Ilaw ng Tahanan

8 0 0
                                    

Sagisag panulat: Sea Zephyra

"Sa wakas! Makikita ko na rin ulit ang aking unico hijo," ani Marit habang tinatanaw ang malayong kalsada. Matagal na rin niyang hinintay ang pagkakataong ito. Napagpasyahan niyang bumisita sa tahanan ng kanyang anak na si Andong. Matagal-tagal na rin siyang hindi nakakadalaw dito dahil may kalayuan ang kanilang tirahan sa Cabanatuan. Si Andong kasi ay nanirahan na sa Bulacan, malapit sa kanyang trabaho.

Bagamat mahaba ang biyahe, hindi alintana ni Marit ang pagod dahil sa pananabik na muling makita ang kanyang anak at ang kanyang pamilya. Ngunit pagdating niya sa tahanan nina Andong, nagulat siya sa kanyang nakita. Makalat ang bahay at tila walang nag-aasikaso. Nagkalat ang mga laruan ng bata, mga damit na nakasampay kung saan-saan, at mga gamit na hindi naibabalik sa kanilang mga tamang lugar. Parang dinaanan ng bagyo ang buong kabahayan.

Napansin ni Marit na nandoon ang manugang niyang si Eba, na abala sa paglalaba sa likod-bahay. Lumapit siya rito at hindi na naitago ang kanyang pagkabahala.

"Ano ba itong kalat dito, Eba? Parang mga hindi tao ang nakatira," tanong ni Marit nang may halong pagkabahala at inis sa kanyang tinig.

"Pasensya na po, Nay Marit. Hindi pa po ako tapos maglinis. Naglalaba pa po ako," sagot ni Eba na may pag-aalala sa mukha. "Hindi ko rin naman po alam na darating kayo, ni hindi man lang ho kayo nagpaabiso."

Nag-init ang ulo ni Marit sa narinig. Agad niyang hinusgahan si Eba at sinabihan ng mga salitang nakakasakit. "Dapat ay handa ang bahay sa bisita. Ilaw ka ng tahanan, Eba. Dapat ay alam mo 'yan."

Sa oras na iyon, lumabas si Andong mula sa kanilang kwarto. Narinig niya ang usapan at agad niyang naramdaman ang tensyon. Hindi niya napigilan ang sarili sa pagtanggol kay Eba.

"Nay, kararating n'yo lang, mainit na agad ang ulo n'yo. Huwag po natin husgahan si Eba nang ganoon dahil lang sa nakita ninyo. Marami po siyang gawain at responsibilidad sa bahay. Hindi lang sa paglilinis umiikot ang pag-aasikaso dito."

Ngunit hindi napigilan ni Marit ang kanyang galit. "Baka naman ikaw pa, Andong, ang naglilinis dito. Lalaki ka, dapat nagpapahinga ka pagkatapos ng trabaho dahil ikaw na nga ang kumakayod sa pamilya n'yo," sigaw ni Marit, hindi na napigilan ang bugso ng damdamin.

"Pasensya na, Nay, pero mali ang iniisip ninyo," ani Andong, nagpipigil ng emosyon sa kanyang tinig. "Sa panahon ngayon, hindi na tungkol sa kasarian ang mga gawaing bahay. Pantay-pantay kami ni Eba dito. Nagpapasalamat ako na siya ang aking kasama dahil napakabuti niyang tao at ina."

Natahimik si Marit sa sinabi ng anak. Hindi niya agad nahanap ang mga tamang salita. Sa kanyang isipan, binalikan niya ang mga panahon na siya ang nag-aasikaso ng lahat sa bahay. Inalala niya ang kanyang mga sakripisyo bilang isang ina at asawa. Ngunit naisip din niya ang mga pagkakataong siya'y napapagod at hindi pinapansin ang kanyang kalagayan. Minsan, gusto rin niyang magpahinga ngunit wala siyang magawa dahil siya ang inaasahan ng lahat.

"Nay, naiintindihan ko na iba ang panahon ninyo," patuloy ni Andong. "Pero ngayon, mas mabuti na ang bawat isa sa pamilya ay nagtutulungan. Ako man, natututo sa pagluluto at paglalaba para kay Eba at sa aming mga anak. Hindi ito nakakabawas sa aking pagiging lalaki. Sa halip, mas tumatatag ang aming samahan."

