A/N: na-miss ko ulit 'tong padre kaya gusto ko ulit magsulat ng (short) special chapter huhuhu
─── ⋆⋅☆⋅⋆ ───
“ KALENDULA ”
— Makalipas ang walong taon —
"Mama, look! Kamukha po ni Papa oh!"
Naramdaman kong hinatak ako ng aking anak sa 'king kamay papunta sa isang painting na naka-display sa museum na binibisita namin. Sumama naman ang dalawa ko pang anak na namangha rin sa pagkakatulad ng wangis ng isang partikular na mukha sa painting sa kanilang ama.
Natawa na lamang ako at yinapos ang ulo ng mga anak ko. Naramdaman ko naman na lumapat ang kamay ni Joseph sa aking balikat at 'di ko napigilang mapangiti habang patuloy na tinitingnan ng mga anak ko ang mukhang kanilang binibigyan ng atensiyon.
"Kamukha ko ba talaga siya, mga anak?," patawang tanong ni Joseph kay Dolce, ang bunso at babae kong anak. "Opo, Papa! Magkamukhang-magkamukha po kayo," sambit ni Dolce at tumango na rin ang dalawa ko pang lalaki na anak na sina Cinto at Iano.
"Kayo talaga, baka naman coincidence lang na magkamukha sila. 'Di ba nga sabi nila, ang magkaroon ng kawangis ng ating mukha ay may posibilidad na 0.11%? Kaya 'di rin siguro maitatanggi na may naging kamukha rin ang Papa niyo," paliwanag ko sa mga anak ko. Nakita ko naman sa kanilang mga mata ang panggigilalas at pagkamangha sa 'king sinabi.
"Wow, so ibig po sabihin Mama, may kamukha rin po ako dito sa mundo?," tanong ni Iano, ang panganay kong anak. Ngumiti ako.
"Oo naman, Iano. Tsaka kung saan man siya naro'n, alam kong kasinggwapo mo rin siya," sabi ko at napahagikgik ang dalawa. Kita naman ang pamumula ng mga pisngi ni Iano. Nakita ko rin ang pagngiti ni Joseph habang yakap-yakap pa rin ang aking likuran. Inanyayahan naman ni Cinto ang kanyang kapatid na tingnan pa ang ibang mga paintings sa museum kaya sila na ang nauna sa amin.
Habang sinusundan ang tatlo, narinig ko ang isang malamyos na bulong ni Joseph sa aking tainga, "I love you."
Napangiti ako at napatingin sa kanyang mala-kristal na mga mata. "Palagi mo na lang akong sinasabihan nang gan'yan ha? Baka naman 'di ka sincere d'yan...," paloko kong sambit.
"At bakit mo naman nasabi 'yan, mahal?," may paglalambing na tanong ni Joseph.
Tumawa ako nang marahan. "Mahal ka d'yan," napahagikgik ako. "Malapit na tayong tumanda, Joseph. 'Di mo na 'ko maloloko sa mga pagan'yan-gan'yan mo." Tumingin ako sa kanya at nakita ko ang pagkinang ng kanyang mga mata.
"Love is not constant, it moves like a leaf in the air," pagdaragdag ko.
"Kaya nga tayo nagkitang muli, 'di ba?," sambit ni Joseph.
"Ano'ng ibig mong sabihin?," tanong ko.
"Ang pagmamahal, hindi basta-basta tumitigil, ito'y gumagalaw, ni oras at panahon ay 'di nakakatakas sa angking kapangyarihan ng espesyal na koneksyon ng dalawang tao para sa isa't-isa."
Hinawakan ni Joseph ang aking kamay nang mahigpit na nagdala ng kakaibang elektrisidad sa 'king kamalayan.
"Isandaan at animnapung taon, Miriam. 'Yon ang handa kong hintayin na panahon upang magkatapo uli ang mga landas natin, upang maipagpatuloy ang lubos kong pagmamahal sa iyo, gaano man ito kasalimuot, nagawa kong hintayin ka, Miriam. Ikaw at ikaw lamang."
Muling nagkatagpo ang aming mga mata at sumilay sa kanyang malambot na labi ang isang ngiti na nagdadala ng isang matalinghagang sinag sa akin at mas lalong uminit ang kanyang presensiya na nakakapagpabatag sa akin.
Kanyang yinapos ang aking pisngi at naramdaman ko ang kapangyarihan ng kanyang pagkakahawak sa akin. Isang luha ang pumatak mula sa 'king mata at napasinghap ako habang dinaramdam ang lahat ng mayroon kay Joseph.
Ang init ng kanyang palad, ang angking lamyos at pagmamahal na namumutawi sa kanyang hawak, at ang sumunod na mga salitang lumabas sa kanyang mga labi. Tila lahat nang iyon ay sapat na sa maraming taon at pagsubok ng napagdaanan namin.
Simula noong 1872, magpasahanggang-ngayon, ang aming mga puso ay pinagkrus ng nagkikinang na puwersa, ang kalendulang umipit sa aming dalawa upang hindi paghiwalayin ng tusong takbo ng oras at ng mapaglarong tadhana.
"Miriam, ang aking kalendula."
"Ang aking kalendula, José."
─── ⋆⋅☆⋅⋆ ───
YOU ARE READING
𝗽𝗮𝗱𝗿𝗲 || 𝗮 𝗵𝗶𝘀𝘁𝗼𝗿𝗶𝗰𝗮𝗹 𝗳𝗶𝗰𝘁𝗶𝗼𝗻
Historical FictionA college student finds herself struggling to pass her history class because of a certain lesson, the life of the GomBurZa. Despite her efforts to achieve full understanding about the three priests, she still doesn't know why it is relevant to her c...