Levi
"Phospholipids. The backbone of every single cell membrane in your body. Without them, your cells wouldn't know where to start or end... They form bilayers — hydrophilic heads facing out, hydrophobic tails tucked in — creating a selective barrier that controls what enters and exits your cells."
Parang hangin lang na dumadaan ang bawat salitang binibitawan ni Sir Raf, ang professor namin sa biochemistry. Pumapasok sa isang tenga, lumalabas sa kabila.
Nakatitig pa rin ako sa kanya, pero ang isip ko? Wala rito. Ando’n! Lumilipad sa malayo.
"Now, cholesterol — often demonized as the ‘bad guy’ — actually plays a crucial role in membrane fluidity. Too rigid, and your cells become brittle. Too loose, and they fall apart... Cholesterol keeps everything balanced, making sure your cells function properly no matter the temperature," pagpapatuloy niya.
Napabasa ako ng labi habang sinasalo ng ballpen ang pisngi ko. Kahit gusto kong magmukhang attentive, hindi ko mapigilang mag-isip.
Sino ba namang matinong nilalang ang pupunta sa bar nang naka-boxers lang?
Tss. Hindi ko alam kung matatawa ako, maiinis, o mahihiya. Pero sa totoo lang, mas lamang talaga ang inis.
Hindi siya marunong pumili ng lugar. Hindi marunong kontrolin ang emosyon. Kung ano ang naisip gawin, ’yon ang gagawin. Kung ano ang naramdaman, ’yon ang paiiralin.
Pa’no sasabak sa relasyon ’yon kung gano’n umakto?
At ito pa.
Ang kapal pang humalik ng walang permission. Do’n talaga ako nabwisit nang malala, par.
Kahit sabihin mong malambot nga ang labi niya, magaling siyang humalik, at halatang nagto-toothbrush siya araw-araw...
Lalaki pa rin ’yun, uy.
Tsaka pa’no kung may sakit pala siya? Sipon, ubo, trangkaso, o kung ano pa man? Edi nahawaan ako? Inuuna kasi ang harot, eh.
"Levi."
Napakurap ako.
Lahat ng kaklase ko nakatingin sa’kin, at si Sir Raf? Nakatukod ang dalawang kamay sa mesa niya habang diretsong nakatitig sa akin.
"Care to explain how cholesterol affects membrane dynamics?"
Peste.
Ako na lang lagi. Tuwing walang nakakasagot sa klase, ako ang tinatawag. Ano 'to, Google search bar?
Napabuntong-hininga ako bago dahan-dahang tumayo.
"Cholesterol regulates membrane fluidity by preventing it from becoming too rigid or too... permeable," sagot ko, diretso at walang paligoy-ligoy.
Kahit hindi ako nakikinig, napasadahan na ‘to noong Senior High.
"Hmm. And how does it do that?"
"Sumisingit siya sa pagitan ng phospholipids... At low temperatures, it prevents them from packing too closely, keeping the membrane from solidifying. At high temperatures, it restricts excessive movement, maintaining structural integrity."
"Good. Now, explain how cholesterol interacts with membrane proteins."
Jusko, Lord.
"Sir, kung essay ang gusto niyo, paki-email na lang po 'yung tanong para may oras akong sagutin nang maayos," saad ko, ngumiti para hindi magmukhang suplado.
May narinig akong mahihinang tawa sa paligid, pero hindi ko na pinansin.
Si Sir Raf? Napangiti lang bago tumango. "Fair enough, Levi."
