Hungry wolf!
*Alexander*
Hindi nag-aksaya ng oras ang babae. Hinugot niya ang patalim at agad na hinarap ang susunod na lalaki. Ang pangalawa’y tila mas nag-iingat, iniwasan ang mga saksak ng babae, pero sa isang pagkakamali, nahuli siya ng talim sa balikat. Nakita ko kung paano siya napaatras, hawak ang sugat habang dumudugo ito ng malala.
Ang ikatlong lalaki’y biglaang sumugod mula sa likuran, hawak ang isang pamalo, pero parang naramdaman ng babae ang kanyang paglapit. Bigla siyang lumingon at sa isang mabilis na galaw, isinaksak niya ang patalim sa tiyan nito. Nakita ko ang pagyuko ng lalaki, ang dugo’y dumaloy mula sa kanyang bibig habang bumagsak siya sa malamig na semento.
Lahat ng ito’y nangyari sa loob ng ilang segundo, pero pakiramdam ko’y parang bumagal ang oras habang pinapanood ko ang bawat galaw ng babae. Ang mga lalaki’y isa-isang bumagsak, ang tunog ng kanilang pagbagsak sa semento’y parang tumutusok sa aking pandinig, habang ang babae’y nakatayo sa gitna nila, ang patalim sa kanyang kamay’y pumapatak ng dugo.
Nanlalamig ang buo kong katawan, napahawak ako sa bibig ko, hindi makapaniwala sa nasaksihan ko. Ang mga lalaki’y humihinga pa, ngunit halatang malapit na sa kamatayan, at ang babae’y tahimik na nakatingin sa kanila, ang kanyang presensya’y puno ng peligro at poot.
Nakakatakot siya.
Biglang lumingon ang babae, at sa pagkakita ko sa kanyang mukha, parang tumigil ang mundo ko. Hindi ako makapaniwala sa nakita ko—si Candice. Ang babaeng nasa harap ko, na kakatapos lang pumatay ng tatlong lalaki.
Napaupo ako sa sobrang gulat, at hindi sinasadyang nasagi ko ang basurahan. Ang ingay nito'y nag-echo sa tahimik na paligid, at agad na lumingon si Candice patungo sa direksyon ko. Nakita ko ang pagbabago sa kanyang mukha, mula sa malamig na determinasyon patungo sa nag-aalalang gulat.
Mabilis akong tumayo, ang takot na unti-unting kumakain sa akin. Tumakbo ako nang mabilis, walang lingon-likod, patungo sa condo. Ang puso ko'y parang mababaliw sa sobrang bilis ng tibok, at ang utak ko'y gulong-gulo. Hindi ko maintindihan kung paano nangyari iyon, kung paano naging si Candice ang babaeng iyon.
Pagdating ko sa condo, agad kong sinarado ang pinto at sumandal dito, habol-habol ang hininga. Hindi ko mapaniwalaan ang mga nangyari. Candice... paano? Bakit?
Ramdam ko pa rin ang panginginig ng buong katawan ko habang dahan-dahang bumagsak ang likod ko sa pader, napaupo sa sahig, at tinakpan ng mga kamay ko ang aking mukha. Sa isip ko, paulit-ulit na bumabalik ang eksena, ang mga tanong na walang kasagutan, at ang takot na tila hindi na mawawala.
"Alex!" Tawag niya sa akin habang malakas na pinupukpok ang pintuan ng condo ko. Hindi ako sumagot. Pinipilit na iligtas ang sarili.
Paano kung ako naman ang papatayin niya?
Totoo ba itong lahat?
Hindi ba ito parte ng panaginip ko?
Pero hindi, e. Totoo ito! Totoo ang nakita ko. Pinatay ni Candice ang mga lalakeng iyon. Siya ba talaga iyong nakita ko? Kasi parang hindi. Malayo siya sa Candice na kilala ko. Sa kabila ng lahat, mananatili ang takot ko sa kanya.
"Please talk to me!" Dagdag niya. Nanatili akong nakasandal sa pintuan. Hindi ko siya sinagot. Wala naman akong balak na kausapin siya sa oras na ito.
Lumipas ang mga araw, at parang nawala na lang si Candice sa ere. Hindi ko na siya nakita kahit saan—hindi sa dance club, sa eskwelahan, o kahit sa condo. Sa dance practice, tahimik na nagsimula ang lahat, at habang tumatagal, napansin kong hindi na siya dumadating. Ang presensya niyang dati’y palaging naroon ay tila naglaho, nag-iwan ng alingawngaw ng mga tanong na bumabagabag sa isip ko.
YOU ARE READING
Milk and Coffee
RomanceAlexander Firethorn, son of the owner of Firethorn University, harbors a passion for dance that burns brighter than any family legacy. However, his dreams of starting a dance club are jeopardized when the signature of the Student Government Presiden...