Chapter 26

380 41 2
                                    

"Hindi puwede!" Bulalas ni Jason, matapos na ipagpaalam ni Helga si Helena sa mundong nais niyang subukang pasukin. Naihampas nito ang binilot na broadsheet newspaper sa center table sa salas; saglit din nitong tinapunan ng sulyap si Helena. "Tigil-tigilan mo nga ako Helga. Ano? Ipabubuyangyang mo sa buong mundo ang katawan n'yang anak mo? Para ano? Para pagnasaan siya ng mga gagong manyak? Alam mong hindi papasa sa akin ang ganyan. Kaya pasensya ka na anak," pagbaling nito sa anak, "hindi uubra sa akin 'yang modelling-modelling at pageant-pageant na 'yan. Puro kalandian lang ang matututunan mo sa karerang 'yan!" Muli nitong binuklat ang hawak na peryodiko upang ipagpatuloy ang pagbabasa. "Huwag na anak." Pagpaparinig nito kay Helena, "mag-aral ka na lang at magsulat. Two semesters na lang makaka-graduate ka na. 'Yun na lang ang atupagin mo kaysa r'yan sa iniisip mo."

"Ano bang ibubuyangyang ang pinagsasabi mo r'yan?" agad na singhal ni Helga sa asawa, hindi naman porno ang pinag-uusapan natin. "Hindi naman siya paghuhubarin ni Mitos kundi dadamitan pa nga."

"Dadamitan?!—" Pinandilatan ng mata ni Jason ang asawa, "—nang mga kulekson niyang madalas na kinakapos sa tela? Eh 'di ba't 'yang si Mitos din ang kilalang stylist ng mga babaeng nakabikangkang nang hubo't hubad sa mga men's magazine?"

"Huli ka!" Bulalas ni Helga, sabay palo sa braso ni Jason,

"paano mo nalaman 'yon, ha? Malalaman mo ba 'yung kung hindi ka rin nagbabasa ng mga men's magazine na 'yan?"

"Ako pa ba ang pagbibintangan mong nagbabasa ng mga kaputahang 'yan?" Nanggagalaiti ito sa inis, "ba't 'di mo tanungin 'yang panganay mo? Hindi ba't siya ang may subscription sa kung ano-anong malalaswang magazine na 'yan, at pagkatapos ay pakalat-kalat lang dito sa bahay? For your information, at alam din ni Jasper 'to, na sinunog ko lahat ang mga punyetang magazine niyang pakalat-kalat! Putragis na 'yan! Hindi ko alam kung anong nagugustuhan n'yang anak mo sa pagtingin sa hubad na katawan ng mga babae. Nagkakasala lang siya sa pagnanasa sa mga babaeng hindi naman niya asawa. Ang pinagnanasaan ng mga lalake, dapat 'yung asawa lang nila. Hindi 'yang kung sino-sino..."

Sa halip na mainis ay natatawa na si Helga sa panginginig ni Jason sa inis. Alam naman kasi niyang tila ba isang matanda sa una ang kanyang Asawa na sadyang walang kahilig-hilig sa malalaswang bagay. Kaya tinabihan na lamang nito ang asawa, niyakap at kinarinyo.

"Huwag kang mag-alala, Love." Hinahalik-halikan nito si Jason, "babantayan ko naman siya. Hindi ko siya papayagang pagdamitin ng malalaswa. Ipapahamak ko ba naman ang anak natin? Eh...gusto lang daw niyang subukan. Marangal na career naman ang papasukin niya kaya payagan mo na. Minsan lang naman humiling si Helena. Mabait naman siya," saglit na sinulyapan ni Helena ang anak at kinindatan, "at alam naman niya ang limitations niya. Sa sobrang hinhin niyang anak natin, siguradong siya na mismo ang tatangging gawin ang mga bagay na lagpas na sa limitations niya. Tingnan mo nga si Jasper natin, 'di ba sideline din n'ya 'yan kahit no'ng mga panahong nag-aaral pa siya sa kulehiyo?"

"Eh iba naman 'yon! Lalake naman 'yon eh." Pasinghal pa rin ang banat ni Jason. "At sa bangis ng batang 'yon, alam kong kaya no'ng ipagtanggol ang kanyang sarili sa kahit sinong mambabastos sa kan'ya. Pero itong si Helena, ano?" Iginuso nito si Helena bagaman nakatutok pa rin ang mga mata niya sa binabasa, "eh mayumi pa nga 'yan sa makahiya, 'di ba? Eh paano kung may mga gagong mambastos sa kanya at alukin siya ng kung ano-ano at dalhin siya kung saan-saan? Hindi ba't dinadayo ng mga matutulis na Politikong hukluban ang mga modelling at pageant na 'ya para maghanap ng mga puwedeng gawin kabit? At kapag hindi nakuha ang gusto eh nangha-harass na ng mga babae—sampu ng mga kapamilya nito, para masunod ang kapritso? Lintek na iyan! Huwag na't baka makapatay pa ako. Duktor ako, hindi mamatay tao!"

"Grabeng layo na ng narating ng imahinasyon mo, Love. Hindi na naman menor de edad itong bunso natin kaya kung tutuusin, hindi na niya kailangan ang consent natin. Pero dahil iginagalang niya tayo, nagpapaalam siya ng maayos. Payagan mo na, Love. Kasama naman niya ako. Ako ang P.A. niya kaya huwag ka nang mag-alala."

My Incognito HeartBreakerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon