Glow in the Dark

5 0 0
                                    

Sagisag panulat: Hotdogsaref

Madilim na ang kalangitan ngunit ang ngiti sa mukha ni Sela ay puno ng liwanag habang siya ay nakatingin sa isang bituing puno rin ng ningning.

"Papa, tignan mo po 'yung bituin ni mama." Sambit ni Sela habang nakaturo sa isang bituin.

"Oo nga anak, may gusto ka bang ikwento sa mama mo ngayon?"

"Meron po. Mama, nakakuha po ako ng award kanina sa eskwelahan. Ang sabi po ng guro naming ay mahusay akong mag-aaral. Sabi pa po niya na sigurado siya na proud kayo sa akin ni papa."

Saglit na tumahimik si Sela at saka muling nagsalita ngunit maririnig ang lungkot sa tono ng kanyang pananalita.

"Mama, sana nga po proud ka d'yan sa'kin. Pangako po, mag-aaral pa po ako nang mabuti para sa'yo at kay papa. Miss na po kita, mama."

"Sela, anak. Alam kong proud si mama mo sa'yo ngayon. At proud na proud naman ako sa'yo. Tandaan mo na nandito lang si papa, hinding-hindi kita iiwan at pababayaan. Gagawin ko ang lahat para sa'yo, anak."

Sabay bigay ng mainit na yakap naman nito sa anak.

Isang umaga ay malamig na hangin ang gumising kay Sunny.

"Alas tres na pala, kailangan ko nang bumangon at magtrabaho."

Agad naman itong bumangon at naghanda para sa pagpasok.

"Magandang umaga, anak. Papasok na si papa sa trabaho. Mag-behave ikaw ha? Magdadala si papa ng pasalubong pag-uwi mamaya."

Saglit na pagpapaalam bago lumabas ng pinto.

"Magandang umaga, Sunny!"

Masiglang bati sa kanya ni Ali.

"Maaga ka ulit ngayon ah?"

"Naku naman Ali, Sun na lang. Ilang beses ko ba uulitin sa'yo 'yan? At syempre maaga ako dahil ayokong mahuli ako sa trabaho." Sambit ni Sunny.

"Ah, o sige, Sun. Mag-iingat ka ha? Sabihan mo lang ako kung may kailangan ka."

"Sige, Ali. Paalam na muna."

Matapos nito ay agad na umalis si Sunny.

Lumipas ang araw at muling dumatal ang gabi. Pagpasok ni Sunny sa pinto ay agad nitong nilapag sa lamesa ang dala nitong mga bituing ginawa niya gamit ang mga papel.

"Sela, anak tignan mo ito oh. Mga bituin, tulad nung paborito mong tignan parati kada gabi. At tignan mo rin ang langit ngayon punong-puno ulit ng mga bituin."

Saglit na napatigil sa Sunny nang marinig ang malakas na buhos ng ulan.

"Hay, umuulan na naman. Mabuti nalang at nand'yan pa rin ang mga bituin."

Ngumiti siya nang kaunti at saka humiga sa kama.

"Anak, magkwento ka naman sa mama mo oh... sige na nga sa susunod nalang. Pagmasdan nalang muna ulit natin ang mga bituin."

Ganito na ang nakasanayang gawin ni Sunny araw-gabi. Sa umaga ay gumigising siya nang napakaaga at sa gabi naman ay hindi niya kinaliligtaan ang pagmasdan ang mga bituin.

Isang umaga, habang naglalakad si Sunny sa pasilyo, may narinig siyang dalawang naguusap at narinig niya mula roon ang pangalan niya.

"Boses iyon ni Ali ah? Bakit kaya nila ako pinaguusapan?"

Lumapit pa ito nang kaunti upang marinig ang usapan ng dalawa.

"Sa totoo lang, awang-awa na 'ko d'yan kay Sun." sambit ni Ali na may lungkot sa mukha.

"Hindi na ba talaga siya gagaling? Ano ba ang sabi ng doktor"

Nagtaka naman si Sunny sa narinig niya.

"Bakit naman maaawa sa 'kin si Ali? At anong hindi na ba ako gagaling? Maayos naman ang pakiramdam ko." Bulong niya sa sarili habang patuloy pa rin silang pinakikinggan.

"Oo e, malala na ang sakit niya."

