Ang Bangungot ng Bagyong Sendong: Ang Kwento ni Laura

15 0 0
                                    

Sagisag panulat: poppy 

Hatinggabi at sobrang lakas ng ulan nang magising si Laura dahil ang kanyang mama ay naglilipat ng gamit sa bahay ng kanyang lola dahil binabaha na ang kanilang bahay. Nagulat si Laura noong nagising siya; bukod sa malakas na ulan, nagulat din siya na iba na ang kanyang tinutulugan. Nasa bahay na siya ng kanyang lola.

Ang pamilya ni Laura at ang kanyang lola at lolo ay halos magkadikit lang ng bahay kaya mabilis maglipat ng gamit ang kanyang mama pag binabaha na ang kanilang bahay. Nakatira sila Laura malapit sa ilog. Ang ilog na iyon, kapag umuulan, ay umaapaw at binabaha ang lugar nila Laura.

Nasanay na ang pamilya ni Laura sa ganitong sitwasyon sa kanilang lugar, ngunit isang gabi, December 16, 2011, nangyari ang hindi inaasahan ng buong pamilya ni Laura—ang bagyong hindi inaasahan na dumating sa ganung oras at petsa. Noong nagising si Laura sa ingay ng ulan at sa ingay ng paglilipat ng gamit, tumayo siya upang magtanong sa kanyang lola kung bakit naglilipat ng gamit ang kanyang ina at tingnan ang labas ng kwarto ng kanyang lola.

Pagbukas pa lamang ng pinto ng kwarto ng kanyang lola, nakita niya ang tubig baha na nasa sala na ng bahay ng kanyang lola. Walang ibang mautusan ang kanyang ina para tumulong maglikas ng gamit dahil ang kanyang ama ay nasa trabaho at ang kanyang lola ay nagbabantay sa kapatid ni Laura na dalawang linggo pa lamang.

Inutusan si Laura at ang kanyang maliliit na kapatid na puntahan at balitaan ang ibang kamag-anak nila na medyo malayo sa ilog upang ipaalam na tumataas ang tubig baha sa bahay nila Laura. Ngunit kahit kinatok ni Laura ang pinto ng kanyang tito, hindi ito bumukas dahil hindi narinig ang pagkatok nila sa ingay ng ulan. Wala silang nagawa kundi bumalik sa kanilang bahay na malapit sa ilog.

Habang naglalakad, nakasalubong nila ang kanilang tita na bitbit ang kapatid ni Laura na sanggol at basang-basa sa ulan. Pinapayungan lamang nito ang sanggol dahil sira na ang payong ng tita nila dahil sa malakas na hangin. Pinabalik sila Laura sa lugar kung saan sila inutusan, at ang tita niya na ang gumising sa tito nila para sabihing doon sila lilikas.

Hindi pa natatapos ang paglilikas ng gamit nila Laura sa bahay ng kanilang tito nang magulat at mataranta ang buong pamilya ni Laura dahil sa tubig na rumaragasa papasok sa bahay ng tito nila. Medyo malayo na iyon sa ilog, ngunit inabot pa rin ng rumaragasang tubig baha. Walang nagawa ang pamilya ni Laura kundi lumabas at harapin ang malakas na agos ng tubig dahil mabilis itong gumalaw.

Nahiwalay si Laura sa kanyang mama at mga kapatid, ngunit kasama niya ang kanyang pinsan para mag-go with the flow sa baha. Antok na antok at takot na takot si Laura sa sitwasyon na iyon, ngunit wala siyang magawa kundi lumangoy para mabuhay. Habang sila ni Kuya March ay nakaakyat sa punong mangga na hindi kalakihan, hindi na niya alam ang nangyari sa kanyang pamilya dahil sila ay nahiwalay.

Sigaw, putok, at biglang pagtahimik pagkatapos ng sigaw at mga putok ng kuryente ang naririnig ni Laura sa sitwasyon nila ng kanyang pinsan sa puno. Hindi maiwasan ni Laura na mangamba dahil siya ay nahiwalay sa kanyang pamilya. Nag-aalala si Laura sa kanyang pamilya lalo na sa kanyang kapatid na sanggol dahil hindi ito nadala ng maayos ng kanyang ina, nakabalot lamang ito sa isang "Malong".

Lumipas ang ilang minuto at narinig ni Laura ang kanyang pangalan na sinisigaw ng kanyang pinsan. Naisip ni Laura na malapit lang sila kaya tinanong niya si Kuya March kung nasaan ang pamilya niya. Sumagot ito na "naa ra diri," medyo nabunutan ng tinik si Laura sa narinig. Sa kanilang sitwasyon, may nakita silang ilaw kaya nagsigaw sila ng "tabang" o tulong. Lumipas ang ilang minuto, medyo humupa na ang tubig baha at nakita nila ang mga flashlight na papalapit sa kanila, mga rescuer iyon.

