay patakbo akong bumalik sa kumbento dala ang masamang balita tungkol sa mga pari. Nadatnan ako ni Dolce na kasalukuyang naglilinis ng altar sa bulwagan at kaagad niya akong nilapitan. "Miriam, anong nangyari at bakit ka humahangos?" Kanyang tanong habang hawak ang aking mga balikat.

"Wala na akong oras upang magpaliwanag pa, Dolce. Dinakip ang mga padre at sila ang dinidiin na nanguna sa pag-aaklas na nangyari sa Cavite kahit wala naman talaga silang kinalaman doon." Hindi na gaanong maintindihan ang aking boses dahil nagmamadali ako at dala na rin ng sobrang pagod mula sa pagtakbo ko. "Huh? Paano nangyari iyon? Kung hindi naman sila pala ang hinahanap ng mga fraile ay bakit sila ang ipinakulong?" Pagtatanong muli ni Dolce. "Iyon ang kailangan kong maayos kaya kung maaari ay hayaan mo muna ako Dolce." Aking tugon at papunta na sana ako sa kwarto ko upang makapagpalit nang marinig ko si Dolce. "Sandali, Miriam!"

𝗽𝗮𝗱𝗿𝗲 || 𝗮 𝗵𝗶𝘀𝘁𝗼𝗿𝗶𝗰𝗮𝗹 𝗳𝗶𝗰𝘁𝗶𝗼𝗻Where stories live. Discover now