Pagising ko pa lang, agad na sumagi sa isipan ko kung bakit sa dinami-rami nang mga taong pwedeng pumasok at umepal sa panaginip ko, bakit ang lalaking ‘yun pa? Ni hindi ko nga siya kilala sa personal. Ni kahit minsan ay hindi ko nahagilap ang presensiya niya sa real world.
Bakit kaya?
Buti na lang sana kung si Eugene pa ang mapapaginipan ko. Ang saya-saya ko siguro at saka ang ganda pa ng simula nang araw ko, noh?
Speaking of Eugene, naaalala ko na naman ang natatanging kabaitan at kagwapuhan niya na kung hindi pa ako sinaway ni Daff, siguro, mabubuking na ang lihim kong pagnanasa.
Pero hindi naman talaga ‘yun pagnanasa, ang laswa naman pakinggan. Pwede pa siguro ‘yung crush. Ganun.
So balik kay Eugene, ayun na naman siya. Kontentong nakaupo sa isang bahagi ng library na malapit sa aircon at tahimik na nagbabasa nang kung anong magazine. Buti nalang at nakahanap ako ng napakaperpektong pwesto kung saan nakarap si Eugene sa amin. O ako ay nakaharap sa kanya. Basta ganun. Kung kasalanan siguro ang tumitig sa isang gwapong nilalang, handa akong makulong. Basta si Eugene nga lang ang dahilan.
“Hoy.” Mahinhing tawag ni Daff sa akin na bahagya pa akong kinurot. Wala sa oras tuloy akong napalingon sa kanya. Pero mukhang nabigla yata ‘yung ilang ugat sa leeg ko dahilan para kumirot at ‘yung kirot ay gumapang hanggang sa sentido ko. “Arraaaaayyyyy.”
Bahagyang pang natawa ang “mabait” kong kaibigan. “OA mo naman.” At nagawa pa nitong itulak ako. Pero hindi naman masyadong kalakasan. Alam niyo kasi, may iniingatang reputasyon ang kaibigan kong ito.
“Oooooyyy..”
May nakahanda na sana akong litanya para kay Daff nang may bigla nalang humawak sa kamay ko na nakahawak sa sentido ko. “Okay ka lang?”
Sisigawan ko na sana kung sino man ang basta-basta nalang humawak sa akin nang walang permiso, kaso iba lang ang nangyari kasi napatulala na lang ako nang malaman kung sino ‘yung nagmamay-ari ng mga kamay na iyon.
Eugene~
“Le.” Naiinis na tawag ni Daff sa akin.
At ngayon ko lang naitanong sa sarili ko kung bakit ko ba laging kasama ang kaibigan kong ito na wala na talagang ibang gawin kundi ang sumira sa moment ng may moment. Paano naman kasi, pinutol niya ang silent communication naming dalawa ni Eugene sa pamamagitan nang pagsipa sa binti ko sa ilalim ng mesa.
Ang bait noh?!
“Eugene.” Tawag ni Daff. “Pwede mo nang bitawan ang mga kamay ni Le.” Pagkasabi pa lang niya, agad namang binitawan ni Eugene ang mga kamay ko at nahihiyang ngumiti sa amin.
“Okay ka lang?” nag-aalalang tanong niya sa akin.
Inaappreciate ko pa sana ang ipinapakitang tender-loving-care niya para sa akin nang maramdaman ko ang bahagya na namang pagsipa ni Daff sa mga paa ko. “Okay lang.” napipilitan kong sagot.
“Aahh.” Yumuko siya ng kaunti at nahihiyang kinamot ‘yung ulo niya. “Sige, balik muna ako.” Pamamaalam niya.
Tumango lang ako at sinundan siya ng tingin hanggang sa makabalik na siya ng pwesto. Kaso nga lang, may iba nang umupo doon. “Oy, it’s the Prom King!” sabi ko na agad tiningnan si Daff na hindi maipinta ang mukha.
“Hey Daff~”
“Shut up.” Agad na putol niya sa kung ano mang sasabihin ko. Aalis na nga sana siya kung hindi ko man lang pinigilan sa kamay. “Kung ang sirain ang araw ko ang gusto mong gawin, huwag na. Sirang-sira na.”
