Chapter 13

17 6 9
                                        




CHAPTER 13
Silaw

☾︎☀︎︎☽︎

"Sigurado ka na ba talaga dito, Lorie? Wala nang atrasan 'to, ha?" Paninigurado sa'kin ni Ica.

"Wala nang bawian, Ica. Nai-send ko na rin kay Luke."

"Handa ka na ba talaga?" Tinapik-tapik ni Ica ang balikat ko— encouraging me.

"Matagal na natin 'tong hinihintay. Na magkaroon ng pagkakataon na pakinggan. Ngayon mayroon na akong makakasama, alam kong ito na ang tamang oras, Ica."

Matagal ko nang tinatago. Alam ko sa sarili ko na hindi ako straight na babae. Hindi ko alam kung anong specific na gender identity ko— I'm still figuring things out. "Alam kong mapagkakatiwalaan sila."

"Maraming manghuhusga sayo, Lorie."

"Sanay na tayo diyan, Ica."

"Lalayuan ka nila." Sabi ni Ica.

"Nandiyan ka naman."

"Liliit ang mundong gagalawan mo, Lorie."

Umiling ako. "Matagal ng maliit at masikip ang mundo para sa mga kagaya ko."

☾︎☀︎︎☽︎

"Malapit ka nang magseminaryo, Drei.." Mapait akong ngumiti sa kaniya. "Matagal na bago tayo ulit magkita."

Magkahalong lungkot at saya ang nararamdaman ko ngayon. Malapit nang matupad ang pangarap niyang maging isang ganap na Pari gaya ni Father Fabian.

"Ba't parang nagpapaalam ka na? Matagal pa naman 'yon. May panahon pa para mapag-isipan."

"Kamusta na kaya si Liam?" Sabi ko. "Siguro masaya rin 'yon 'pag nalaman niyang malapit mo nang matupad pangarap mong maging Pari ng Islang 'to. Ikaw papalit kay Father Fabian 'pag umalis na siya."

Habang nakatanaw sa napakalawak na tubig ng Isla, hindi ko maiwasang maging malungkot.

Si Liam lang ang nagturo sa akin kung paano maging matapang sa mapanghusgang Isla na 'to. Tanggapin kung anong uri ako ng lamang dagat. Ipagmalaki kung anong mga kaya kong gawin.

Miss na kita Liam.

Miss ka na namin ni Andrei..

"Tigil na natin mga tanong na 'yan, Vien. Hindi rin naman natin 'yan masasagot." Ramdam ko ang lungkot sa boses niya.

"Bakit tayo titigil kung wala pa tayong nakukuhang sagot? Kasalanan niya ba na gano'n ang nararamdaman niya?"

Unti-unti nang tumulo ang mga luha ko sa mata. "Drei, kaibigan natin si Liam."

"Hindi naman tayo ang may kasalanan kung bakit nangyari 'yon sa kaniya."

"Anong gusto mong palabasin? Na siya ang may kasalanan kung bakit nagawa niya 'yon sa sarili niya? Pa'no mo nasasabi 'yan? Kaibigan mo si Liam, Drei."

"Ang sabi ni Father Fabian, hindi niya kinaya ang kahihiyan na ginawa niya kaya niya 'yon nagawa sa sarili niya, Vien."

"Kahihiyan? Pinagmalaki niya lang naman kung sino at ano siya, Drei. Bakit ka ba kasi naniniwala kay Father Fabian?"

"Eh, kanino mo 'ko gustong maniwala? Sayo?"

Hindi ako kumibo. Nakatingin lang ako sa kaniya habang tumutulo ang mga luha ko.

"May pag-asa ka pa, Vien. May pag-asa ka pang magbago at gumaling."

Hindi ko maintindihan kung bakit nasasabi ni Andrei lahat ng 'to. "Hindi naman ako isang sakit na kailangan gamutin, Drei. Hindi rin ako isang sira na kailangan ayusin."

Nagmadali siyang tumayo habang ako nakatingin sa kawalan. "Tigil mo na sapantaha mo, Vien. Wala na si Liam. Hindi na siya babalik."

"Miss na miss ko na si Liam, Drei. Kung bibigyan ako ng pagkakataon na makausap ulit siya, gagawin ko. Wala akong sasayangin na oras kasama ang kaibigan natin."

Hindi ko na muling tinignan si Andrei. Hindi ko kaya. Hindi ko maintindihan kung bakit gano'n na lang ang trato niya kay Liam na dati niya rin kaibigan.

Sidapa at BulanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon