Special Chapter 4

725 30 4
                                        


Unang beses ko silang makitang anim na kahit ngumingiti o civil sila sa lahat, parang hindi sila ang kilala naming . . . sila.

Nakikipagkamay si Rico sa mga bumabati sa kanyang nakatatanda.

Saglit na ngingiti pero seseryoso rin agad.

Madalas siyang nasa gitna. Kapag may event, lagi siyang nasa gitna. Pero nakilala ko rin kasi siya sa ibang pagkakataon. May ugali si Rico na lagi siyang pumupunta sa sulok, hindi dahil introvert siya, pero gusto niyang nakikita ang lahat para bantayan.

May mga sandaling umaakyat siya sa stage, titingnan niya lahat. Matagal na ang mahigit kinse minutos sa kanya sa pagtayo roon. Napansin din yata 'yon ni Melanie.

"Hindi ko masyadong ka-close si Mr. Dardenne, girl. But seriously, para siyang ibang tao ngayon," mahinang sabi ni Mel nang tabihan ako sa gilid na maraming nakahilerang mesa na aayusin na lang bukas.

Ramdam na ramdam ko 'yon. Gusto kong itanong kung nasaan na ba ang asawa ko? Bakit ibang tao ang nakikita ko ngayon?

Kasal na ni Leo bukas, pero may kung ano sa pakiramdam ko na parang . . . hindi kasal ang pupuntahan nilang magbabarkada.

"Nakakausap mo ba nang okay si Patrick?" nanlulumong usisa ko kay Melanie.

Nangasim lang ang mukha ni Mel sa tanong ko. "Girl, si Patrick, hindi 'yan kasingresponsable ng asawa mo, okay? Nakakausap ko siya kapag umuuwi siya. Okay naman siya."

"Hindi mo ba tinatanong kung ano'ng ginagawa niya?"

"Tinatanong naman."

"Ano'ng reaction mo?"

"Hmm." Tumingin muna siya sa itaas, nag-iisip pa ng isasagot, pero sigurado akong hindi masama ang loob niya kay Patrick hindi gaya ko kay Rico. "Girl, na-explain ko naman na sa 'yo, di ba?" sabi niya pagbaling sa akin. "Si Mr. Dardenne, alam mo namang parang kuya na 'yan nina Patrick. Hindi mo maaasahan ang asawa ko na gawin ang mga ginagawa ng asawa mo. Kasi alam mo, ako, naniniwala ako kay Mr. Dardenne. Kung ano man ang ginagawa nila ngayon, it's for your safety, it's for his family's safety, kaya rin hindi nila magawang manghingi ng tulong."

"So, delikado nga. Kaya rin ayaw niyang malaman ni Mum."

Ang lalim ng paghinga ni Melanie at nakangiwi siya nang ibuga 'yon. "Hindi ko masasabing delikado, but he's doing the right thing na hindi isali rito si Mamshie Tessa kasi, girl." Napailing-iling si Melanie. "Marami ring kaaway ang mother-in-law mo. Riot talaga 'to, girl, kapag sumawsaw siya, sinasabi ko na sa 'yo."

Lalo lang akong pinakakaba ng mga sinasabi ni Melanie sa akin. Hindi ko pa rin matimbang ngayon kung saan ako papanig.

Naubos ang last day of rehearsal na 'yon na ang tanging pag-uusap namin ni Rico ay noong paalis na siya kasama sina Clark. Basta ang sinabi lang niya sa akin pagtapat naming dalawa, "Kumain kang mabuti. Ingat pauwi." Bago niya binalingan si Melanie saka tumango. Tumango lang din si Mel sa kanya bago sila umalis na magbabarkada.

Yung alam mong asawa mo siya, pero hindi mo 'yon maramdaman.

Dumating ang kasal ni Leo, at masasabi kong engrande ang kasal nila kahit pa minadali ang lahat.

Nakikita kong masaya ang mga um-attend, at masaya ang mga pamilyang bumabati sa bride at groom habang hinihintay si Father Gerry. Pero mula sa malayo, nagkukumpulan na naman sina Rico at ang barkada niya. Nag-uusap-usap na naman sila nang sobrang seryoso.

Sinasabi ni Rico sa akin noon, "Matagal na naming pinaghahandaan ang wedding ni Leo. Si Mum lang naman ang excited."

Pero sa nakikita ko ngayon . . . walang excited sa kanilang magbabarkada, kahit si Mum.

AGS 1: The Love Investment (PUBLISHED)Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon