Huling Yakap, Huling Luha

5 0 0
                                    

Sagisag panulat: Thana

Bisperas ng Pasko ngunit wala ni isang dekorasyong pang-ilaw ang makikita sa kapaligiran ng Cavite. Alingawngaw lamang ng hangin ang madidinig at walang makikitang mga batang naglalaro sa kalsada. Sa isang banda, nakasilip si Noel sa bintana ng kanyang kwarto at taimtim na hinihintay ang pag-uwi ng kanyang ama na si Nolan. Isa kasi ang kanyang ama sa mga reservist na ipinadala ng gobyerno sa barko dalawang buwan na ang nakakaraan upang magbantay sa West Philippine Sea at magmula noon ay hindi na nila ito nakausap.

"Noel, kakain na," sigaw ng kanyang ina mula sa kusina. Tahimik na bumaba sa kama at tumungo sa hapag kainan si Noel at napansin ng kanyang ina ang tila mugto nitong mga mata. Nilapitan ni Aling Flora ang anak at niyakap sabay tapik sa likod. "Marami tayong naghihintay, Noel, ngunit hindi dapat tayo mawalan ng pag-asa. Makakabalik din sa atin ang iyong ama," aniya sa anak. Tumango na lamang si Noel bilang pagtugon ngunit may ilang patak ng luha ang muling bumagsak mula sa kanyang maamong mga mata.

Nuwebe anyos pa lamang si Noel at dapat sana ay nasa ikatlong baitang na ng taong iyon ngunit dahil sa nagsimulang giyera, nahinto ang kanyang pag-aaral. Nagsimulang magbomba ang China sa Palawan at nagtuloy-tuloy ito sa iba pang lugar na malapit sa West Philippine Sea. Maraming mga sundalo at reservist ang ipinadala ng gobyerno at hanggang ngayon ay marami sa mga pamilya nila ang walang balita sa kanilang kasalukuyang kalagayan.

Habang kumakain si Noel ng sopas na nag-iisang handa nila ng gabing iyon, biglang tumunog ang telepono. "Kring, kring," tunog na inantay nila ng ilang buwan. Kaagad na sinagot ni Aling Flora ang tawag at bakas ang pag-aalala sa kanyang mukha. "N-Nolan?" ngalan na unang lumabas sa kanyang bibig. Tila kaytagal ng oras noong mga sandaling iyon para sa kanilang pamilya. Ilang gabing ipinagdasal nila ang tawag na ito. Sandaling tumahimik ang kausap bago nagsalita. "Pasensya na po. Nakikiramay po kami, misis," saad ng kabilang linya na bakas ang lungkot. Sa isang litanya na iyon ay tila tumigil ang mundo nila Aling Flora at Noel. Napasalampak sa sahig ang maybahay at nagsimulang humikbi. "Hindi! Hindi! Buhay pa ang asawa ko. Nangako siya, nangako siya!" nagwawalang sigaw ni Aling Flora. Hindi niya mapigilan ang nararamdaman ng mga oras na iyon at tila isang batang nagdadabog ang kanyang naging asal.

Sa kabilang banda, si Noel ay tila tinakasan ng kaluluwa dahil sa narinig na balita. Hindi siya makagalaw, makaiyak, o makapagsalita man lamang. Nakatulala lamang siya sa kawalan at tila hindi maproseso ang nangyari. Bumalik lang siya sa ulirat noong yakapin ni Aling Flora. Hindi niya na din napigilan ang kanyang sarili na humikbi sa kanlungan ng kanyang ina. Sa susunod na linggo ay kaarawan niya na sana at nangako ang kanyang ama na bibilhan siya nito ng bisikleta at tuturuan siya kung paano ito sakyan. Ngunit dahil sa kaguluhan sa pagitan ng dalawang bansa, maraming mga pangako ang napako.

Makaraan ang ilang sandali, kumalma na ang mag-ina at kaagad na sinabi ni Aling Flora na kailangan na nilang mag-impake dahil maya-maya lamang ay may susundo na sa kanilang kawani ng gobyerno. Ayon sa tumawag kanina, ang pamilya ng mga sundalo at reservist ay papaunahing lumipad patungo sa ibang bansa upang maligtas sa mas malaking giyera. Naghahanda na daw kasi magbato ng nuclear bombs sa Manila ang mga Tsino at walang kakayahan ang Pilipinas upang salagin ito. "Piliin mo ang mga laruan na gusto mong isama at ako na ang bahala mag-ayos ng mga damit mo," nakangiting saad ni Aling Flora sa anak ngunit bakas ang sakit at lungkot sa mga mata nito. Sumunod naman si Noel at una niyang kinuha ang litrato ng kanilang pamilya na nakalagay sa ibabaw ng dresser. Habang nagliligpit, napansin niyang iisang damit lamang ng kanyang ina ang inilagay nito sa maleta at puro gamit na niya ang ibang laman kung kaya kaagad niyang kinuha ang paboritong bestida ng ina at idinagdag ito sa maleta. Napangiti nalang si Aling Flora sa ginawa ng anak.

Maya-maya pa ay narinig na nga nila ang tunog ng mga parating na truck, helicopter, at martsa ng mga militar. Paglabas nila Aling Flora ay nakita nila ang daan-daang tao na nakapalibot sa mga sasakyan habang isa-isang tinatawag ng mga sundalo ang apelyido ng mga pamilyang kanilang isasama papunta sa airport. Nakipagsiksikan sila Noel at Aling Flora papunta sa harapan at ng makasakay ay tiningnan ang lupon ng tao sa harapan nila. Nakita ni Noel ang kapitbahay na si Aling Marta, Mang Permin, at ang anak nilang si Alice. Buhat-buhat ng ina si Alice at tila pilit na ibinibigay ang anak sa militar, nagmamakaawang isama ang kanilang unica hija. "Maawa na kayo, kahit hindi na kami, wag niyo lang iwan ang aming anak. Kasalanan ba ang pagiging hindi sundalo, kasalanan bang maging mahirap?" humahagulgol na sigaw ni Aling Marta na nawawalan na ng pag-asa. "Mga makasarili, hangal ang bituka, hindi kayo patas. Alam namin sino-sino lang ang pamilya ng mga militar ngunit bakit marami kayong sakay na mayaman ngunit hindi dapat kasama," dagdag na sigaw ng isang matandang lalaki na nagtitinda ng isda sa palengke. Madaming nagsisigawan at nag-iiyakan ng mga oras na iyon. Kitang-kita ang hinagpis at kawalan ng pag-asa ng mga tao na lubhang nagpabigat sa nararamdaman ni Noel. Sumiksik na lamang siya sa kanlungan ng kanyang ina at ipinagdasal ang kaligtasan ng lahat.

Maikling KwentoWhere stories live. Discover now