Huli Ka!

3 0 0
                                    

Sagisag panulat: abeha

Matapos ang mahabang paghihintay, dumating si Felix sa Pilipinas. Siya ay isang OFW sa Kuwait. Sa airport pa lamang, ramdam na ramdam niya ang bigat ng kanyang pag-uwi. Mag-isa siyang lumabas ng terminal, bitbit ang kanyang gamit at ang malungkot na balita.

Sa labas ng terminal, nakita niya ang kanyang ama na may bahid ng lungkot sa mga mata.

"Anak," sabi ng kanyang tatay habang niyayakap siya. "Mabuti't nakarating ka ng maayos."

"Maayos naman po ang naging lipad ng eroplano. Kumusta po kayo ni nanay?" tanong ni Felix, halatang may lungkot na kaakibat ang nasabing tanong.

"Ayon, nag-aasikaso para sa kapatid mo," sagot ng kanyang ama, hindi kayang itago ang lungkot sa boses.

Pagkatapos ng mainit na yakap, sumakay sina Felix at ang kanyang ama sa kanilang luma ngunit maaasahang sasakyan. Ang biyahe mula sa airport patungo sa kanilang tahanan sa probinsya ay mahigit dalawang oras, kaya't marami silang oras upang makapag-usap at magkumustahan.

Habang nagmamaneho ang kanyang ama, tahimik lamang si Felix sa loob ng sasakyan, nagmamasid sa tanawin na dati'y pamilyar ngunit tila nagbago na rin sa paglipas ng panahon. Sa kanyang isipan, bumabalik ang mga alaala ng kanyang kabataan, ang masasayang araw na kasama ang kanyang kapatid at mga magulang. Ngunit ngayon, tila may mabigat na ulap ng kalungkutan ang bumabalot sa bawat alaalang iyon.

"Felix, kumusta ka naman sa Kuwait? Mahirap ba ang trabaho?" tanong ng kanyang ama habang nagmamaneho.

"Mahirap po, Tay. Iba ang buhay doon. Kailangan mong maging matatag at matibay," sagot ni Felix habang pinipilit ngumiti. "Pero, kaya ko naman po. Para sa inyo, at para na rin kay... Gabriel." Hindi napigilan ni Felix na mapaluha ng banggitin ang pangalan ng kapatid.

Tahimik na tumango ang kanyang ama, nagtatangkang ngumiti ngunit kita ang bakas ng pag-aalala sa kanyang mga mata. "Salamat, anak. Alam naming hindi madali ang sakripisyo mo."

Habang nagpatuloy ang biyahe, nagbigay ng isang malalim na buntong-hininga si Felix at inalala ang mga huling araw niya sa Kuwait. Ang mabibigat na gawain, ang init ng araw na nagbabantang magpabagsak sa sinumang hindi sanay, at ang kalungkutan ng pagiging malayo sa pamilya. Ngunit ang lahat ng iyon ay tiniis niya para lamang makatulong sa kanyang pamilya, lalo na sa kapatid niyang si Gabriel na sa kasamaang palad ay namatay sa kamay ng mga pulis.

"Pa, ano ba talagang nangyari kay Gabriel?" tanong ni Felix, pilit na binabaling ang usapan sa mas mahalagang bagay.

"Ang sabi ng mga pulis... kasama sa mga nagshashabu tumakas noong nagraid kaya hindi na napigilang magpaputok," sagot ng kanyang ama, sinubukang maging matatag. "Hindi ko na rin alam ang totoo anak. Dahil alam kong hindi gumagamit ang kapatid mo. Napakabait na bata ni Gabriel."

"Isa 'yan sa dahilan kung bakit ako umuwi 'tay," sabi ni Felix, bakas sa kanyang boses ang determinasyon. "Nais kong imbestigahan ang nangyari kay Gabriel. Kaya kahit na mahirap ang kalagayan ko sa Kuwait, tiniis ko para lang makalikom ng sapat na pera at makauwi."

"Naniniwala rin akong inosente ang kapatid mo, tutulungan ka namin sa imbestigasyon na gagawin mo," sagot ng kanyang ama, pinipilit mapigilan ang pagpatak ng luha. "Ngunit huwag mong kalimutan ang iyong sarili. Ang kalusugan mo'y mahalaga rin."

Habang papalapit sila sa kanilang tahanan, lalo pang lumalim ang pag-iisip ni Felix. Kilalang kilala ni Felix ang kanyang kapatid kahit na mayroon silang limang-taong agwat ay talagang dikit na dikit sila sa isa't isa. Talagang determinado si Felix na may mali ang kapulisan at inosente ang kanyang kapatid. Baka ito ay na red tag lamang dahil isa rin itong malaking isyu sa bansa.

Maikling KwentoWhere stories live. Discover now