Wala na ba Talagang Mars?

2 0 0
                                    

Sagisag panulat: Scratch_Bright

Malamig na naman ang simoy ng hangin at mababakas na ang pananabik sa mukha ng bawat isa. Tulad ng dati, nanunuot sa buto ang lamig, kung kaya't hindi ako pwedeng lumabas na wala akong suot na tsaketa. Bagamat nangangaligkig sa ginaw, hindi maalis- alis ang ngiti at paimpit na mga halakhak kasabay nang galaw ng katawan sa tuwing naririnig ko ang saliw ng mga pampaskong tugtugin.

"Yes! Ilang araw na lang, may tsokolate na naman akoo! ", iyan ang paulit- ulit na tumatatakbo sa aking isip. Simula ng dumampi sa aking dila ang imported na tsokolate na aking natanggap noong nakaraang Pasko, hindi na ito nawaglit sa aking alaala. Kaya naman, sa tuwing natatanaw ko ang malaking box sa tabi ng sanga ng kahoy na ginawang Christmas tree ng aming kapitbahay, ay hindi ko maiwasang maglaway at mabanaag ang mukha ni Ate Amelia na nakangiti sa akin mula sa 'di kalayuan.

~~~~

"Magaling Lino! Ipagpatuloy mo lang ang pagbabasa- basa mo ng mga libro. Alam kong malayo ang mararating mo sa buhay", nakangiting saad ni Ate Amelia noon sa akin. Bagamat baguhan pa lamang ako sa mga batang tinuturuan niya noon tuwing tag- araw, hindi niya ako itinuring na iba. Mainit niya akong sinasalubong nang yakap sa bawat pagkakataon na tinuturuan niya kami.

Dalagita lamang noon si Ate Amelia, nasa dyese sais anyos siya ng simulan niya ang pagmamalasakit sa akin at sa mga kapwa ko bata na nagsisimula pa lamang mag-aral na bumasa at sumulat. Bagamat mababakas ang pagod mula sa kanyang mukha, ito'y unti –unting napapawi sa tuwing makikita ang ngiti sa kanyang mga labi at mata. Simula noon, pinangarap kong maging katulad ni Ate Amelia. Balang-araw nais ko ring magbigay pag-asa sa mga bata na kaya nilang matuto at tumulong sa pamamagitan ng mga simpleng bagay sa kabila ng kasalatan sa pera. Kung kaya't nang nalaman kong lilisanin niya ang bansa upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya, hindi ko maiwasang malungkot dahil hindi na madurugtungan pa ang masasayang alaala na nabuo namin sa loob ng dalawang taon.

Nang magpaalam siya sa amin, bago umalis papuntang paliparan, hindi niya kami nakalimutang yakapin at titigan habang pilit na ngumingiti, kasabay ang pagbitiw ng mga katagang "Lino, mga bata, galingan ninyo sa pag-aaral ha. Kapag ginalingan ninyo, sisiguraduhin ni Ate na may regalo kayo sa akin tuwing Pasko". Nang akin iyong marinig habang nagpipigil ng luha at tumatango tango, tila nagrenta na iyon sa aking puso at isipan. Magmula noon, higit kong pinagbuti ang pag-aaral sa pag- asa na sa mga susunod na araw at buwan ay muli kong masisilayan si Ate Amelia at maipagmamalaki ang aking mga awards na nakamit sa eskwelahan.

~~~~

"Ameliaaa! Nasaan ka ba? Halika ka nga ditong babae ka! Ano na namang ginawa mo sa damit ko? Bakit 'to nasunog?" bulalas ng Pilipinang amo ni Amelia sa Qatar.

"Ma'am Elisse, pasensya na po. Hindi ko po sinasadya, Ma'am. Kahit ibawas nyo na lang po sa sahod ko Ma'am yung presyo ng damit", pagmamakaawa ng dalagita.

"Ibawas? Tanga ka ba? Palibhasa hindi mo alam kung magkano ang mga ganitong klase ng damit kase wala kang ibang alam kundi magsuot ng mga ukay- ukay na naglipana sa Pilipinas".

"At bakit ganyan na naman ang suot mo? Hindi ba sinabihan na kita na tuwing nandito ang habibi ko, huwag kang magsuot ng kita ang balat mo? Ibang klase ka rin talaga no, palibhasa nalaman mo na nag-aasawa ng Pilipina ang mga Arabo, halos ilako mo na yang katawan mo", dagdag pa ng nasa kuwarenta anyos na babaeng amo.

"Ma'am, hindi po yun ganun. Wala po akong balak na maghanap ng mapapangasawa dito sa Qatar. Gusto ko lamang pong kumita para matustusan ang pangangailangan ng pamilya ko", sagot ni Amelia kasabay ng hikbi at panliliit sa sarili.

"At anong tingin mo? Maniniwala ako sayo? Hindi ako pinanganak kahapon Amelia. Ilang kasambahay na kapwa Pilipina ang kilala ko at pare-parehas lang ang gusto nila. Iyon ay ang makapangasawa ng Arabo para umangat sa buhay. At alam ko na tulad nila, aahasin mo lang din ang asawa ko."

Maikling KwentoWhere stories live. Discover now