Naiiwang mag-isa sa nirerentahan nilang bahay si Karen. Pareho kasing may trabaho ang kanyang Kuya Ramon at Ate Emmie at karaniwan ay gabi na kung umuwi ang mga ito. Sa isang pabrika sa Paranaque nagtatrabaho ang kuya niya. Sa isang garment factory naman sa Pasig nagtatrabaho ang kanyang ate.
Sa loob ng dalawang buwang pagkakatambay, walang ginawa si Karen kungdi ang manood ng mga DVD tapes o makinig ng mga awitin sa kanyang mp3 player para patayin ang oras. Kahit mahilig sa pagkanta ay bagot na bagot na siya. Isa pa ay nahihiya na rin siya sa mga kapatid niya.
Mga vocational courses algn ang natapos ng mga ito samantalang siya ay iginapang pa ng mga magulang at mga kapatid para makapag-aral ng four year course. Actually, isang taon pa bago siya makatapos pero siyempre ay umaasa siya na kahit paano ay makakakita agad siya ng trabaho.
Ang totoo ay maganda naman ang mga academic records ni Karen. Hindi rin naman siya mahuhuli kung pleasing personality ang titignan. Pero ang ipinagtataka niya ay kung bakit laging "Ipapatawag na lang kita." ang sinasabi ng mga inaaplayan niyang kumpanya. Alam naman niya na ang kahulugan noon ay mas malaki ang tsansa na hindi na siya ipatatawag. At nadi-depress na talaga siya.
Nababawasan lang ang pagkabagot ni Karen tuwing sasapit ang "Leisure time". Ang pinaka- leisure time niya ay iyong pagkatapos na mananghalian ay doon na siya magpapahinga sa maliit nilang terrace na nakaharap sa maliit ding terrace ng katabi nilang puting bungalow. Mula roon ay nakikita niya kung ano ang nangyayari sa kabilang bahay dahil cyclone wire lang ang bakod na nakapagitan sa kanilang mga bakuran.
May inaabangan siya tuwing tanghali-- ang pagtugtog at pag-awit ng kanilang kapitbahay na lalaki. Malamig ang boses ng lalaki at napakahusay pang tumugtog ng piano. Sa tantiya niya, ay nasa late twenties na ang edad ng idolo niyang singer/musician. Ni minsan ay hindi niya binanggit sa mga kapatid ang tungkol sa lalake. Baka pauwiin siyang bigla ng mga ito sa takot na umibig na naman siyang muli. Isa sa mga dahilan kaya siya pinapunta agad ng parents niya sa Maynila ay upang iiwas siya sa kanyang nobyo.
Napamulat si Karen nang marinig na bumukas ang pintuan sa kabilang bahay. Napabalikwas na siya ng makitang lumabas ang isang matandang lalake. Pinagmasdan niya ito. Naisip niya na marahil ay ito ang ama ng kanyang idolo dahil kahit nasa late forties na ay gwapo pa rin.
Sa wakas, may mapagtatanungan na rin siya hinggil sa iniidolo niya.
"Magandang tanghali po...." halos pasigaw niyang bati saka nagmamadaling tumayo. Lumabas pa siya ng terrace at lumapit sa bakod.
"Hello po...!"
Hindi siya narinig o marahil ay talagang hindi siya pinapansin ng matandang lalaki. Nagtuluy-tuloy lang ito sa paglalakad. Pagsapit sa ilalim ng punong manggang nasa harapan lang ng bakuran ay tumuntong ito sa konkretong upuan. Itinali nito sa pinakamalaking sanga ang dala-dalang lubid.
Napatulala si Karen ng makitang tila magpapakamatay ang matandang lalake dahil sa korte ng buhol na ginagawa sa dulo ng lubid. Napanganga na siya nang ipasok ng matanda ang lubid sa leeg nito.
"M-mister, naku po! Huwaag po! Huwaaaggg....!" napalakas ang pagsigaw ng dalagita nang makitang tumalon na ang matanda.
Nangisay agad ang mga paa ng matanda at ng iangat niya ang paningin sa mukha nito ay nakita niya ang paunti-unting paglawit ng dila nito.
Sindak na napapikit si Karen. Madiing-madiin ang pagkakapikit niya habang sumisigaw at habang nakabaon ang mukha sa dalwa niyang mga palad.
"Haaahhhh!" untag niya.
Pabalikwas na bumangon si Karen. Awtomatikong pinahapyawan niya ng tingin ang puno ng mangga sa kabilang bakuran. Walang nakalambiting matandang lalaki roon.
BINABASA MO ANG
Lagim sa Dilim
HorrorIto ay ang mga pinagsama-samang mga kwentong ng katatakutan na akin lamang nabasa mula sa iba't ibang libro at mga iba't ibang uri ng babasahin na gusto kong ibahagi sa inyo. Ito ay mga kwentong nagpapatayo ng inyong mga balahibo, magpapabilis ng ti...