[ Kabanata 13 — I Love You So Much ]
Sabi nila, kapag ika'y nakatitig sa mga mata ng taong nagpapatibok ng iyong puso ay makakaramdam ka raw ng pagkahilo at ang pakiramdam na hindi ka makahinga at may hindi maipaliwanag na bagay sa iyong dibdib, na tila napapatigil ang takbo ng oras at hindi mo alam kung nananaginip ka ba o ika'y nasa ibang dimensiyon na ng realidad. Hindi na bago kay Miriam ang umibig at magkaroon ng pagtingin sa isang tao. Sa katunayan nga ay naranasan niya na ring maghabol upang mapansin lamang nila. Nang siya'y napunta sa panahong hindi lamang pag-ibig ang prayoridad ng mga tao, hindi niya na hinangad ang makaramdam ng pagtingin o magkaroon ng taong magkakagusto sa kanya. Ngunit ngayon na ay iyon ay hindi nagkatotoo, bakit hindi siya makaramdam ng pagkahilo, ng biglaang pagtigil ng takbo ng kanyang oras, o ang hindi maipaliwanag na bagay sa kanyang dibdib? Bakit siya nakakaramdam ng sakit?....
"Itinatangi ka at isinasamo ng aking puso't isipan...." Paulit-ulit at parang mas lumalakas pa ang mga katagang iyon sa aking ulo habang ang mga matang ngayo'y nababahiran na ng luha ay patuloy pa ring nakatitig sa akin samantalang ang kanyang mga kamay ay nakadapo pa rin sa aking mga pisngi.
Ugh. Ano ba 'tong pinasok mo na sitwasyon, Miriam Asúncion De Leon?!
Sa gitna ng panginginig ng mga palad ni Padre Burgos ay ang malinaw na tinig na nasasabayan ng kanyang mga hikbi. "May nasabi ba akong mali, Miriam?" Tanong niya. Ipinikit ko ang aking mga mata at pilit na kumawala sa kanyang yapos. "Pakiusap, huwag ka munang bumitaw at ako'y tignan mo sa mata, Miriam." Sabi niya at tumindi pa ang mga luha na ngayo'y nakikipag-unahan nang pumatak. Iminulat kong muli ang aking mga mata at pinigilan na umiyak rin. "Padre-"
"José." Putol niya sa aking sinasabi. "José na lamang ang iyong itawag sa'kin, Miriam. Pagod na ako sa pagtawag mo sa'kin na Padre na para bang ako pa ri'y banyaga ng pagkakakilanlan sa iyo." Malamig ang tono ng kanyang pagkakasabi. Lumunok ako at huminga nang malalim bago muling magkrus ang aming mga mata.
"José...." Aking sinabi ngunit parang hindi na muli ako makipagsalita pa sa takot na baka hindi ko na alam kung ano na pala ang aking nasasabi at baka'y makasakit pa ito ng kanyang damdamin. Mas mabuti na lang siguro na 'wag muna akong magpaapekto sa kanyang pagtatapat.
".... malalim na ang gabi at baka ay hinahanap na rin ako ni mongha Veronica." Sabi ko at akma na sanang aalis sa kanyang mga kamay nang hawakan niya nang marahan ang aking braso. "Bakit tila ay iniiwasan mo ako, Miriam? Ako ba'y nakapagbitaw ng salitang hindi kanais-nais sa iyo?" Nauulinigan ko na ang desperasyon sa kanyang tinig. Tumingin ako muli sa kanyang mga mata na ngayo'y napupuno na ng mga luha.
"Huwag kang umiyak, José, pakiusap. Alam ko na hindi naging madali itong pagtatapat mo sa akin pero......" Napatigil ako at inisip kung paano ko masasalin sa mga salita ang hindi nais na sabihin ng aking damdamin. "..... natatakot ako para sa ating dalawa." Pagtatapos ko. Nakita ko sa kanyang mga mukha ang pagtataka na nagpatindi pa lalo ng aking konsensya na baka mas masaktan ko siya sa mga posible ko pang masabi. Pinakawalan niya na ang aking braso at tumingin sa akin nang diretso.
"Natatakot? Para saan?" Kanyang tinanong. Kung kaya lang ng aking damdamin na sabihin na hindi kami maaari para sa isa't-isa, na ang kanyang pagtingin sa akin ay mayroong hangganan, na ang kasaysayan tungo sa kalayaan ng Pilipinas ay bubukas sa kanyang harapan, na ang lahat ng aming pinagsamahan ay mauuwi lamang bilang isang limot na parte ng kanyang buhay at kailanman ay walang patutunguhan kundi ang maging bula na mananatili lang bilang memorya namin.
"Napakaraming mga bagay ang gusto kong sabihin sa'yo, José, ngunit mas mainam na siguro na hindi ko muna iyon ipagsasabi dahil alam kong sakit lamang ang maidudulot nito sa'yo." Sabi ko at mas umiral pa sa kanyang mukha ang pagtataka. Lumapit siya sa akin nang mabagal at hinawakan ang aking kamay. "Wala pang mas sasakit sa akin kung ang aking pag-ibig sa iyo ay mapupunta rin sa wala, Miriam. Isinisigaw ka ng aking puso, at walang makakapantay na sakit para sa akin kung hindi ay makita kang nasasaktan rin. Kaya pakiusap, sana ay iyong tanggapin ang aking pag-ibig." Sabi niya.
"José, hindi tayo maaari. Ako na ang nagpapatunay. Hindi mo ba naririnig o nakikilala ang iyong sarili? Isa kang sugo ng Diyos na may katungkulan at responsibilidad sa bayan. Ang buhay mo ay nakaalay na sa Poong Maykapal at.... hindi nararapat para sa isang pari na kagaya mo na may mahalin pang iba bukod sa Kanya." Aking sambit na nagdala ng kirot sa aking puso.
