𝐱𝐱𝐢𝐢.

355 12 4
                                    

[ Kabanata 22 - Tatlong Paring Martir ]

[ Sa perspektibo ni Padre Burgos ]

Hindi sasapat ang sampung mga daliri ni Padre Burgos upang mabilang ang beses na siya'y napaisip tungkol sa kanyang buhay. Ano nga ba ang kanyang layunin? Ano nga ba ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay siya'y nakikipagsapalaran at patuloy na lumalaban para sa simpleng kalayaan na kanyang hinahangad? Ito ba'y para talaga sa kanyang bayan, o isang vendetta lamang dahil sa pagkamatay ni Padre Pedro Pelaez? Bakit sa tuwi-tuwina ay nakakaramdam siya ng pagdududa sa kanyang sarili? Hindi niya na ba makontrol ang kanyang loob upang maging dahilan ng saglitang pakikipag-away niya sa kanyang matalik na kaibigan? Tuluyan na bang napuno ng kalungkutan ang kanyang damdamin na pati ang pagmamahal niya kay Miriam ay naglalaho na rin? Ano nga ba ang magiging papel niya sa kasaysayan kung sakaling uunahin niya ang pagkamit ng kalayaan kaysa sa kanyang sarili?

Paulit-ulit akong naglalakad sa simbahan kahit malalim na ang gabi maabutan lamang si Padre Zamora na bumalik. Napupuno ako ngayong ng konsensiya dahil sa biglaan kong pagkagalit sa kanya kanina sa hapunan sa kumbento. Bakit mo ba iyon nagawa, José? Bakit ka nagpasakop sa silakbo ng iyong damdamin?

Papikit-pikit na ako'y umupo sa isang bangko habang pinagmamasdan ang nakabukas na pintuan na kung saan makikita ko si Padre Zamora kung sakaling siya ay umuwi. Hindi ko na rin sinabi kay Padre Gomez ang naganap sa hapunan dahil ayaw ko rin namang madawit siya sa alitan namin. Sapat na ang mga prinoproblema ko upang hindi na ako mandamay pa ng iba.

Napatingin ako sa orasan at ilang minuto na lamang ay sasapit na ang alas-nuwebe ng gabi. Huminga na lamang ako nang malalim at nagdasal na sana ay patawarin na ako ni Padre Zamora. Maya-maya lamang ay isang tunog ng pagsiwang sa pintuan ang nagpanumbalik sa akin upang imulat ang aking mata.

"Jacinto...." Aking sambit nang makita ang mababaw na ekspresyon ng aking kaibigan. "Ano ang iyong ginagawa at ikaw ay hindi pa nahihimbing?" Kanyang tanong sa isang tonong hindi pangkaraniwan sa kanya. Napalunok muna ako bago naglakas-loob na magsalita. "Nais ko lamang humingi ng tawad sa iyo sa aking nagawa kanina sa hapunan. Ikinalulungkot ko ngunit naiintindihan ko rin na may pagkakaiba tayo ng pananaw patungkol sa paghahanap ng mga prayle sa nagpasimuno ng pag-aaklas." Aking tugon.

Wala ni isa sa amin ang nakapagsalita nang ilang segundo kundi ang nakakabinging paghinga nang malalim lamang namin ang nagsilbing tunog sa malawak na simbahan. Lumapit siya sa akin at tinapik ako sa aking balikat na sinabayan ng isang ngiti na sumilay sa kanyang labi. "Humihingi rin ako ng paumanhin sa mga hindi ko kanais-nais na tinuran kanina na nakapaghatid sa atin ng hindi pagkakaunawaan." Kanyang saad. Napangit na lamang ako at tiningnan siya sa kanyang mata. "Muchas gracias amigo. (Maraming salamat, aking kaibigan)" Tila isang tinik ang kumawala sa aking lalamunan nang sambitin ko iyon.

•••

Lantad na ang sikat ng araw nang ako'y magising. Sa kauna-unahang panahon mula nitong mga nagdaang araw ay nakaramdam ako ng kaluwagan ng aking loob. Hindi ko alam kung dulot ba ito ng pagpapatawaran namin ni Padre Zamora kagabi o dahil sa hindi maipaliwanag na bagay. Binuksan ko ang aking bintana at tinanggap ang pagbungad ng malakas na ihip ng hangin at ang payapang sinag ng araw na bumabalot na ngayon sa aking kwarto.

Nang makababa ako ay naabutan ko sina Padre Gomez at Padre Zamora na kumakain na. Nakita ako ni Padre Gomez. "Oh José, gising ka na pala. Halika na't saluhan mo na kami sa agahan." Kanyang imbita at dali-dali na akong bumaba at umupo kaharap si Padre Zamora. Nagngitian na lamang kami na parang mga nahihibang na. "Ano't ganyan kayo makangiti sa isa't-isa, José, Jacinto?" Pagtataka ni Padre Gomez. "Wala po, Padre Gomez. Kumain na po tayo." Sambit ko na lang at dumakot ng isang suman at pinagsalin ang aking sarili ng tsaa.

𝗽𝗮𝗱𝗿𝗲 || 𝗮 𝗵𝗶𝘀𝘁𝗼𝗿𝗶𝗰𝗮𝗹 𝗳𝗶𝗰𝘁𝗶𝗼𝗻Where stories live. Discover now