[ Kabanata 27 - Kahilingan ]
Isa na marahil ang pagkamuhi ni Miriam sa asignaturang noon ay kanyang kinahihiligan at isinasapuso ang mga malalaking kabiguan na kanyang nagawa sa kanyang buhay. Nang dahil sa nagbago ang kanyang pananaw dahil na rin sa impluwensiya ng makabagong lipunan ay naligaw na rin siya palayo sa asignaturang nagdala sa kanya ng kaisipan na humulma sa kanyang buong pagkatao. Hindi niya akalain na sa ibang panahon, sa panahon na hindi pa ganap ang kalayaan ng Pilipinas, niya matatagpuan ang kasagutan na ang kasaysayan ay hindi lamang isang hamak na asignatura na naituturo sa mga paaralan, kundi ay ang pagsasapuso at pagpapahalaga nito sa mga lipas na sandaling nakaukit na sa kanyang pagkakakilanlan bilang isang malaya at may pinanghahawakang dignidad na mamamayang Pilipino.
"José...." Hindi ko na kinaya na pigilan pa ang aking sarili at kaagad na sinalubong ng yakap ang tanging lalaki na nakapagpatibok ng ganito kalalim sa aking puso. Walang humpay kong sinasambit ang kanyang pangalan habang sunod-sunod na tumutulo ang aking luha. "Patawad sa lahat, José. Nagsisisi ako na hindi ko nakaya na mailigtas kayo...."
Marahan niyang hinawakan ang likod ng aking ulo at hinigpitan ang kapit niya sa aking baywang dahilan upang mas humigpit pa aming yakap. "Naiintindihan kita, Miriam. Wala kang kailangang hingan ng kapatawaran dahil ito na ang nakaamba na tadhana namin." Sambit niya at nagtagpo ang aming paghinga sa isa't-isa. Umiling ako. "Hindi, napigilan ko sana 'to kung hindi lang ako naging duwag." Sabi ko at parehas kaming kumalas sa yakap. "Hindi maituturing na duwag ang isang lumalaban kahit wala nang ipaglalaban pa. Duwag pa ba ang iyong matatawag pagkatapos mong sirain ang pintuan ng aming piitan?" Sambit niya. Wala sa katinuang tumawa ako at napakapit sa kanyang mga kamay. "Tahan ka na, aking mahal.... tahan na."
Napatingin ako kay Padre Zamora na ngayon ay tinatakpan ng yakap ng humihikbing si Dolce habang nakatingin lamang sa amin si Padre Gomez na tila payapa ang mukha. "Paano kayo nakapasok dito, binibining Miriam?" Tanong ni Padre Gomez habang lumalapit sa kinaroroonan namin.
"Halos lahat po ng nakaronda sa paligid ng Intramuros ay tulog na samantalang maswerte po kami dahil naabutan po namin ang mga nagbabantay sa labas ng piitan na nahihimbing na rin." Aking pagpapaliwanag. "At bakit kayo naparito kung mahigpit na ipinagbabawal ang sinuman na bumisita sa amin gayong malapit na naming kaharapin ang nakatakda sa amin na kamatayan bukas ng umaga?" Muling pagtatanong ni Padre Gomez. Napansin kong napuksa kaagad ang diwa at liwanag ng mga mukha ng dalawang padre nang maulinigan ang salitang kamatayan.
Inalis ko ang nakabara sa aking lalamunan upang makahinga nang maayos. Tumingin ako sa mukha ni Padre Burgos at hinawakan ang kanyang pisngi habang dumaloy muli ang mga luha sa akin nang magtagpo ang aming mga mata. Hindi ko kinakaya na makitang tumatangis siya nang maisampal na naman sa kanya ang mapait na katotohanan.
"Nais ko lamang po na makasama ang aking José kahit man lang sa kaunting panahon at sa mga huling sandali niya." Tila natutusok nang karayom ang bawat parte ng aking puso habang binibitawan ang lahat ng mga salitang iyon. Nagsilbing tahanan ng aking mga luha ang dibdib ni Padre Burgos. Ramdam at rinig ko rin ang malakas at mabilis na kanyang paghinga.
"Nais ko rin na makapiling ka, aking Miriam, bago pa man ako mawalan ng hininga." Umalingawngaw ang kanyang boses hindi lang sa aking tainga, kundi tumarak na rin ito sa aking puso.
"Pasasaan kayo, kung gayon ang inyong nais?" Huling tanong ni Padre Gomez.
•••
Sa tulong ng kooperasyon ng lahat, nakalabas kami ng piitan nang walang nakakahalatang guardia civil. Tinakpan rin namin ng mga balabal na dala namin ang mga ulo ng mga padre upang hindi kaagad maaninag ang kanilang mga mukha habang kami ay naglalakad. Dala na rin sa kawalan ng angkop na liwanag ay nakapuslit kami palabas ng Intramuros at matagumpay na nakarating sa Manila Bay.
YOU ARE READING
𝗽𝗮𝗱𝗿𝗲 || 𝗮 𝗵𝗶𝘀𝘁𝗼𝗿𝗶𝗰𝗮𝗹 𝗳𝗶𝗰𝘁𝗶𝗼𝗻
Ficción históricaA college student finds herself struggling to pass her history class because of a certain lesson, the life of the GomBurZa. Despite her efforts to achieve full understanding about the three priests, she still doesn't know why it is relevant to her c...