"Iba ang pakiramdam na mahalin at paglingkuran ang Diyos, at iba rin ang pakiramdam na magkaroon ng pagtatangi sa isang babaeng katulad mo, Miriam. Isa ka sa mga pinakamahahalagang tao na dumating sa aking buhay. Ikaw lamang ang nagpatibok sa puso kong nakakandado at naghihintay na makawala. Ikaw lamang ang tanging babae na aking mamahalin, aking pangangalagaan, at pahahalagahan nang sobra-sobra." Sambit niya. Hindi ko na napigilan kung hindi ang umiyak dahil sa konsensya na hindi maikubli ng damdamin ko.
"Ngunit José, ayaw kong makasira sa iyo. Isa ka sa mga respetadong tao sa buong bayan na ito. Marangal ka, may pinag-aralan, may inaasam sa buhay, may pangarap para sa kinabukasan ng bayan, at ayaw kong matapon lang iyon nang dahil lang sa akin. Ayaw kong mawala ang iyong magandang imahe, reputasyon at estado para lamang ibigin ako. Paano na kung may makakita sa ating dalawa, o mas malala pa ay kung may makakita na ngayon sa atin dito sa ilog? Paano na ang kinabukasan mo bilang paring may dignidad na pinanghahawakan para sa bayang itinatangi mo? Hindi mo kailangang gawin lahat ng ito, José. Hindi...." Saad ko habang banayad na tumulo ang isang luha mula sa aking mata. Gamit ang kanyang kamay ay pinunasan niya ang aking pisngi bago muli akong tinignan.
"Miriam, nagkakaroon ng tapang at paninindigan ang isang tao kapag siya'y natutong umibig. Ako? Handa kong isakripisyo lahat ng mga napagdaanan ko sa buhay, ang aking karangalan, aking posisyon dito sa bayan, upang makasama ka lamang at mapatunayan na iniibig kita nang lubusan." Tugon niya.
"Padre José Burgos, hindi maaari ito. Isa kang pari, isa akong binibini, binibining walang pangarap sa buhay, walang gustong makamit na kahit ano. Ikaw, marami ka nang karanasan at mga napatunayan sa'yong buhay at ayokong maapektuhan iyon nang dahil lamang sa akin." Paninindigan ko at yumukod sa kanyang harapan bago tuluyang tumalikod at akma na akong aalis nang bigla akong mapatigil sa aking ginagawa.
"I love you so much."
Napasinghap ako at muling ibinaling ang aking mata sa kanya. Nakita ko ang kanyang mga matang may luha at isang mapait na ngiti sa kanyang labi. "Wikang Ingles kung iyong naintindihan, Miriam. Isang wikang alam ko na hindi ko naunawaan noong una ko itong narinig sa iyo, ngunit pinilit kong aralin upang maipakita ko kung gaano ako kaseryoso at determinado na mahalin ka."
"José....." Bulong ko at humikbi nang malakas. Nilapitan niya ako at idinapo ulit ang kanyang kamay sa aking mukha. "Miriam... kung alam mo lamang kung gaano ako nagpapasalamat sa aking lampara na nagdala sa akin patungo sa iyo. Kung gaano ako nagpapasalamat na nakita kita noong gabing kasinglamlam kagaya ng gabing ito. Kung gaano ako nagpapasalamat na nagkrus ang ating tadhana... dahil sa iyo ko lamang nakita at nadama ang pakiramdam na umibig at magkaroon ng inspirasyon at lakas sa aking buhay. Hindi ko kinakaya na hindi ka makita kahit man lamang isang araw, hindi ko mapigilan ang aking sarili na palagi kang tignan dahil sa iyong angking kagandahan, hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin kapag nawala ka sa aking buhay dahil ikaw lamang ang tanging narito sa aking puso at wala nang iba." Kanyang sinabi at tila nabasag na ang noo'y katahimikan dahil dalawa na kami ngayon na humihikbi at lumuluha.
"Ipagkait na sa akin ang lahat, 'wag lang ang babaeng nasa harapan ko dahil kung mangyari man iyon.... mas mabuti na lamang na lumisan ako sa mundong ito dahil patuloy kong hahanapin ang kanyang presensiya sa anumang lupalop na ako'y dalhin ng tadhana." Sambit niya at tuluyang nang naging mahina na siyang nagdala sa aming dalawa sa isang mahigpit na yakap.
"José.... itinatangi ka rin ng aking puso." Naiiyak kong pagsabi ng katotohanan. Naramdaman ko ang kanyang haplos sa aking buhok at bumilis rin ang kanyang paghinga. "Patawad at ngayon lang din ako nagkaroon ng lakas ng loob na sabihin ito sa'yo." Mabigat sa damdamin ang magsabi ng katotohanan lalo na sa mga sitwasyong hindi mo lubusang inaasahan ngunit sa dinami-rami pa naman ng mga sitwasyon ay sa ilalim pa ng isang malamig na gabi sa ilog na kasingbusilak ng puso ng taong paulit-ulit na sinasambit ang katagang puno ng ekspresyon at damdamin.
"Miriam, I love you so much."
---
YOU ARE READING
𝗽𝗮𝗱𝗿𝗲 || 𝗮 𝗵𝗶𝘀𝘁𝗼𝗿𝗶𝗰𝗮𝗹 𝗳𝗶𝗰𝘁𝗶𝗼𝗻
Ficção HistóricaA college student finds herself struggling to pass her history class because of a certain lesson, the life of the GomBurZa. Despite her efforts to achieve full understanding about the three priests, she still doesn't know why it is relevant to her c...