Puri x Putik

3 0 0
                                    

Sagisag panulat: Piccolo Dela Pena

Ang tekstong iyong babasahin ay sinasabing parte ng historya, isang katotohanan na naganap sa Pilipinas ilang taon na ang nakalipas, ngunit bilang manunulat ng kwentong ito, kailangan kong sabihin sayo na tratuhin na lamang ito na parang piksyon. May mga kaganapan sa mundo na 'to na mas maigi nang kalimutan, mga aral na makakasira lamang sa pag unlad ng siyensya at pilosopiya.

Mayroon lang siguro talagang mga bagay at kaganapan na hindi tama, mga pagkakamaling — hindi. Mali na tawagin ko silang mga pagkakamali sa realidad; siguro mas maiging tawagin natin silang mga kontradiksyon. Kontradiksyon, o kaya naman ang mga bagay na umiiral laban sa lohika ng daigdig.

Ang sentral na tauhan ng kwentong ito ay isang lumalakad na kontradiksyon. Ang kanyang kwento ay tapos na bago pa magsimula, at bago mo pa basahin ay naranasan mo na ang naganap.

Si Purik ay isang putik na nilalang. Mukha man siyang bata, siya'y noon ay pinupuri bilang isang diwata o kaya naman bilang isang diyos, depende sa tribong sumasamba. Kaso nga lang, nung sinakop tayo ng mga Espanyol at lumaganap ang Kristiyanismo, nawalan siya ng mga maniniwala at gayun ding nawala ang kaniyang kapangyarihan. Natulog siya ng ilang daang taon upang magconserve ng enerhiya at kapangyarihan, ngunit dahil mayroon nang ulit naniniwala sa kaniya, gumising siya sa kaniyang mahaba at mahimbing na tulog upang pasalamatan ang sumasamba sa kaniya— ako.

"Ang liit mo naman. Ayon sa mga nabasa ko tungkol sayo, ang sabi ay isa ka daw grand na existence." Sabi ko, habang kumakain ng ice cream kasama siya.

Ang cute cute niya. May pagka-itim ang kanyang balat at berde ang kaniyang buhok. Ang suot niya'y parang mga dahon na kulay ginto at berde.

"Maliit man ako, pero makapangyarihan naman! Di na masyado sa ngayon, pero kinaya ko parin namang tuparin ang kahilingan mo, hindi ba?" Sinabi niya at ngumiti.

Nagsimula ang lahat nung may nabasa ako sa Facebook tungkol sa isang wish-granting diwata sa likod ng Kabsu sa Silang. Tinanong ko agad ang aking propesor na isang expert sa historya ng Cavite na si prof. Danilo Ancano tungkol dito at ang sabi niya ay,

"Si Purik ng Putik. Siya'y isang sikat na idolo sa ilang mga rehiyon dito sa Cavite at sinasabing dahil sa geograpika ng Silang noon, madalas na nagkakaroon ng landslides sa mga mabundok na parte tulad na lamang sa ngayo'y kilalang Westgrove. Ito rin ang dahilan kung bakit mayaman ang Westgrove, ang mga ninuno ng mga orihinal na taga doon ay mga masugid na tagapaniwala ni Purik."

Mahilig nga daw magpatupad ng mga kahilingan ang diwata sa likod ng Kabsu, ayon sa netizens, at mukhang consistent ito sa mga sinabi sakin ni propesor Ancano. Sinabihan niya kong magbasa-basa pa kung kyuryoso ako at nag-rekomenda siya ng mga historikal na teksto na tungkol sa mga kaganapang pumapaligid kay Purik.

At matapos ang ilang linggo ng pagbabasa at pangongolekta ng mga sabi-sabi, nandito na nga ako ngayon kasama si Purik.

Pumunta ako sa likod ng Kabsu at binigkas ang mga dasal at ritwal na sinasabing nagbibigay puri kay Purik. Kailangan din daw ay may kasama itong meditation kaya naman kumuha ako ng haloblaks na nakatambak at inupuan ito upang masimulan na ang pag-memeditate. Matapos ang isang oras ay may batang humawak sa buhok ko, at ang sabi niya,

"Ha ha! Isa na namang mananampalataya ang ipinanganak sa mundong ito."

Napakasaya niyang sinabi iyon, ngunit masyado akong nabigla kaya naman hindi agad ako nakapagsalita.

"Ako si Purik, ang diyos ng putik! Kilala ako bilang tagapagligtas ng mga tao at diwata ng palayan. Kung may kahilingan ka, sabihin mo at tutuparin ko! Ikaw ang isa sa tatlo kong maniniwala kaya wag kang mahiya, gusto kitang pasalamatan para sa iyong pananampalataya."

Tunay ang kanyang galak. Sa aking mga nabasa, ang kapangyarihan at enerhiya ng mga diyos ay nakabase sa dami ng mga maniniwala at sa tindi o intensity ng kanilang pagsamba, kaya naman abot langit na ang ngiti ng lupang diwatang ito.

