[ Kabanata 25 - Hatol ng Hukuman ]
- A/N: the dialogues that will be written between Padre Burgos and Gomez's conversation are both from the movie and my own writing. a partial flow of the conversation will also be altered but the context will nonetheless be still there.
[ Sa perspektibo ni Padre Burgos ]
Ano ba ang kayang gawin at isakripisyo ng isang tao maabot lamang ang isang pangarap na hindi basta-basta nakukuha? Kaakibat ba nito ang mga pagpapakahirap, mga hinagpis, at buhay bilang kapalit? Kailangan ba talagang magdusa ng isang tao upang makaramdam lamang ng pag-asa na ang kanyang inaasam ay makamtan? Noong nagsisimula pa lamang si Padre Burgos sa kanyang adhikain na magkaroon ng kalayaan ang mga kapwa niya Pilipino ay hindi sumagi sa kanya ang antas ng mga kailangan niyang pagdaanan upang ito ay maging posible. Wala sa kanyang kamalayan ang magparaya o isuko pati ang kanyang buhay, wala ni minsang naikintal sa kanyang isipan na hindi magiging sapat ang lahat ng kanyang ginawa upang kanyang masilayan ang kinabukasang maghahatid ng kalayaan sa mga Pilipino. Ngunit sino pa nga ba ang nararapat na makaranas nang ganito kundi ang mga naghahangad rin lamang ng maliwanag na bagong umaga na kailanman ay hindi nila masasaksihan pa?
Sariwa pa sa aking alaala ang mga binitawang salita ni Padre Pelaez sa akin matapos naming matagumpay na ipamahagi sa arsobispo at ibang kinatawan ng kaparian ng Maynila ang isang manifesto na naglalaman ng isang kahilingan na mabigyan ang lahat ng pari, prayle man o tubong-Pilipino, ng karapatan na makapamahala sa mga parokya.
Kasalukuyan pa ako noong nag-aaral upang maordenahan bilang isang opisyal na pari at tanging si Padre Pelaez pa lamang ang aking kasama at pinagkakatiwalaan. Siya ang sumuporta at nag-udyok sa akin na makapagtapos upang patunayan sa harap ng mga Espanyol na posible ring maging kapantay nila ang mga hinahamak nilang mga indio.
"Ang pinaglalaban natin dito ay ang pagkakapantay-pantay, ekwalidad, para sa lahat ng tubong Pilipinas. Iyan ang iyong pakatandaan, Pepe." Mahigpit niyang sabi sa akin. Tumatak iyon sa aking isipan at iyon ay aking dinala hanggang ako na nga ay maging pari. Mahirap man na tanggapin na wala na siya ngunit aking tinatagan ang aking loob at hiniling na sana ay ang lahat ng kanyang mga adhikain ay magkatotoo sa pamamagitan ng aking pagsulong ng mga ito.
Sa kasamaang palad, mukhang ang pangako kong iyon sa kanya ay hindi ko ganap na maisasakatuparan.
Tanaw ko ang bayang aking pinagsilbihan ng maraming taon mula sa maliit na bintana ng bilangguan. Ang bayang naging saksi sa aking mga ipinaglalaban. Ang bayan kung saan ko rin makakatagpo ang aking tadhana. Ang bayang minahal ko na akin ring lilisan sa panahong nakatakda na.
Pinipilit kong hindi umiyak upang mas hindi panghinaan ng loob kaya mga hikbi na lang ang namutawi mula sa akin. Nararamdaman ko rin na bumibigat ang aking pakiramdam at sa tuwing maaalala ko ang mga pagkakataon sa aking buhay na nakaramdam ako ng kasiyahan at kasiguraduhan sa buhay ay may lumilitaw na isang tao sa aking isipan.... si Miriam.
Mga unang minuto nang pumatak ang unang araw ng Nobyembre nang akin siyang unang makatagpo sa simbahan. Hindi ko alam kung bakit may nagtulak sa akin na maglibot sa simbahan nang mga oras na iyon ngunit isa na marahil iyon sa mga desisyon sa aking buhay na hindi ko pinagsisisihan dahil doon ko rin nakilala ang isa sa mga pambihirang tao sa buong buhay ko. Ang kanyang mga pananaw at perspektibo sa buhay ay malayo sa aking inaasahan sa mga kababaihang aking nakasalamuha. Pinipili niya kung ano ang tama, ipinaglalaban ang wasto at nararapat, at hindi niya alintana ang anumang mapuna sa kanya ng ibang mga tao. Minsan ay hindi ko lubos na naintindihan kung ano ang tumatakbo sa kanyang isip ngunit iyon din ang dahilan kung bakit nahulog ang damdamin ko sa kanya.
YOU ARE READING
𝗽𝗮𝗱𝗿𝗲 || 𝗮 𝗵𝗶𝘀𝘁𝗼𝗿𝗶𝗰𝗮𝗹 𝗳𝗶𝗰𝘁𝗶𝗼𝗻
Ficción históricaA college student finds herself struggling to pass her history class because of a certain lesson, the life of the GomBurZa. Despite her efforts to achieve full understanding about the three priests, she still doesn't know why it is relevant to her c...