“Hindi naman ‘yun ang gusto kong gawin, ah.” Kahit ‘yan sana ang plano ko. “Tatanungin ko lang kung ano na nga ‘yung sasabihin mo sa akin kanina pa.”
Buti nalang at mukhang nadivert na ang atensyon ni Daff kaya mula sa isang murderous na aura ay napalitan ito nang excited na aura niya.
“Alam mo ‘yung tungkol kina Ian at Danielle?” panimula niya.
“Wala lang naman silang ibang ginawa kundi ang magbangayan, ‘di ba?” tanong ko habang tinatanaw kung saan na napunta si Eugene. Unfortunately, malayo-layo na ang kanyang kinaroroonan kaya napilitan na lang akong magtiis sa pakikinig sa kaibigan kong ito. “At ewan lang kung bakit ayaw na ayaw ni Danielle kay Ian.”
Nagkibit-balikat lang siya. “Alam mo ‘yung mutual dreaming?”
“Akala ko ba tungkol kina Ian at Danielle ‘yung sasabihin mo? Bakit napunta sa mutual dreaming? At ano ba ‘yang mutual dreaming?”
Frustrated na sinuklayan niya ang kanyang mahaba ngunit wavy na buhok. “Wala ba sa vocabulary mo ang introductions? Syempre, may kinalaman ang mutual dreaming kina Ian at Danielle. Ikaw talaga Le.”
“So? Ano nga ‘yun?”
“Mutual dreaming. ‘Yung dalawang taong magkatulad ang panaginip. Unexpectedly nga lang.” Sabi niya. “Kung hindi nga lang dahil sa malaratatat na bibig ni Eyashi, hindi sana namin malalaman ito. Si Danielle naman kasi, super malihim. Ayun tuloy, medyo natagalan ang pagsagap ko sa latest chika. At alam mo kung ano ‘yung chika ni Eyashi?” Umiling ako. Obviously, kaya nga ako nagtanong ay para malaman kung ano ‘yun, di ba? “Sa panaginip, naging silang dalawa at halos lahat ng sangkatauhan at sambayanan ay bumabati sila. Nakakatuwa talaga! Ahhhhh…” may iba pa siyang sinabi ngunit hindi ko na iyon naiintindihan at naririnig kasi isa lang ang tumatak sa isipan ko.
Paano kung kami ni Roar, parehas lang din nang sitwasyon? Mutual dreaming. Parehas sa panaginip ni Danielle. Malaki ang posibilidad!
Kaya lang…
Ang kaibahan lang ay magkakilala naman silang dalawa kahit na ayaw na ayaw ng kaibigan ko sa kanya habang ako at si Roar, ni hindi ko nga narealize na nag-exist pala siya sa mundong ito! Ni hindi ko pa siya nakita. Hindi ko nga lang alam kung bakit napunta siya sa panaginip ko. At napakacoincidence naman yata na mutual dreaming ‘yung sa amin kasi ilang beses na siyang nasa panaginip ko.
“Daff.” Putol ko sa sinasabi niya. “Paano kung may napanaginipan kang tao na ilang beses nang nasa panaginip mo, kaso hindi mo man lang siya nakikilala?”
Napaisip siya. “Kung tinatanong mo ako kung mutual dreaming ba ‘yan, sa tingin ko ay hindi. Unang-una, paano mo malalaman na mutual dreaming ni hindi man nga kayo magkakilala talaga. Alam mo, may nabasa kasi ako na kung sino ‘yung mga taong nasa panaginip mo na hindi mo man lang kakilala, malamang multo ‘yun na tinititigan ka habang natutulog ka.”
Multo…
“Anong multo ba ‘yang pinagsasabi mo? Ikaw talaga, Daff. Huwag kang magbiro nang ganyan.”
Kahit hindi man nakangiti ay alam kong tuwang-tuwa si Daff sa hitsura ko ngayon. “Anong biro? Totoo kaya ‘yun. Itanong mo pa kay Ripley.” Tumawa pa siya sa sariling biro bago nagseryoso. “Bakit mo nga pala naitanong?”
Nagkibit-balikat lang ako. “Wala lang. Curious.
“Aaaaahhh.” Alam kong may gusto pa sana siyang sabihin ngunit nagpasya siyang huwag nalang ituloy. Knowing this girl…
Pero ….
MULTO?!!