Sinabi niya sakin mayamaya na ang dahilan kung bakit siya mukhang bata ngayon ay dahil mahina na lamang ang kanyang kapangyarihan kaya naman hindi na niya kinayang bumuo ng mas malaki na katawan. Gawa lang sa lupa ang kanyang katawan, ngunit hindi mo madidifferntiate and kaniyang itsura sa normal na tao. Nung nagkomento ako tungkol dito, ang sinabi niya ay,

"Mahika. Mukhang nawalan na ng gamit ang mahika sa teknolohikal na mundong ito, ngunit totoo ang mahika! Kung sa tingin mo ay pagpapalit lamang ng itsura ang kayang gawin ng mahika, nagkakamali ka! Kung mayroon kang kahilingan, wag kang mahiyang sabihin ito at tutuparin ko ito ng walang hirap."

Masasabi kong natupad na ang hiling ko na makakita ng diyos, kaya wala agad akong maisip. Sinabi ko na muna sa kaniya na baka gusto niya muna kumain. Hindi pa daw siya gutom at hindi niya kayang magutom. Tama naman siya. Pag pinakain ko siya, para bang nagtapon ako ng pagkain sa lupa.

"Pero kung ang hiling mo ay kumain ako, kaya kong magkaroon ng panlasa gamit ang mahika!" Isinigaw niyang may pagmamalaki.

Pumunta kami sa canteen at bumili ng ice cream popsicles. Bago iyon ay sinabihan ko na muna siyang palitan ang kaniyang damit at gawing kapareho ng sa akin upang hindi kami mahuli. Ang totoo ay ayaw kong ma-OSAS dahil sa nagdala ako ng bata sa campus. Pinapalitan ko rin ang kaniyang buhok dahil bawal ang berdeng buhok dito. Maliliit naman ang mga estudyante dito kaya hindi na ko nag-aalala na baka mabisto pa kami.

Nagkuwentuhan kami ng saglit at nung oras na ng klase ay naghiwalay na kami. Pagkatapos niyang magpaalam, bigla nalang natunaw ang kanyang katawan at tuluyang naging parte ng lupa.

Pagkatapos ng klase ay nagpaalam ako sa mga kaibigan ko at dumiretso sa likod ng Kabsu. Naghukay ako ng kaunting lupa at inilagay sa aking dalang paper bag.

Ang totoo ay bumagsak ako sa isang exam dahil sa pag-aaral tungkol kay Purik. Ang hiniling ko sa kaniya ay pumasa ako sa subject na yun at ang sabi niya ay maghukay daw ako ng lupa mula sa kung saan ko siya unang nakita at ilagay ito sa laptop ng teacher ko.

Ginawa ko nga ito at kinabukasan ay wala namang nagpapatawag sa akin o kaya naman mga chismis na lumulutang sa loob ng faculty. Hindi ko alam kung anong nangyari sa putik na binuhos ko doon at hindi ko alam kung papasa ako dahil dito, pero nananatili ang aking kumpyansa dahil sa aking paniniwala kay Purik.

Para sa ending, o ang punchline: pumasa ako! Pumasa ako ngunit bagsak parin dun sa isang exam, kaya hindi ganon kataas ang final grade ko. Mukhang totoo ngang walang mangyayari kung magbuhos ka ng lupa sa lamesa ng teacher mo. Iyan ang gusto kong sabihin, ngunit nung kinausap ko ulit si Purik, ang sabi niya ay sinubukan niyang gamitin ang lupa upang gumawa ng replica ng laptop. Bakit kamo? Para daw makagawa siya ng laptop kung saan ang files ng grades ko ay edited, pero mukhang hindi niya naitanong ang pangalan ko kaya binagsak niya nalang ang lahat sa exam.

Tungkol sa orihinal na laptop, ang sabi niya ay dahil ang raw materials nito ay nanggaling sa lupa, kaya niya rin ito ibalik sa lupa. Gamit ang mahika, binalik niya sa kanyang lugar ang lupa mula sa laptop.

Imbis na mag break na agad ay gumawa pa ako ng sandamakmak na activities para hatakin ang grades ko pataas. Kung bakit niya binagsak kami lahat imbis na ipasa, ang sabi niya ay natural lang na hatakin pababa papunta sa lupa ang mga bagay.

"Ito ay isang unibersal na patakaran ng mundo!" proudly niyang sinabi.

Magkaiba talaga ang common sense ng mga diyos at ng mga tao. Nakikita ko na kung bakit naniwala agad kay Kristo ang mga sinaunang Pilipino, pero kailangan ko paring patibayin ang aking pananampalataya kay Purik. Hindi pwedeng pati ang aking relihiyon ay imported. Kahit na gusto ko siyang ipadeport sa nakaraang linggo, kailangan kong manatiling matatag.

"Pasensiya na!" Iyak ni Purik pagkatapos ko siyang pagalitan.

Isa parin akong tagapaniwala ni Purik, ngunit napagisip-isip ako. Bilang isang mamamayan ng dating kolonyal na bansa, ang hirap manatiling tapat sa sarili kong kultura. Kung ano ang normal kay Purik ay ibang-iba sa akin. Para bang naka sang ayon na sa isip ng mga dayuhan ang isip ko. Mula sa mga pananalita at sa paniniwala, di ko na kayang maging purong Pinoy, kahit anong pagaaral pa ang gawin ko.

Maikling KwentoWhere stories live. Discover now