SALARIN SALAMIN

51 5 0
                                    

"Kuya ipaubaya mo na kasi sa akin ang lahat. Malapit ko na rin malaman kung sino ba sa kanila ang dapat nating sisingilin sa nangyari sa iyo."  Wika ni Ignacio sa kapatid ng maabutan nito ang kanyang kuya na nag bibihis.

"Higit pa sa paniningil ang kailangan ko. Dahil sa kanila nawala ang dalawang taong mahalaga sa buhay ko. Kaya buhay din nila ang kapalit. Wala na silang awa, pati ang walang mga malay nadamay sa mga kademonyuhan nila mga hayop sila." Tugon ng kuya nito.

"Naiintindihan kita kuya, pero hindi sa ganitong paraan nila dapat magbayad. Mapapahamak ka lang. Hayaan mo na ako sa lahat."  Pakiusap pa ni Ignacio sa kapatid.

Napabuntong hininga naman ang kuya nito habang nakatingin sa salamin na nasa aparador.

"Sa tuwing nakikita ko ang pilat na ito sa mukha ko. Hinding-hindi ko makakalimutan kung paano nila ako binawian ng pamilya." Wika pa nito habang hinahaplos ang bahagi ng mukha nitong may pilat ng sunog.

Bumalik tanaw ito sa tagpong nag dulot sa kanya ng matinding bangungot at nag tanim sa kanya ng puot sa dibdib.

General Roxas Mental hospital, Lunes;  alas tres ng hapon. Nagkakagulo nun ang mga media reporters mula sa labas ng gate ng mental facility dahil sa pagpasok noon ng isang psycho killer, si Romero Santana. Anak sa labas ni Gov. Emilio Gracia Santana. Naging aligaga ang lahat ng mga doktor, nurses at staff ng lugar na iyon dahil sa pagkaditeni nun ni Romero.

"My labs , mag-ingat ka sa taong iyan. May sa hayop ang ugali ng isang iyan baka pati kayo dito pagdiskitahan pa ng mamamatay tao na iyan."

"My labs naman kahit sino naman sa kanila dito nag-iingat naman kami. At huwag ka mag aalala nakabukod naman ang Romero na iyan sa iba. At may assigned pulis naman na nakabantay sa kanya."

"Inaalala lang kita at ang magiging baby natin. Baka madagdagan ang stress mo at maapektuhan ang kalusugan niyong dalawa. Kung ako ang masusunod patitigilin na muna kita sa pagiging nurse mo dito."  Saad pa ni Lucas sa asawa.

"Isang buwan palang itong binubuntis ko my lab, huwag kang OA. Ang mabuti pa bumalik ka na sa trabaho mo, makakaasa ka mag-iingat ako. Iingatan ko ang baby natin." Ayon sa asawa nitong nurse na si Nica.

"Mag ingat ka my lab, I love you."

"Bye my lab, I love you too."

Iyon ang naging huling mga salita ng pamamaalam narinig ni Lucas mula sa asawa, dahil gabi ng araw din na iyon sumiklab ang isang trahedya na nagpaguho ng lahat ng kanyang pangarap sa buhay. Nasunog ang buong mental hospital. At bilang isang bombero,hindi lubos maisip ni Lucas na isang araw , susubukin ang kanyang katatagan sa serbisyo. Kabilang sila sa mga rumesponde sa sunog. Natigalgal si Lucas nang maabutan ang mala-impiyernong sitwasyon na ng hospital na nilalamon na ng apoy. Napasigaw ito na tinatawag ang pangalan ng asawa. Inilayo na ng mga kasamahan si Lucas sa lugar dahil nawala na ito sa pukos ngunit ang pagnanais na matagpuan pang buhay ang asawa ang nagtulak dito na suungin ang nagliliyab na gusali. Bagama't delikado at lubhang mapanganib na. Nakuha parin nitong matagpuan ang mahal na asawa. Nailabas nga nito sa nasusunog na gusali ang asawa nagtamo naman ito ng sunog sa mukha matapos mabagsakan ng kisame. Akay-akay noon ni Lucas ang lapnos na katawan ng asawa ngunit wala na rin itong buhay. Halos mabaliw sa pangungulila si Lucas na yakap-yakap ang labi ng asawa.

Walang kahit isa ang nakaligtas sa sunog, maging ang anak ni gov. Santana. Ngunit hindi roon naniniwala si Lucas. Gumawa ito ng sariling imbestigasyon hanggang sa nalaman nito na totoo ang kanyang hinala. Sinadyang sunugin ang hospital upang itakas si Romero.

Buwan at taon din ang ginugol ni Lucas sa pagsubaybay sa pamilya Santana, upang makamit ang hustisya sa pagkawala ng mag-ina nito. Ngunit mahirap pasukin ang bakuran ng mga Santana. Muntik na ito mawalan ng pag-asa hanggang sa natuklasan nito na may kasintahan pala si Romero, si Salvi. Na sa mga panahon na iyon ay kababalik lang mula ibang bansa kasama ang bago nitong asawa.

DAYOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon