Chapter 32

1.7K 37 0
                                    

Chapter 32

Papasok na sana ang binata sa loob ng kanyang kotse nang biglang nakarinig siya ng mga nagbubulungang boses. May bata, may matanda, may babae at may lalaki. Tila nasa mga 50 katao ang nag-uusap sa isa't isa. Hindi niya maipaliwanag ang kanyang nararamdaman na para bang may kung anong puwersa ang pumipigil sa kanya na umalis sa lugar na iyon. Hindi ito pinansin ni Ellie sa halip ay pumasok siya nang tuluyan sa loob ng sasakyan at sinubukang paandarin ito pero sa kasamaang palad ayaw nitong mag-start. Ilang ulit na sinubukan ni Ellie na paganahin ang kanyang kotse pero wala pa ring nangyayari.

Habang abala siya sa kanyang ginagawa ay biglang bumukas ang pintuan sa may bandang kanan na siyang malapit sa kagubatan. Tiningnan niya ang kanyang orasan at laking gulat niya nang nakita niya itong hindi gumagalaw, eksaktong ala-una empunto. Kinuha niya ang kanyang cellphone pero wala itong signal. Binuksan niya ang kanyang radio at wala din itong reception. Nang biglang may boses siyang narining, tinatawag ang kanyang pangalan.

Ellie....

Ang boses ay nanggagaling sa masukal na gubat na tila niyayaya siyang pumasok. Sa kabila ng kakaibang nararamdaman ng binata ay naglakas-loob siyang pumasok sa nasabing lugar. Lumabas siya sa kabilang bahagi ng kanyang sasakyan kung saan kusang nagbukas ang pinto at naglakad papasok ng gubat. Masukal ito, napakatahimik at nakakakilabot. Sa sobrang tahimik ay pakiramdam niya ay nag-uusap ang mga puno sa isa't isa at parang may mga matang nakatingin sa kanya. Hindi kalayuan mula sa pinasukan niya ay may nakita siyang kubo. Nilapitan niya ito at hinanap ang may-ari ng naturang bahay.

Ellie: Tao po! Tao po! Pasensya na po sa disturbo. May tao po ba rito? Tao po!

Sa sobrang liit nito ay naikot lang ni Ellie ang buong bahay. Sa likuran ay may kung anong amoy siyang nalanghap na nakakasulasok sa ilong. Mas mabaho pa sa amoy ng bahay ng Tikbalang sa Sitio Bughaw Bato. Sa lupa ay may mga putik na parang mga dumi ng baboy. Dahil dito ay nilisan ni Ellie ang lugar at bumalik sa harapan. Dito ay sinubukan niyang sumilip sa loob. Dahil nga gawa lamang sa nipa ang bahay at sa sobrang luma ay parang magigiba na ay mabilis niyang nabuksan ang pintuan.

Ellie: Tao po? May tao po ba rito?

Nang ipinasok ni Ellie ang kanyang ulo sa loob ay tumambad sa kanya ang iba't ibang halaman, may iba't ibang dahon at ugat na nakalapag sa mesa na gawa sa kahoy. May kumukulong tubig na nakapatong sa nagbabagang uling. Mga bungo ng hayop na nakasabit sa bintana na parang ginawang kurtina at marami pang iba. Dahil sa walang nakita ang binata ay nagdesisyon siyang umalis na lamang.

Pero nanlaki ang kanyang mga mata nang sa pagsara niya ng pinto ay biglang may nagsalita sa loob.

Sigurado ka bang aalis ka na kahit na hindi mo pa nakukuha ang kailangan mo?

Dahil sa hindi pa naman nakakaalis nang tuluyan si Ellie sa kanyang kinatatayuan ay agad siyang bumalik at biglang binuksan ang pinto.

Isang matandang lalaki ang nakaupo sa kaninang walang taong upuan malapit sa mesang gawa sa kahoy na may mga halaman, naghahalo ng kung ano sa isang lalagyan na may kumukulong tubig.

Tumuloy ka binata.

Anyaya ng matanda.

Matakot Ka! ( Book 3 )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon