Levi
Lumipas ang Sabado at Linggo na parang bula. Sobrang bilis nawala. Ni hindi ko nga ata naranasang magpakatamad at humilata sa kama ko.
"Lev, tuloy ka ba sa Acquaintance Party?" ani ni Abby. Ilang beses nang pumasok sa isip ko 'to. Nagkataon kasing birthday ko ang araw na gaganapin ang Acquaintance Party. Pero, wala naman akong gagawin sa araw na iyon. Wala rin sila Mama at Lola rito para samahan akong mag-celebrate.
"Kung saan ka," sagot ko.
Nakapila kami ngayon sa pagkahaba-habang linya sa cafeteria. Mabuti nalang talaga at mabilis ang service rito, kasi titiisin ko nalang ata 'yong gutom ko kung hindi.
"Anong kung saan ako, e, birthday mo 'yon?!" usal nito habang kunot ang noo at humahampas pa sa hangin.
"Pupunta ka ba?"
"Oo naman."
"Edi pupunta rin ako."
"Okay," ani nito saka humalukipkip at nag-pout. "Pero do'n ka dapat sa mag-eenjoy ka!"
"Diyos ko, abante na!" paghati sa amin ng isang babae sa likuran ko. Agaran namang umabante si Abby sa nabuong bakante sa harap nito, saka humarap ulit sa akin.
"Mag-eenjoy ka ba do'n? Sa maraming tao? Maingay? Maraming pakitang gilas?" tanong nito.
"Tss. Ano naman? Nagtratrabaho nga ako sa bar, e," sagot ko saka tinapik siya ulit para umabante.
"Sabagay." Suminghal ito saka walang pakundangang niyakap ako. "Love you, Lev." Napaka-extra talaga nitong si Abby.
Malapit-lapit na kami sa pinaka-una ng linya nang biglang tumahimik ang buong cafeteria - na isa lang ang pwedeng ibig sabihin.
Naiinis talaga ako sa tuwing tinatrato sila nang ganito. Oo't mayaman, may itsura, o influential sila, pero... hindi naman na 'to high school, 'no? O, baka naman tradisyon ito sa El U? Iyong may mga sinasambang estudyante.
Saka nagkataon pa talagang ganitong ganito na naman ang eksena namin katulad noong nag-trending na video.
"Hey, Levi! Abby!" tawag ni Kieran.
Kung tahimik ang cafeteria noong dumating sila, mas tumahimik pa ulit ito nang tawagin kami ni Kieran.
Tinaasan ko ito ng kilay.
"Chill, Levi," ani ni Kieran saka nag-angat pa ng mga palad sa hangin.
"You can go first," ika ni Landon saka ngingiti-ngiti pa.
"Oo, una na kayo," dagdag pa ni Kieran. Napansin ko si Supremong tinitingnan ang dalawa habang kunot ang noo at nakapamulsa.
Aba'y dapat lang, kami kaya nauna rito.
Umabante kami ni Abby at saka sinabi ang mga order namin. Nanatili 'yong tatlo sa gilid namin, pinapanood ang interaksyon namin ng crew. Nang maibigay na sa amin ang mga tray ng pagkain ay balak na sana naming umalis ngunit nagbitaw ng tanong si Kieran.
"Gusto niyo bang makiupo sa table namin?"
"Hindi."
"Sure!"
"No way!"
Sabay-sabay naming usal nina Abby at Supremo. Nagtama ang matalas na tingin namin ni Supremo.
"No fucking way," matigas na usal nito, saka bumaling kay Kieran at sinamaan ito ng tingin.
Tiningnan ko naman nang matalim si Abby. So, ngayon hindi niya na hate si Supremo? Parang noong isang araw lang kung maka-react parang siya 'yong nasisante, a.