Hirap si Laura na bumaba mula sa puno dahil mataas sila, kaya nahirapan siyang bumaba mula sa punong mangga kung saan pansamantalang nakatambay kasama ang kanyang pinsan habang malakas ang agos ng tubig baha.

Pinakain at nilinisan sila Laura ng mga sumagip sa kanila dahil hindi lamang tubig baha ang meron sila kundi pati putik. Nakapagpahinga na rin sila Laura at ang kanyang pinsan sa bahay ng mga rumescue sa kanila.

Kinabukasan, lumabas sila Laura kasama ang kanyang pinsan para hanapin ang kanilang pamilya. Habang naglalakad sila, nakasalubong niya ang kanyang papa na puno ng putik, luha sa mata, at halos mahubad na pantalon mula sa trabaho. Yumakap agad ang kanyang ama at naiiyak na nagsabi ng "salamat buhi ka" o "salamat buhay ka."

Pagkatapos matagpuan si Laura ng kanyang ama kasama si Kuya March, agad silang nagtungo kung saan nanatili pansamantala ang ibang mga kamag-anak. Doon nabalitaan ni Laura na natangay ng baha ang kanyang kapatid na sanggol ayon sa kwento ng kanyang ina. Nalungkot at naiyak na lamang si Laura dahil sa balita.

Kinabukasan, ang buong pamilya ni Laura ay nagtungo sa paaralan o evacuation center para doon pansamantalang manuluyan habang magsisimula sa umpisa ang kanilang buhay. Maraming tumulong sa kanila para magsimula muli.

Sa evacuation center, doon nagtipon-tipon ang buong angkan nila Laura at ang kanyang pamilya. Doon din nalaman ni Laura na hindi lamang ang kanyang kapatid ang natangay sa baha kundi ang iba pa niyang mga pinsan at kamag-anak ang nawala dahil sa nangyari.

Lumipas ang isang linggo may bagyo na namang paparating sa kanilang lugar. Kinabahan at nabalisa ang buong pamilya nila Laura dahil sa naranasan nila sa unang bagyo. Sigaw at kaba ang naranasan na naman nila dahil sa kulog at malakas na ulan ng panahon na iyon.

December 28, 2011, nang may natanggap na impormasyon ang mama ni Laura na nakita na ang bangkay ng kanyang kapatid na sanggol. Agad pinuntahan nila Laura kasama ang kanyang ama at ina kung saan andoon ang bangkay ng kanyang kapatid, wala na itong saplot at wala na din itong ulo, nakilala lamang ito ng kanyang ina dahil sa sapin na nakalagay sa pusod nito.

Iyak at hikbi na lamang ang nagawa ng mama ni Laura dahil sa nakita habang si Laura ay hindi makapaniwala sa kanyang nakita, dahil pati loob ng katawan ng kanyang sanggol na kapatid ay wala na, balat at buto lamang ang makikita nito. Kalungkutan ang dala nila Laura pabalik sa evacuation pagkatapos dalhin na ang bangkay ng kanyang kapatid sa morgue. Sa araw din na iyon agad pina-mesa sa pari at nilibing kahit hindi buo ang bangkay ng kapatid ni Laura. Hindi lamang si Laura ang nagdalamhati sa nangyari pati ang kanilang ibang kamag-anak dahil ang mga ito ay nawalan din ng mga mahal sa buhay sa insidente. Minsan naiisip ni Laura kung kasama siya ng kanyang ina noong sitwasyon sa baha baka natulungan niya pa ito at buhay pa sana ang kanyang sanggol na kapatid.

Makalipas ang ilang taon, nanganak ulit ng dalawang beses ang ina ni Laura at lumaki pa ang pamilya ni Laura. Nakapagtayo ulit sila Laura ng kanilang bahay na malayo na sa ilog, unti-unti na nilang tinatanggap ang pagkawala ng isang miyembro sa kanilang pamilya. Napagtanto din ni Laura na hindi niya kailangan sisihin ang kanyang sarili dahil sa nangyari dahil sinasabihan lamang si Laura ng kanyang ina na hindi lamang ang sarili ang sisihin dahil hindi nila kontrolado ang nangyayari nila sa sitwasyon na iyon kaya nawalan sila Laura ng isang kapatid.

Aral at Pag-asa

Ang kwento ni Laura ay puno ng pagsubok at trahedya, ngunit sa kabila nito, natutunan nila ang kahalagahan ng pamilya at ang lakas ng loob na bumangon muli. Ang kanilang karanasan ay nagpapaalala sa atin na sa bawat pagsubok, mayroong pag-asa at muling pagbangon.

Maikling KwentoWhere stories live. Discover now