"Ano ba ang dahilan bakit siya napunta rito? Nasaan ang pamilya niya? Wala pa akong nakikitang bumubisita sa kanya."

"Wala nang pamilya si Sun. Matagal nang patay ang misis niya dahil sa kanser. At ang anak naman nila... ilang buwan na ang lumipas mula nung namatay dahil sa pneumonia. At kaya naman siya nandito dahil kasunod ng pagkawala ng anak niya ay ang pagkawala ng kanyang sarili. Hindi niya 'yon kinaya, maraming beses niyang sinubukang tapusin ang sarili niyang buhay."

Hindi makapaniwala si Sunny sa mga narinig niya kaya naman hindi na niya napigilan pa ang sarili at agad na sumali sa usapan nila.

"Anong pinagsasasabi ninyo? May sakit ako? Patay na ang anak ko? Anong alam ninyo sa buhay ko?!"

"Sun, kumalma ka. Pasensya na sa mga narinig mo pero-"

"Kumalma? Pa'no ako kakalma, Ali, paano!?"

Onti-onting napaluhod sa Sunny sa sahig sa panlulumong nararamdaman bago ito muling nagsalita habang humihikbi.

"Matapos kong gawin ang lahat-lahat masigurado ko lang na maibibigay ko ang lahat ng pangangailangan ni Sela. Nagpakalunod ako sa trabaho magkaro'n lamang ng pangtustos sa pagpapagamot sa kanya. Naubos na rin ang ipon na itinabi ko para sa pag-aaral niya. Kaya, hindi ko maintindihan, bakit?! Bakit kailangan pa siyang kunin sa 'kin?! Ginawa ko naman ang lahat! Maging ang kalusugan ko ay naapektuhan mabubay lamang ang anak ko, kaya bakit?!"

Sa ikatlong pagkakataon, muling nawasak ang mundo ni Sunny. Una ay nang mawala ang asawa, ikalawa ay nang mawala maging ang inspirasyon niya upang magsumikap, anak anak niyang si Sela. At ikatlo ay ang muling pagbabalik niya sa reyalidad na wala na ang mga taong pinakamamahal niya. Ang taong dahilan para siya ay mabuhay.

Dahil sa bigat ng nararamdaman ay hindi na napigilan ni Sunny ang muling subukang tapusin ang sariling buhay at kasabay nito ay ang labis na kirot na kanyang naramdaman sa dibdib. Agad naman siyang napigilan at dinala pabalik sa kanyang silid.

Doon ay inihiga nila si Sunny na hindi pa rin humihinto sa pag-iyak.

Iniwan nila itong nakahiga sa kama. Sa sandaling iyon, hindi rin nagtagal ay kumalma na siya habang nakatitig sa kisame. Muli namang nanumbalik ang mga masasayang alaalang kasama niya ang anak na si Sela.

"Anak, makikita na kitang muli. Makakasama na muli kitang pagmasdan ang mga bituin."

Matapos sabihin ito ay ipinikit na ni Sunny ang kanyang mga mata. Hindi na ito muling dumilat at tuluyan nang binawian ng buhay sa kanyang pagtulog dahil sa atake sa puso.

Lumipas ang tatlong araw mula ng bawian ng buhay Sunny, kinailangan nang linisin ang kanyang silid upang magamit ng ibang pasyente.

Habang ito ay nililinisan may napansin ang dyanitor sa kisame.

"Ma'am Ali, aalisin na po ba 'tong mga nakadikit sa kisame?'

"Ah, opo kuya."

"Sige po. Ano po bai to? Mga bituin? Ito po ba 'yung glow in the dark?"

"Opo. Hiling po kasi nung pasyenteng yumao na lagyan ng mga bituin ang kisame ng kanyang silid. Paborito kasi nilang pagmasdan ng anak niya ang mga bituin nung nabubuhay pa ito. Pinagbigyan nalang din dahil napansin namin na mula nung dalhin siya rito sa facility ay sa tuwing nakakakita siya ng bituin ay kumakalma siya agad."

Lumipas pang muli ang mga araw hanggang sa naging buwan at taon.

Madilim na ang kalangitan ngunit ang mga bituing puno ng liwanag ay bumabalot sa tahimik at payapang nitong kadiliman. 

Maikling KwentoWhere stories live. Discover now