[ Kabanata 20 - Pagkukubli ng Katotohanan ]
[ Sa perspektibo ni Padre Burgos ]
Hindi na mabilang pa ni Padre Burgos ang mga beses na siya'y naghangad na gumamit ng higit pa sa kanyang talino at salita makamtan lamang ng kanyang bayan ang kasarinlan. Gayunpaman ay mas pinili niyang huwag higitan ng kanyang isip ang kanyang buhay upang hindi siya mapahamak o kaya naman ay makapahamak ng ibang tao. Dahas na kung dahas ngunit sa kanyang pananaw ay hindi ito nararapat upang tuluyan nang matapos ang mga taon na kung saan ikinulong at inalipusta ng mga Espanyol ang mga Pilipino sa sarili nilang bayan. Iba-iba ang pag-iisip ng lahat ng tao. Hindi masisisi ni Padre Burgos ang mga iba kung sila'y pumili ng mas nakasasakit na paraan upang patunayan lamang na hindi sila paaapi sa mga mananakop. Kung mayroon man siyang natutuhan sa lahat ng taon na kanyang ginugol patungo sa paglaya ng kanyang bayan ay iyon ang hindi makaramdam ng takot sa anumang kalalabasan ng mga desisyong dumaan sa mulat na kamalayan.
"Pag-aaklas? Ngunit paano iyon nangyari? Sino ang namuno roon?" Sunod-sunod kong mga tanong kay Padre Zamora na hingal na hingal pa rin. Ang kanyang mukha ay tila nawalan na ng kulay at nanlalata ang kanyang mga galaw. "Mga Pilipino sundalo ang nag-aklas laban sa mga Espanyol. Hindi ko pa alam kung sino ang namuno sa kanila. Hindi sapat ang naging lakas ng mga Pilipino laban sa kanila kaya sila'y sumuko rin." Pagsasalaysay niya.
"Anong nangyari sa mga sumuko?" Tanong ko. Sapat na ang madilim na ekspresyon ng kanyang mga mata upang maintindihan ko ang sumunod na nangyari. "Ang mga sumuko ay pilit na pinanumpa sa ngalan ng Espanya. Ang mga hindi nanumpa ay.... pinatay." Kanyang tugon. Gustuhin ko mang lumuha ngunit hindi ko magawa dahil pawang galit at panghihinayang lamang ang nararamdaman ko sa aking kalooban.
"Panigurado ngayon ay naghahanap na ng mga sisishin ang mga fraile patungkol sa pag-aaklas. Hindi kaya't tayo ang magiging puntirya nila?" Ani Padre Zamora at hindi ko naiwasang paniwalaan ang kanyang sinambit. "Kayong mga paring seglar? Paano naman mangyayari iyon?" Tanong ni Miriam. Sa sobrang pagkabigla ko sa lahat ng mga isiniwalat ni Padre Zamora ay hindi ko namalayang hindi pa pala nakakaalis ang binibini.
"Mainit na ang mga mata ng mga paring Espanyol sa amin noon pa man, binibini. Kami ang kanilang pilit na idinidiin sa ganitong mga sitwasyon." Lahad ni Padre Zamora. "Sa tingin mo kaya ay may posibilidad na tayo ang pagbintangan nila?" Aking tanong. "Hindi iyon malabo gayong tanyag ang pangalan mo, José lalo na sa mga Pilipinong hangad ang kalayaan." Sambit ni Padre Gomez na may pag-aalala na mauulinigan sa kanyang boses.
"Maaari naman kayong tumakas, 'di ba? Sigurado akong hindi kayo matutunton kaagad ng mga sundalo kung magkagayon." Suhestiyon ni Miriam. "Iyon rin ay malabo, binibini sapagkat kami ay may tungkulin dito sa bayan. Kung kami'y naging duwag at pinakita na kami ay mahina ay paniguradong kami na ang una sa mga hahanapin nila upang idiin sa korte." Ani Padre Zamora.
Napahawak na lamang ako nang mahigpit sa upuan at unti-unting bumilis ang aking paghinga. "Ayokong madiin tayo. Wala naman tayong kinalaman dito hindi ba? Wala tayong parte sa plano nilang biglang pag-atake sa mga sundalong Espanyol. Wala tayong sala, Padre Gomez, Padre Zamora." Masakit sa damdamin kong sambit. "Ngunit kaya ba nating ipaglaban ang ating sarili kapag tayo'y nadakip na, José?" Tanong ni Padre Zamora.
"Ang kapangyarihan ng katotohanan ay hindi kailanman mauupos ng anumang kasinungalingan." Sambit ko bago ko tuluyang lisanin ang kwarto habang pinapasan ang mabigat na pakiramdam sa aking dibdib.
YOU ARE READING
𝗽𝗮𝗱𝗿𝗲 || 𝗮 𝗵𝗶𝘀𝘁𝗼𝗿𝗶𝗰𝗮𝗹 𝗳𝗶𝗰𝘁𝗶𝗼𝗻
Historical FictionA college student finds herself struggling to pass her history class because of a certain lesson, the life of the GomBurZa. Despite her efforts to achieve full understanding about the three priests, she still doesn't know why it is relevant to her c...