𝐱𝐱𝐢.

392 13 3
                                    

[ Kabanata 21 — Tunggalian ng Magkaibigan ]

Iba talaga ang epekto ng pagmamahal sa isang tao. Wala nang ibang iniisip ang isang taong nagmamahal kundi ang mabigyan ng proteksiyon at kalinga ang kanyang minamahal. Ganoon na rin ba ang nadarama ni Miriam? Labis na ba ang kanyang pag-aalala at pagbibigay ng lahat ng kanyang makakaya upang matawag iyon na pagmamahal kay Padre Burgos? Kung iyon man ay pagmamahal, bakit hindi niya ito maramdaman nang lubusan? Ito ba'y dahil may pumipigil sa kanya, sa kanila? O dahil ba sadyang labag sa tadhana ang dalawang taong magkaiba ang nakagisnang panahon na umibig sa isa't-isa?

Ginagawa ko naman ang lahat upang maibsan man lamang ang sakit na nararamdaman ni Padre Burgos dahil sa nalaman niyang balita tungkol sa pag-aaklas ngunit bakit habang pinipilit kong gawin iyon ay mas lalo lamang akong nasasaktan? Bakit tila nabubuo sa akin ang pakiramdam ng pagkawala gayong wala pa naman talagang nangyayari sa tatlong pari? Bakit ako nakakaramdam ng ganito sa taong nasulat na ang tadhana sa kasaysayan?

Lumipas ang limang araw bago ako muling nakahanap ng pagkakataon upang makasama ang ngayong lungkot na lungkot na padre. Dahil na rin sa kagustuhan ko na mapalubag man lang ang damdamin niya ay aking naisipan na kami'y maglakad-lakad muna sa Intramuros nang makaramdam naman siya ng kaluwagan ng kanyang loob. Nang makarating kami sa Plaza Moriones ay humanap kami kaagad ng mauupuan.

Nabalot muna kami ng katahimikan bago ako nakapagsalita. "Masaya ako dahil pinaunlakan mo ako ngayon, José. Nais ko lamang na makalanghap ka naman ng sariwang hangin o kaya naman ay malibang ka para naman hindi ka lamang nakakulong sa simbahan o kaya naman ay nalulungkot na lamang sa tuwina. Ayoko naman na makita kang ganoon." Sabi ko. Napatingin siya sa akin at bukod-tanging ngiti na lamang ang kanyang isinukling tugon.

"Maraming salamat, Miriam. Mabuti na nga't kahit ngayon ay ako'y nakaalis sa aking oficina at kasama ka. Ayaw ko na rin na ako'y naguguluhimanan sa lahat ng mga pangyayari. Sa katunayan nga ay napuno na naman ako ng bagabag kanina lamang nang ibinalita sa akin ni Padre Zamora na kasalukuyang tumitindi ang pagtutugis ng mga prayle sa namuno sa nasabing pag-aaklas sa Cavite at sa palagay ko ay kaming mga paring seglar ang mainit sa kanilang mga mata." Kanyang paglalahad. "José, kailanman ay dapat hindi ka matalo ng takot dahil alam ko at alam niyo rin na wala kayong kinalaman roon. Pasasaan pa ang pagkakakilanlan niyo bilang mga banal na pari kung dudungisan lamang nila ang inyong posisyon sa lipunan?" Aking pagbibigay ng lakas ng loob sa kanya.

"Nakatitiyak ka ba na kaya naming malampasan ang lahat ng ito?" Kanyang tanong. Hanggang tingin ko na lang ang kanyang inabot dahil na rin sa pag-aalinlangan kong magsalita pa na baka ikapapahamak pa ng pagsasabi ko ng aking nalalaman sa kanya. Hinawakan ko na lang nang mahigpit ang kanyang kamay at hinimas nang marahan ang kanyang pisngi. "Basta ay tatagan mo lamang ang iyong loob at huwag kang padadaig sa kanila. Naniniwala ako sa iyo, José. Makakayanan mo rin ang lahat." Aking sambit.

•••

Alas-kuwatro na ng hapon nang makabalik ako sa kumbento kasama si Padre Burgos na sinamahan ako upang hindi ako umuwing nag-iisa. Sinalubong naman kami ni mongha Veronica at masaya kaming binati. "Mabuti at nakauwi ka na, Miriam. Oh siya, dumito ho muna kayo Padre Burgos at kami ngayon ay naghahanda para sa isang mumunting hapunan. Dumako naman po rito si Padre Zamora kani-kanina lamang at namalagi na rin dito." Sabi ng madre.

Nababakas sa mukha ni Padre Burgos na parang nag-aalinlangan siya sa paanyaya ng madre ngunit isang sulyap niya lamang sa akin ay sumang-ayon na rin siya. Naabutan namin si Padre Zamora sa bulwagan na abalang nakikipag-usap kay Dolce. Sabay kaming napatingin ni Dolce sa isa't-isa at bahagya kong nilakihan ang aking mata at pawang nangusap sa kanya na maging disente lamang sa harapan ni Padre Zamora gamit ang aking titig.

𝗽𝗮𝗱𝗿𝗲 || 𝗮 𝗵𝗶𝘀𝘁𝗼𝗿𝗶𝗰𝗮𝗹 𝗳𝗶𝗰𝘁𝗶𝗼𝗻Where stories live. Discover now