Tumingin si Marit kay Eba, na ngayon ay nakatigil na sa paglalaba at nakikinig sa usapan. Nakita niya ang pagod sa mga mata nito ngunit nakita rin niya ang pagmamahal at dedikasyon sa kanyang pamilya. Napagtanto niya na hindi madali ang mga responsibilidad na ginagampanan ni Eba sa araw-araw.

"Pasensya na kayo, Andong, Eba," sabi ni Marit nang may kababaang-loob. "Baka nga masyado akong nahuhuli sa pagbabago ng panahon. Ang nais ko lang naman ay ang kabutihan ninyo."

Lumapit si Eba kay Marit at hinawakan ang kamay nito. "Nay, salamat po sa inyong pag-unawa. Alam namin na kayo'y nag-aalala lang. At kung kayo ay nandito, magtulungan tayo upang mas maging maginhawa ang ating tahanan."

Ngumiti si Marit, ramdam ang bigat na natanggal mula sa kanyang puso. "Oo nga naman, magtulungan tayo. Hindi ko dapat hinusgahan ang hindi ko nauunawaan."

Mula noon, naging mas bukas ang isipan ni Marit. Tuwing bumibisita siya kina Andong at Eba, nakikipagtulungan siya sa mga gawaing bahay at higit na nagiging malapit sa kanyang pamilya. Sa bawat pagkakataon na siya ay bumibisita, madalas na nag-uusap sila ni Eba tungkol sa mga bagay-bagay—mga bagay na dati ay hindi niya pinapansin o inaalala lamang.

Natuto si Marit na magluto ng mga bagong putahe mula kay Eba, mga putaheng hindi niya karaniwang niluluto sa kanilang tahanan. Natutunan din niyang magtiwala at umasa sa mga bagong paraan ng pamumuhay na hindi na lamang umiikot sa tradisyunal na pananaw.

Isang araw, habang sila'y sabay-sabay na kumakain ng tanghalian, biglang nagtanong ang apo ni Marit, "Lola, bakit po hindi kayo nakikitang nag-aaway ni Mommy?"

Natawa si Marit at tinapik ang ulo ng kanyang apo. "Dahil lahat tayo ay nagtutulungan, apo. Dapat laging magkaintindihan at magtulungan para laging masaya ang tahanan."

Sa tuwing nakakakita si Marit ng kalat o gawaing bahay na kailangang tapusin, imbes na magreklamo, agad niya itong tinutulungan. Hindi na niya iniintindi kung sino ang dapat gumawa. Sa halip, iniisip niya kung paano niya mapapagaan ang buhay ng kanyang anak at manugang.

Isang gabi, bago matulog, nilapitan ni Andong ang kanyang ina. "Salamat, Nay, sa inyong pag-unawa at pagtanggap. Napakalaking bagay sa amin na nararamdaman naming naiintindihan n'yo na."

Ngumiti si Marit at hinalikan sa pisngi ang kanyang anak. "Walang anuman, anak. Mahal ko kayo at gusto ko lang ang pinakamabuti para sa inyong lahat. Nais ko ring matuto at magbago para sa ikabubuti ng ating pamilya."

Ang tahanan nina Andong at Eba ay naging halimbawa ng isang modernong pamilya na nagtutulungan, walang kinikilingan, at puno ng pagmamahalan. Ang mga gawaing bahay ay hindi na itinuturing na responsibilidad ng isa lamang, kundi ng lahat ng miyembro ng pamilya. At sa bawat pagkakataon, sa kabila ng pagod at hirap, si Eba ang tunay na ilaw ng tahanan na nagbibigay-liwanag at inspirasyon sa kanilang lahat.

At si Marit, na dating may makitid na pananaw tungkol sa mga responsibilidad sa tahanan, ay naging simbolo ng pagbabago at pag-unlad. Naging masaya siya sa bawat araw na ginugugol kasama ang kanyang pamilya, dahil alam niyang siya rin ay bahagi ng liwanag na nagbibigay-inspirasyon at kaligayahan sa kanilang tahanan.

Maikling KwentoWhere stories live. Discover now