Ang Permanenteng Temporaryo

3 0 0
                                    

Sagisag Panulat: Monumento

Tatlong katok sa pinto ang hudyat na nandiyan na si Emily upang simulan ang araw sa paglalaba. Nagsisimula pa lamang sumikat ang araw noong umalis ang dalaga sa kanilang tahanan upang pumunta sa bahay ng kanyang pagsisilbihan.

"Oh, Emily? Ang aga mo ata ngayon,"

"Magandang umaga po, Aling Norma! Sinipag lang po talaga ako ngayong umaga dahil marami pa akong kinakailangang gawin mamaya,"

"O siya.. Kay sipag mo talagang ineng ka,"

Si Aling Norma ang unang taong kumausap kina Emily noong lumipat ang kanilang pamilya sa pook. Mabait ito at matulungin. Tansya ni Emily ay nasa mga 50s na ang matanda. Biyuda na ito na may dalawang anak. Ang panganay ay naninirahan na sa Canada kasama ang sarili nitong pamilya at ang bunsong babae ay nag aaral pa sa unibersidad.

May bagong trabahong papasukan si Emily bago sumapit ang tanghali kung kaya't kinakailangan niyang maaagang matapos sa labada. Araw ng Huwebes noon at kung normal na buhay lamang ang meron sila ay dapat ay daan papuntang kolehiyo ang pupuntahan ni Emily at hindi sa labahan. Lahat ng mga posibleng mapasukang trabaho ay sinusubok niya upang kumita ng perang sasapat sa kanilang pamilya. Ang mapait lamang na katotohanan ay kahit anong dobleng kayod niya ay ang kulang ay nagiging sapat sa kanilang pamilya. Labing siyam na taong gulang na ang dalaga at panganay sa tatlong magkakapatid. Kaya pa ba? Kinakaya naman yata e. Walang ibang magawa kundi kayanin dahil ito na ang reyalidad ng kanilang buhay kwento.

"Nag almusal ka na ba, ne? Kumusta na pala ang iyong ina..?"

Kasalukuyang nakaratay ang ina ni Emily na si Elma sa kanilang bahay at hindi pa rin gumagaling mula sa nararamdamang sakit. Daing ng ina e matagal na niyang iniinda ang sakit sa loob ng kanyang katawan bandang tiyan at atay. Ngayon na lamang sumakit nang husto ito kaya't hindi na nito magawang kumilos pa at makapag trabaho. Isang buwan nang si Emily lamang ang kumikilos upang maghanap buhay para sa kanilang pamilya. Dala ng kahirapan sa buhay ay hindi nila magawang maipa-check up ang ina sa doktor dahil wala silang labis na pera para rito. Hindi rin pumapayag ang ina dahil alam nitong malaking pera ang magagastos sa pagpapagamot na iyon. Sa kabilang banda ay napapa-iyak na ito sa sakit at halos hindi na makakakain.

Sa bawat kusot ay siya ring pagpatak ng mga luha ni Emily. Hanggang maaari ay iniiwasan niyang isipin nang malalim ang estado ng kanilang buhay ngunit may pagkakataon talagang napapagod na siya at nawawalan ng pag-asa.

"Pagod na ako... nagsisimula pa lang ang araw pero pagod na agad ako." bulong ni Emily sa kanyang sarili.

Pulido si Emily sa ganitong bahay trabaho. Nasanay na siyang makisama sa mga taong nakakasama niya pag naghahanap ng trabaho. Matapos ang pagsasampay ay inalok ni Aling Norma ang dalaga upang mag almusal muna.

"Halika.. Emily at mag umagahan muna tayo. Halata kong hindi ka pa kumakain ng kahit ano.. Totoo nga ba?"

Ngumiti ng maliit at tumango si Emily upang tugon sa matanda.

"Ay sinasabi ko na nga ba!" Pumasok ka sa kusina at kakain tayo. Tatawagin ko lamang si Sofia para sabay na tayong mag almusal," dali-daling sabi ni Aling Norma.

Natigilan si Emily noong narinig ang pangalan ng bunsong anak ng matanda. Hindi niya inaasahan na umuwi pala sa pook ito dahil ilang linggo na niyang hindi ito nakikita sa paligid. Humarap sa maliit na salamin na nakasabit sa dingding si Emily at mandaling inayos ang kaniyang buhok at pinunasan ang kaniyang pawis. Naisip nitong nakakahiya humarap sa mag-ina na mukhang pagod na agad samantalang kagigising lamang mula sa pahinga ang anak nito.

"El.. Emily, good morning!" si Sofia.

"Good morning,' bati ni Emily sa isa pang dalaga.

Matagal na nagkatitigan ang dalawa bago unang umiwas ng tingin si Emily.

Maikling KwentoWhere stories live. Discover now